'Cyu later.'Binasa ko ulit iyong text ni Nigo kanina pang umaga. May pupuntahan daw kami mamayang hapon para sa sixth anniversary namin.
Nakapagtapos na siya ng pag-aaral at professor na siya ngayon sa isang sikat na university. Ako naman patapos na ngayong taon para makuha ang master's degree ko sa business management na gusto ng mga magulang kong kuning program.
Humarap ako sa salamin at inayos ang mahaba kong dark brown na buhok. Sinubukan ko iyong bagong make-up tutorial na natutunan ko kagabi noong nanonood ako sa YouTube. Sinimula ko ang brown smokey eye para bumagay sa buhok ko. Mas napaganda nito ang chinita kong mga mata. Mas nagkaroon ng kulay ang maputla kong kutis.
Nang matapos ako sa make-up, nagpalit na ako ng white top at jeans. Pagkatapos kong suotin ang itim kong block heels na may taas na two inches, tinignan ko ang sarili sa salamin. Ang tagal na pero naninibago pa rin ako sa itsura ko.
Ibang-iba.
Sinabihan ko si Nigo na magkita na lang kami sa mall na malapit tapos doon niya na lang ako sunduin. Gusto niya sanang sunduin ako rito sa condo pero ayoko.
Pagkarating sa mall pumunta muna ako sa supermarket para bumili ng Chuckie at mini Oreos kasi ito hilig ko mula pa noong bata. Bumili rin ako ng Sarsi softdrinks saka Cheetos na paborito naman ni Nigo. Kumuha na rin ako ng iba pang snacks. Ewan ko nga roon kung paano niya nagustuhan ang Sarsi na lasang gamot para sa akin.
Napatingin ako sa cellphone nang mag-vibrate ito noong nagbabayad na ako sa cashier.
'San kna? D2 na aq.'
Natawa ako dahil hanggang ngayon naaaliw ako kung paano mag-text si Nigo. Nagtipa ako ng reply pagkatapos nang ibigay na sa akin ang resibo at sukli.
'Dito ako sa supermarket. Wait kita.'
Umupo muna ako sa mga available na tables habang naghihintay. Nag-Facebook muna ako habang iniinom ang chuckie. Maya-maya lang may nagtakip ng mga mata ko at naamoy ko agad ang pamilyar na panlalaking pabango. "Nigo, ano ba!" Tumawa ako at tinanggal ang pagkakatakip ng mga kamay niya saka ko siya nilingon.
Tumungo siya para salabungin ako ng marahang halik bilang pagbati. "Tara na?" pag-aaya niya. Tumango ako at kinuha ang plastic bag saka tumayo. Habang naglalakad kami papunta sa parking lot napansin niya ang dala ko. "Ano 'yan?" tanong niya. Inabot ko naman ito habang ngumunguya ng Oreo.
Sinilip niya ang nasa loob at natawa. "Alam na alam mo talaga kung ano gusto ko, 'no?"
Oo pero iyong gusto ko hindi mo alam.
"Syempre naman," sagot ko. Inakbayan niya ako at lumapit sa tainga ko.
"Pero alam mo ba kung ano talaga ang gusto ko?" bulong niya na nakapagpanindig ng mga balahibo ko.
"Ako," simple kong sagot na para bang walang epekto sa akin ang mga kilos niya.
Tumawa siya at hinalikan ako sa sentido. Naramdaman ko ang mainit niyang hininga habang inaamoy niya ang buhok ko."Talino talaga ng girlfriend ko," sambit niya nang makarating kami sa kotse niya.
Nakahinga ako nang maluwag nang humiwalay siya para pagbuksan ako ng pinto. Pagkasakay ko ay sinarado niya ito at umikot para sumakay sa driver's seat saka niya pinaandar ang makina.
"So, saan tayo pupunta?" tanong ko pagkatapos niyang ipagsiklop ang mga daliri namin nang hawakan niya ang kaliwang kamay ko habang nagmamaneho.
"Basta," tipid niyang sagot at nakangiting sumulyap sa'kin. Nginitian ko siya pabalik.
Medyo mahaba-haba rin ang byahe na halos isang oras. Dumaan pa kasi kami sa bundok at halatang malayo ito sa syudad. Saan naman kaya ako dadalhin nito? Habang nasa byahe kinain namin iyong snacks na binili ko. Maya-maya naman ay pinarada na niya ang sasakyan sa isang restaurant na nasa bundok.
Tahimik ang paligid, papalubog na ang araw, naramdaman ko agad ang malamig na simoy ng hangin nang bumaba ako sa sasakyan kaya niyakap ko ang sarili. Kahit na ganoon, napakasarap sa pakiramdam lalo na may magandang tanawin sa harap ko. Dinig ko rin ang huni ng mga ibon at ingay ng mga insekto na galing sa gubat. Wala naman siguro ahas dito?
Naramdaman ko namang may pinatong siyang itim na jacket sa balikat ko saka ako niyakap mula sa likod. "Bakit naman nagsuot ka ng manipis na damit? Lalamigin ka tuloy."
Natawa ako dahil sa tono ng malambing niyang boses. Pinatong niya ang baba niya sa balikat ko. Payat at matangakad kasi si Nigo pero hindi naman naglalayo ang height namin. "Malay koba na pupunta pala tayo sa ganitong lugar. Tara na gutom na'ko."
