NAPAKAMOT SA ulo si Pedro. Pinagmasdan niya ang batang makulit at weird. Maliit lamang itong bata, maamo ang mukha, parating malinis ang uniporme kahit madalas niyang nakikitang animo gulong na nagka-cartwheel sa kung saan-saang panig ng eskuwelahan. Isang kakatwang bata si Nicci. Nakakatuwa na hindi tulad ng ibang mga batang pinagtatawanan ng mga kaklase, si Nicci ay tila mayroong sariling mundo. At anuman ang gawin nito sa mundong iyon, masaya ito, hindi apektado sa panunukso ng iba. Si Nicci pa lamang ang nakilala ni Pedro na batang ganoon.
"Eight years old ka pa lang, Nicci."
"Age doesn't matter. Baka hindi mo alam kung ano ang boyfriend, Pedro? It's like a very best friend, only a boy, and he gives you flowers and chocolates and you go out with him. When a girlfriend goes out with a boyfriend, it's called a date."
Napatawa siya. Mukhang maraming alam ang bata at handa itong mag-lecture tungkol sa kung ano ang isang boyfriend. "Saan mo natutunan ang lahat ng 'yan, Nicci? Alam mo ba na bawal sa bata ang magkaroon ng boyfriend?"
Nalukot ang mukha nito. "Wala namang masama sa pagkakaroon ng boyfriend. In fact, I already told my mother that I will have a boyfriend."
"At ano ang sinabi niya?"
"She said it's okay."
Napakamot si Pedro sa ulo, hula ay sinabi lang iyon ng nanay ni Nicci sa bata dahil makulit din naman talaga si Nicci. Siguro, sa labis na kaabalahan ng ina ni Nicci ay sinabi na lamang niyon sa anak na gawin ang nais. Isa pa, sa tingin ni Pedro ay pangkaraniwan na iyon sa mga mayayamang estudyanteng nag-aaral sa Saint Francis De Sales. Isa siya sa iilang pinalad na makapag-aral sa eskuwelahan sa tulong na rin ng pamilya ni Apple at sa scholarship grant ng mga ito.
Magmula pa ng isilang si Pedro, ang kanyang ama na ang nagsisilbing hardinero sa Pamilya Madrigal, ang pamilya ni Apple. Mabait ang pamilya sa kanila at inalok nga siya ng scholarship.
Kung may isang babaeng gustong maging nobya si Pedro, iyon ay walang iba kundi si Apple. Ngunit wala pa sa isip niya ang bagay na iyon. Nangangarap lang siya nang gising sapagkat kahit na ilang punla ang kanyang itanim sa lupa, mananatiling langit at lupa ang agwat nila ni Apple.
"So? Are you now my boyfriend?" giit ng makulit na bata.
Napatawa siyang bigla. Sino ang hindi matatawa sa sitwasyon at matutuwa kay Nicci? Sa lahat ng pagdidiskitahan sa eskuwelahan ay siya pa ang napili nito. "Hindi, Nicci. Sa palagay ko, masyado pa tayong bata para sa ganyang mga bagay."
"Age doesn't matter!" Pumadyak ito, nalukot ang mukha.
"Kung magiging boyfriend mo ako, ano naman ang inaasahan mong gagawin natin? Magde-date? Ni wala nga akong pera kadalasan pamasahe."
"I will give you money! I have savings. I have three piggy banks." Itinaas nito ang mga daliri na tila ba kailangan nitong ipakita sa kanya kung gaano karami ang tatlo.
Hindi magawang mainis ni Pedro sa bata. Bukod sa napaka-cute nito ay halatang wala pang muwang sa mundo. Sa isang banda, masaya si Pedro sa ganoong katangian ni Nicci at nahiling niyang sana ay tumagal ito sa ganoong estado. Hindi tulad niya na sa edad na iyon ay iniisip na agad kung paano ba siya makakapagtapos ng pag-aaral. Sapagkat sa kabila ng scholarship, maraming mga gastusin ang pamilya na kailangang unahin. Sabihing libre ang paaral sa kanya, maraming mga proyektong mamahalin na dapat gastusan, bukod pa sa baon niya. Kung sila lamang pamilya ay wala marahil problema, ngunit nagkasakit ang kanyang lola. Mahal ang mga gamot na inireseta rito ng doktor. Sa katunayan, ang kanyang ina ay papasok na rin sa Pamilya Madrigal sa susunod na linggo bilang kusinera.
Ang mga pangarap ni Pedro na umasenso sa buhay, ang iahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, at pagdating ng panahon ay humarap kay Apple na mayroon nang sinabi, kung minsan ay tila ba ilang milyong milya ang layo mula sa kanya. Kung sana isinilang siyang mayaman.
"Hindi ganoon 'yon. Isa pa, Nicci, ang babae ang nililigawan. Hindi ang babae ang nangliligaw."
"Manong told me that and I told him that's not fair. Did you know, Pedro? Did you know that a long, long time ago, women aren't even allowed to vote? But women fought to have the right to vote! Tulad din ng panliligaw. Puwede rin kami! So boyfriend na ba kita, o ano?"
