21. Kim, Myca And A Cake

1.4K 86 5
                                    

SUMAMA si Myca nang gabing iyon sa bar. Hindi man gusto ni Lara na witness na naman siya sa flirtations ng babae ay wala siyang nagawa. Si Gabriel ang gusto nitong samahan, hindi naman siya. Hindi rin tumutol ang lalaki kaya anong magagawa niya? Nagpanggap na lang si Lara na hindi affected sa presence ng babae. Alangan namang pigilan niya ang 'super excited' na audience ng Heart's Limit. Hindi rin naman daw makakatulog agad sa condo—kinakabahan daw, makikilala na kasi ang bagong boss. Sekretarya pala si Myca. Maliit na kompanya lang, ayon sa babae. Minimum wage kaya kailangan daw rumaket pa. May kapatid pala na pinag-aaral sa probinsiya si Myca.

Pumayag si Gabriel kaya wala na siyang magawa. At ngayon nga, habang break ang Heart's Limit sa set, parang sawa na naman si Myca, hindi mapigilan ang sariling lingkisin si Gabriel. Ang magaling na lalaki naman, gustong-gusto, hindi man lang umiwas!

"Who's that, girl?" boses na pumukaw kay Lara. Nilingon niya ang nagsalita. Si Kim. "Kim, hi!" bati niya. "'Nandito ka pala?"

"Sumama ako kay Kuya Jay. Nabo-bore ako sa place niya eh." Sagot nito, bumalik ang mga mata sa dalawang nasa counter. Mas pinili ni Lara na sa ibang table umupo. Hindi niya matagalan ang obvious na pang-aakit ni Myca kay Gabriel.

"Younger sister ng late girlfriend ni Gab," sagot niya sa tanong ni Kim.

"Oh?" si Kim na mas pinanood ang dalawa. Mayamaya ay napansin niyang umangat ang kilay nito bago ngumiti. "Lara? Kilala mo 'yong girl? I mean, may alam ka sa kanya? Ano'ng interest? Hobby?" Parang normal na palakasan sila ng boses ni Kim kapag nag-uusap sa bar, para magkarinigan nang maayos.

"Wala masyado. Wala pang two weeks 'yan si Myca sa condo. Ang alam ko lang, mahilig mamasyal at manood ng movies—nagpapasama kay Gab, eh."

"Two weeks sa condo?" ulit nito. "Kasama n'yo siya sa condo?"

"Temporary lang naman," si Lara. "Wala pang mahanap na sariling place. Malapit si Gab sa family niya."

Tumango-tango si Kim. "I think, una sa list niya ng hobbies, boys!" si Kim at bumungisngis. "Ang galing mag-flirt!"

"Napansin mo rin?" sakay ni Lara, hindi lang pala siya ang nakapansin.

"Mag-flirt siya sa lahat ng guy dito, I don't care! Basta 'wag si Kuya Jay. Hihilahin ko'ng hair niya, I swear!" Iniwan na ni Kim ang upuan, hinila siya. "Natitiis mong mag-isa dito, Lara? Sa taas na lang tayo. Samahan mo si Kuya Jay!" Bago pa siya nakapag-protesta, papunta na sila sa private office ni JR. Napailing na lang si Lara nang hindi man lang nag-warning knock si Kim. Itinulak na lang basta ang pinto.

"As promised, Kuya! May kasama ka na! Thanks to me!" Itinulak siya nito sa loob saka mabilis na isinara ang pinto. Napailing at napangiti na lang si JR. Tumayo ang lalaki at mula sa high-back chair ay sinalubong siya. Napansin ni Lara na may plato na may lamang slices ng cake sa mesa nito.

"Pasensiya ka na kay Kim, Lara," si JR na inalalayan pa siya hanggang makaupo sa harap ng mesa nito. "Mas gustong makipag-asaran sa baba kay Paige kaysa samahan ako," inalok siyang kumuha ng cake. Nasa mesa na rin nito ang walang laman na platito at kutsarita. Para kay Kim siguro iyon.

"Stress ka ba kaya may sweets?" nakangiting tanong niya, kumuha ng isang slice ng cake. Napansin ni Lara na parang hindi magaan ang mood nito. Kailangan talaga yata ng kausap.

"It's Mom's birthday," sabi ni JR, malungkot ang ngiti.

"Oh. Nasaan siya?"

"Iniwan na kami ni Dad..."

Napatitig si Lara sa kausap. Ang lungkot sa mga mata nito ang mas naintindihan niya. "Sorry..."

Napatingin si Lara sa pinto. Gusto niyang bumalik sa bar at hilahin pabalik si Kim. Birthday ng mommy ng mga ito, si JR lang ang nakaalala at si Kim, walang pakialam? Nagsasaya sa bar samantalang ang kuya nito, nagmumukmok.

Ang teenagers nga naman...

"Sa ama lang kami magkapatid ni Kim," si JR, nahulaan yata ang iniisip niya.

Kaya pala...

"Ayaw ni Kim 'to," at ngumiti. "Hindi niya gusto ng kahit ano'ng mabigat sa puso."

Tumango na lang si Lara. Wala rin naman siyang ginagawa sa bar, sasamahan na lang muna niya ang malungkot na kaibigan.

Nang mga sumunod na sandali, nakikinig na siya sa mga kuwento ni JR tungkol sa pamilya nito at kay Kim. Ilang minuto bago ang huling set ng Heart's Limit, tungkol na sa friendship nila ni Gabriel ang tinatanong nito.

"Thanks, Lara," nakangiti si JR nang sinamahan siyang bumaba sa bar. Oras na nang pagtugtog nila. Nasalubong nilang paakyat naman si Gabriel.

"Hindi ka man lang nagpaalam," si Gabriel sa kanya. "Hanap kami nang hanap sa baba." Malamig na dagdag nito, malamig din ang tingin na dumaan kay JR na wala namang reaksiyon.

"Busy ka naman kanina, 'di ba?" matabang niyang sagot. "Kung kinidnap nga ako 'di mo man lang mahahalata, eh." Nilingon niya si JR. "Salamat sa cake, Jay. 'Di na ako stress!"

Saka lang ngumiti si JR. "I've got chocolates, too. 'Akyat ka lang, Lara."

Tumango siya at nilampasan na si Gabriel. Dumiretso na siya sa mga kasama na naghahanda na para sa huling set nila.

Si Myca ang pinakamalakas ang cheer kay Gabriel nang nasa stage na sila.

Loving Lara (Karugtong Ng Isang Pag-ibig Revisited) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon