(Lunix)
Labing walong taong gulang na siya at may taas na 5'8. Halos hindi na rin namalayan ni Enarion na mag-aapat na taon na pala ang nakakalipas mula ng dumating siya sa bayan ng Robasa. Dahil na rin nga sa nawili siya sa pagbibigay ng tulong sa mga tao sa bayan at ang isa pang dahilan ay si Andrea.
Sa nakalipas na mahigit na tatlong taon ay malaki na rin ang kanyang ipinagbago at iba na rin ang kanyang pananamit kumpara nuong bagong salta pa lang siya sa bayan, marami na rin siyang naipon na gredis. Ang kanyang sandalyas na kulay itim ay gawa sa balat ng buwaya pati ang kanyang pantalon ay balat din na kulay itim na binagayan pa ng sinturon na may malaking bakal na disenyo at tinernohan din ng itim na gwantes at isang abrigo na hanggang sa itaas ng sakong niya ang haba, ang kanyang mahabang abrigo ay parang malapot na dugo ang kulay. Ang buhok niya ay nananatiling hanggang sa kanyang balikat ang haba. Lalo pa siyang naging mahusay sa pakikipag-laban dahil sa araw-araw na trabaho niya sa bayan.
Si tigdas ay isa nang ganap na tigre, isang malaking tigre na puting-puti ang kulay nang balahibo at may isang malaking kulay pulang guhit sa kanyang balahibo na naghahati sa pagitan ng pisngi at itaas ng kanyang mata.
Halos gabi na nang makarating si Enarion sa tagpuan nila ni Andrea. Nanduon si Andrea na nakaupo at nakatingin sa dagat habang naghihintay sa kanya.
"Andrea!" malakas na tawag ni Enarion. "Kanina ka pa ba dito naghihintay sa akin? Pasensya ka na ha, tinapos ko pa kasi iyong huling trabaho ko. Medyo natagalan ako kasi ang daming halimaw ang kinalaban namin ni tigdas ngayon. Kakaiba nga eh at nakapagtataka talaga dahil hindi pangkaraniwan na nangyayari iyon." kwento ni Enarion.
Hindi pa rin nagsasalita si Andrea at nananatiling tahimik na minamasdan ang malawak na karagatan sa gitna ng kadiliman ng paligid. Mahaba pa rin ang buhok ni Andrea na sumasabay sa bawat ihip ng hangin dahil sa kalambutan nito.
"Bakit naman parang wala kang imik ngayon?" tanong ni Enarion. "Bukas pa naman ang ika-dalawampung taong kaarawan mo. Mayroon nga pala akong ibibigay para sa iyo kaya dapat ay maging masaya ka na at huwag ka nang maging malungkot."
Pilit na pinapasaya ni Enarion si Andrea, sapagkat talos niya na mayroong kung anong bumabagabag sa puso at isipan ng dalaga. "Pansinin mo naman ako," sabi ni Enarion. "sige ka aalis na lang kami, hindi mo naman kasi kami kinikibo." biro pa niya.
Tumayo na nga si Enarion mula sa kanyang pagkakaupo sa tabi ni Andrea at kunwa'y aalis na. "Tara na tigdas!" yaya niya. "Kumain na nga lang tayo sa bayan. Hindi naman pala tayo kailangan dito."
Nakaka-isang hakbang pa lang si Enarion nang mula sa kanyang likuran ay tumayo din si Andrea at niyakap siya nito. At sa pagkakayakap ni Andrea sa kanyang likuran ay hindi na tumigil ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata.
BINABASA MO ANG
(COMPLETE) Huling Kasaysayan Series BOOK I (Gintong Palay)
AdventureSi Enarion ay isang batang puno nang pag-asa at naghahanap sa kanyang tunay na magulang at kasagutan kung bakit siya iniwan nang mga ito. Sa kanyang paglalakbay upang matugunan ang kasagutan sa kanyang mga katanungan ay dahan-dahan niyang natutukla...