Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 8
NAKANGITI NIYANG pinagmamasdan ang nahihimbing na ginang na nasa kaniyang tabi. Nilingon niya ang magkapatid na abala sa paglalabada. Nais niya sanang tumulong sa mga ito ngunit tama naman si Masagana, dapat may maiwan sa kanilang inay.
Hinaplos ni Magayon ang mahabang buhok ng ginang nang may pag-iingat.
Nakita niyang napangiti ang tulog na ginang dahil sa kaniyang malalamyos na haplos.
Inaalala niya gaya ng pag-aalala ng magkapatid para sa kanilang inay na halos hindi na ngumingiti at nagsasalita. Tila nawalan ito ng ganang mabuhay matapos pumanaw ang sinisinta nito.
Ganito pala talaga ang tunay na pag-ibig. Kaya tayong pa-ngitiin ngunit kaya rin tayong paluhain. Hindi masasaktan ang isang puso kung hindi ito naaapektuhan ng iba. Ngunit dahil tunay ang pagsinta, tila kahit masakit na, magpapatuloy tayo sa pagmamahal.
Lahat naman yata ng nagmamahal, nasasaktan. Hindi ka dapat matakot magmahal. Maging pihikan dapat sa pipiliing taong mamahalin na handa kang masaktan habang minamahal mo siya at karapat-dapat sa luha ng iyong pagdurusa.
Minulat ni Magayon ang kaniyang mga mata. Nagulat siya nang matantong nakaidlip siya nang hindi niya man lamang namamalayan.
Ngunit mas nagitla siya nang makita kung nasaan siya. Nasa gitna siya ng gubat. Matataas na puno, mga halaman at talahib ng damo. Madilim at malamig sa kagubatan. Ang lamig na ito ay nanunuot sa kaniyang mga balat.
Bumangon siya mula sa pagkakahiga sa putik at sa kaniya ngang pagbangon ay kaniyang natanaw ang nakatalikod na ginang. Iyon ang inay nina Dalisay at Masagana! Nakatitiyak siya roon kaya agad siyang tumayo at hinabol ito.
Napahinto siya sa gulat dahil tumakbo ito patungo sa mas masukal na parte ng gubat ngunit agad din namang naalarma at hinabol ang tumatakbong ginang.
Hindi niya maunawaan kung nasaan siya ngunit tila sa kaniyang pagtakbo, alam niya kung saan patungo. Tila ang mga paa at ang mga nawawalang alaala ay pamilyar sa naturang lantian.
Isang sigaw ang yumanig sa mahiwagang gubat. Umingay ang mga bayolenteng huni at pagaspas ng mga pakpak ng mga ibon. Ganundin ang ingay ng mga sanga at dahon ng mga puno dahil sa mararahas na hangin.
Napahinto siya at dinama ang hiwaga.
Inaalam niya kung saan banda ang pinagmulan ng tinig.
Agad siyang tumakbo muli nang may maisip na daan.
Nang sa wakas, ilang sandali, ay nakita niya na muli ang nakatalikod na ginang. Ang bulto nito ay nagpapatiyak sa kaniyang hinuha. Hahawakan niya na sana ang balikat nito upang iharap sa kaniya nang may ahas siyang nakitang tinuklaw ang binti ng ginang.
Namilog ang kaniyang mga mata at dinaluhan agad ang ginang.
Iyon nga ang inay ni Dalisay at Masagana. Ngunit bakit ito nasa gubat? Bakit sila narito? Sa pagkakatanda niya ay nasa mahabang kahoy na upuan lamang sila habang hinihintay na matapos sa paglalaba ang magkapatid.
Napatingin siya sa paligid nang marinig ang ingay ng hindi niya matukoy kung anong mabangis na hayop ang pinanggalingan nito.
Nakapalibot ang mga sanga, mga dahon, at puno. Tila sa bawat pagtagal ng oras, naiipit sila sa gitna nito.
Napasigaw ang ginang at nang kaniyang lingunin ay siya na lamang mag-isa ang pinagigitnaan ng hiwaga.
Nagkasalubong ang kaniyang mga kilay, tila baga pamilyar sa kaniya ang nakikita niya ngayon pero nahihirapan siyang matukoy kung saan at kailan. Kung totoo o isa lang bang masamang panaginip.
BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...