May mga halaman at bulaklak na may magandang disenyo sa dinaanan namin.
Kinailangan naming umakyat sa ilang hagdan para makapasok. Pagkarating namin sa taas, walang kumakain at kami lang ang customer.Bukas ang malalaking kahoy na bintana kaya kita ang tanawin sa labas. Madali ring nakakapasok ang malamig na hangin. Ang interior design naman ay halatang hango sa kultura ng mga Pilipino. Karamihan sa dekorasyon ay gawa rin sa kahoy.
When they gave me the menu, I realized that they only served Filipino dishes. It makes sense, though. Nag-order na si Nigo na agad namang inasikaso ng waiter. "Pina-reserve moba 'tong lugar?" taka kong tanong na ikinatawa naman niya.
Wala kasi talagang customer bukod sa amin!
"Parang pina-reserve ko, 'no? May oras lang kasi ang customers dito. Usually mga riders ang kumakain dito bilang stop-over pero ganitong oras wala pa sila," paliwanag niya.
"Ang ganda naman dito," komento ko habang nililibot ulit ang tingin.
"Alam kong magugustuhan mo rito dahil pansin ko mahilig ka na ngayon sa history," napangiti agad ako sa sinabi niya dahil sa tinagal naming magkasama ngayon lang niya nabanggit ang isa sa mga totoong hilig ko.
Lumipas ang ilang minuto, na-serve na rin ang mga pagkain. Marami siyang salad na ni-order katulad ng dati. Napabuntong-hininga na lang ako kasi akala niya vegetarian ako pero ex niya naman kasi iyong ganoon.
Pero hindi naman ako pihikan sa pagkain kaya okay na rin masarap naman ang mga salad nila nang tikman ko ito. Nilabas niya na rin ang simpleng ube cake na binili namin sa nadaanang cake shop kanina.
"Sir, gusto niyo po kuhanan ko po kayo ng picture?" nakangiting alok ng waitress kay Nigo na agad namang tinanguan nito at inabot ang cellphone. Lumipat muna si Nigo sa tabi ko at tumayo sa tapat namin ang waitress. "One! Two! Three! Say Happy anniversary!"
"Happy anniversary!" malakas naming sabi sabay kuha nito ng litrato.
"Salamat, Ate." Nginitian ito ni Nigo pagkatapos niya ibalik ang cellphone.
"You're welcome po. Salamat din po at dito niyo naisipang i-celebrate ang anniversary niyo." Nginitian niya kami pareho kaya agad ko naman siyang nginitian pabalik bago ito naglakad pabalik sa loob.
"Kamusta pala ang pag-aaral mo?" panimula niya habang kumakain na ulit kami.
"Ayos naman. Excited na nga ako makapagtapos. Gusto nila mommy na sumunod na'ko sa New York para makatulong ako sa business ng pamilya namin pero sabi ko pag-iisipan ko muna," nakita ko kung paano siya natigilan dahil sa sinabi ko.
"Aalis ka?" Naramdaman ko ang pagka-bigo sa tono ng boses niya.
Tipid akong ngumiti at hinawakan ang kamay niya. "Ayaw moba?" tanong ko. Kasi kung ayaw niya, okay lang sa akin na hindi umalis.
"Ayoko namang maging makasarili, Lona. Pinagbigyan ka na kasi ng mga magulang mo na rito mag-aral kahit na ang gusto talaga nila ay ro'n ka sa New York. Nakakahiya naman kung susuwayin mo ulit sila para sa'kin." Kapag nakikita kong malungkot si Nigo, para itong virus na ang lakas makahawa.
"Puwede ko naman sila kausapin at kumbinsihin na rito na lang ako magsisimula ng business namin na ako ang magma-manage," agad siyang nag-angat ng tingin at nabuhayan dahil sa sinabi ko.
"Papayag kaya sila?"
"Hindi naman impossible. Maganda rin kasi na makilala ang business namin dito sa Pilipinas," komento ko at pinagpatuloy ang pagkain. Alam kong mahirap iyong sinabi ko at sa tingin ko hindi papayag sila Mama pero susubukan ko pa rin silang kumbinsihin.
"Have you ever thought of having a family?" tanong niya nang maisubo ko ang huling kutsara ng salad. Agad naman akong natigilan sa pagnguya at kinabahan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa tanong niya.
Agad siyang ngumiti at may kinuha mula sa bulsa. Tumayo siya para hawakan ang mga kamay ko at pinatayo ako saka siya lumuhod sa harapan ko. Binuksan niya ang maliit na box at agad na kuminang ang dyamanteng nasa singsing. Tinakpan ko ang bibig sa gulat at agad na nangilid ang mga luha ko.
"Puwede ba na kapag nakuha mo na ang master's degree mo ay magpakasal na tayo Ylona Jane Hizon?"
"Yes!" Tumango ako at tinulungan siyang tumayo para siilin ang labi ko sa sobrang saya. Saka niya sinuot ang singsing at inakbayan ako. Niyakap ko naman siya sa beywang.
"She said yes!" pagmamalaki niya sa mga waiter na agad namang nagpalakpakan.
"Congratulations po!"
Pagkabalik namin sa apartment niya, napasinghap ako at bumilis ang tibok ng puso ko nang halikan niya ako pagkatapos isandal sa pader.
Isusuko ko na ba ang bataan?