"Hindi. Strict ang parents ko, eh." Nais matawa ni Pedro sa nasabi. Sa isang bata ay parang hindi niya masabi ang totoong paliwanag ng lahat, paano'y tila may sagot ito sa lahat ng argumento niya!
"What do you mean?"
"Hindi pa ako puwedeng mag-girlfriend kasi strict sila."
Halatang hindi iyon inaasahan ng bata sa biglang pagkunot ng noo nito. Mayamaya ay napatango itong bigla. "I see." Tumabi ito sa kanya. "You know, my parents could be strict, too. I don't like it at all but I have to follow. Maybe if I talk to them?"
Kinagat ni Pedro ang loob ng labi upang pigilan ang pagtawa sa labis na pagkaaliw sa kakatwang bata. "Naku, hindi puwede kasi talagang istrikto sila, eh."
"Well, that's a big problem." Mukhang nalungkot ito. "That makes me very sad, Pedro. Very, very sad."
"Hayaan mo na, bata ka pa naman. Mahaba pa ang panahon para makahanap ka ng boyfriend. Mas maganda kasi sa mga tulad natin, mag-aral muna."
"Puwede naman tayong mag-aral kahit boyfriend kita, ah? How about if we keep it a secre to your parents?"
"Naku, marami akong kakilala dito sa school at tiyak malalaman din ng parents ko. Kapag nalaman nila, sigurado nang pagagalitan nila ako."
Nanglaki ang mga mata ng bata. "Papaluin ka?"
"Oo. Sinturon pa naman ang pamalo ng tatay ko."
"Ouch." Lumabi ito. "Well, maybe we can keep it a secret from everyone. You know, I will not tell anybody. Not even my parents! I swear to you. It will be out little secret."
Muli, nais ni Pedro na mapakamot sa ulo ngunit sa halip ay sinabi niya, "Ayokong magsinungaling sa magulang ko, Nicci. Ayoko ring gawin mo 'yon."
Lumabi ito. "I understand. Liars go to hell."
Napatawa na siya. "Kainin na lang natin itong chocolate."
Tila napipilitan lang itong tumango. Piniraso niya ang chocolate bar at ibinigay dito ang mas malaking bahagi. Para sa isang tulad nitong napakabata pa, kakatawang parang alam na nito kung paano ang malungkot sa ganoong paraan.
Mayamaya ay nagpaalam na rin sa kanya ang bata. "It's okay, Pedro. We can wait. Maybe next year your parents wouldn't be as strict anymore. Until then!" Kumaway ito at naglakad palayo, hanggang sa magpalundag-lundag na ito ng lakad pabalik sa school building, ang mga pigtails ay sumasayaw sa bawat galaw.
Napatawa siyang muli, napapailing. Binuksan niya ang aralin at nagsimulang magbasa. Kailangan niyang panatilihing mataas ang mga marka para magpatuloy ang scholarship sa susunod na taon. Marahil sa pagtuntong din niya ng high school ay magta-try out siya para sa basketball team. Marahil, mas mapapansin siya ni Apple kapag ganoon. Ngayon pa lang ay nadarama na niyang may pagtingin sa kanya ang kaklase. Sa gawi ng pagtingin nito, sa pagngiti, at sa pakikipagkuwentuhan sa kanya kapag nasa bahay siya ng mga ito.
Marahil darating ang araw, kung kailan natupad na niya ang lahat ng kanyang mga pangarap, at haharap siya rito bilang isang ganap na lalaki at maipagmamalaki ang kanyang narating. Sana, sa pagdating ng araw na iyon ay walang nauna sa kanya sapagkat malayo at matagal pa bago matapos ang kanyang paglalakbay. Alam niya iyon. Lumaki siyang mulat sa katotohanan ng buhay. Ang ilang pagkakataong natulog siya at pumasok sa eskuwela na walang laman ang sikmura; ang ilang ulit niyang paglalakad pauwi dahil wala siyang pamasahe; ang mga araw na wala silang kuryente dahil hindi nakabayad sa Mercalco—lahat ng iyon ay nagsabi sa kanya kung ano ang totoong buhay na kailangan niyang harapin.
Nang tumunog ang bell ay tumayo na siya at nagtungo sa classroom. Kapag lunch break, kalimitang nasa batibot lang siya sapagkat siya lang sa buong klase ang may baong "pagkaing pangmahirap." Para iwas sa kantiyaw o sa pagkaawa ng iba, natuto siyang lumayo. Habang ang mga kaklase niya ay may baong masasarap at imported na pagkain, ang laman ng plastic niyang baunan at kanin at tuyo, o kung minsan ay sardinas, kundi ay itlog.
Lumakas ang tibok ng puso niya nang matanawan si Apple na papalapit. Ngumiti ang dalagita at sinabi, "Pete, help me with our homework in science, please?"
"Oo bah," agad niyang tugon. Kailanman, hindi niya magagawang tumanggi rito. At kung marahil ito ang nagsabi sa kanyang maging magnobyo sila at ililihim nila iyon sa lahat, walang kagatol-gatol siyang sasagot ng "oo."
YOU ARE READING
Dreams of Passion Book 5: PEDRO AND NICCI (COMPLETED)
RomanceBook 5 of the collaboration series with Mandie Lee.