CHAPTER 8: AYA'S MEDICINE

176 35 44
                                    

Magdamag siyang tulala at walang kibo. Paminsan-minsan ay sumusulyap sa kanya ang ina ni Aya. Hindi niya ito pinapansin. Hindi rin naman niya alam kung anong sasabihin. Sa buong biyahe hanggang makababa sila ng jeepney, hindi siya nagsasalita.

Pagkatapos ng biyahe na tila umabot yata ng habambuhay dahil sa tagal, sa wakas, nakarating na rin sila sa patutunguhan. Bumaba sila sa tapat ng isang ordinaryo at typical na bahay na may isang palapag, isang bintana at isang pinto. Mukhang hindi karangyaan ang buhay ni Aya.

Pumasok si Mela sa loob at inalapag ang shoulder bag nito sa sofa. Napag-alaman niyang Gumamela ang buong pangalan nito ngunit tinatawag itong Mela ng karamihan. Sa katunayan, Mela rin ang tinawag ng kanyang Lola Dalisay sa babae.

Nanatili lamang siyang nakatayo sa pinto at walang imik na iniikot ang paningin upang suriin ang itsura ng maliit na sala at kusinang katabi. Nagkaroon siya ng kuryosidad sa itsura ng TV set na nasa gitna ng kusina't sala. Hindi flat-screen ang T.V, kundi isang malaking parisukat na animo'y microwave.  May antenna pa ito sa likod. Sa tingin niya, ito na ang pinaka-latest na modelo ng T.V sa era na ito. Katabi rin ng T.V set ang isang lumang typewriter na may nakaipit pang papel sa likod. Sa gilid ay may side-table at nakapatong doon ang teleponong may mahabang wire. Hindi na niya naabutan ang mga ganitong klaseng teknolohiya kaya nakaramdam siya ng kaunting paghanga at kuryosidad.

"Aya." Hindi niya napansin na nakalapit na pala si Mela sa kanya. Natuon lang ang tingin niya rito nang hawakan nito ang mga kamay niya at iginiya siya paupo sa alikabukin at lumang sofa. "Aya, makinig ka sa 'kin."

Parang nadikit ang mga mata niya sa mata ng ginang habang hawak nito nang mahigpit ang mga kamay niya. "Hindi ba ang sabi ko sa 'yo, huwag mong kakalimutang dalhin ang mga gamot mo?"

"Gamot?" Kumunot ang noo niya.

"Pinag-aalala mo ako, 'nak. Nahimatay ka sa klase. Baka kung ano na ang nangyayari sa 'yo. Ano kaya kung ibalik kita sa hospital?" nag-aalalang wika nito.

"Hospital?" Parang nanindig ang balahibo niya sa sinabi ng babae at napatayo siya mula sa pagkakaupo. Lumayo siya sa kausap dahil sa pagkagimbal. Shit, I will be in trouble if I stay there! Hindi ko magagawa ang dapat kong gawin sa panahon na ito kung makukulong ako sa hospital. 

"Hindi pwede!" bulaslas niya at umiling. "Kailangan kong maging malaya! Ayokong makulong sa loob ng hospital. May mga kailangan pa akong gawin!"

"Shhhh!" pagpapakalma ni Mela at hinawakan ang balikat niya. "Hindi kita ibabalik doon kung ayaw mo. Pasensya na Aya, alam kong ayaw na ayaw mong bumalik doon. Nasabi ko lang ito dahil pinag-aalala mo ako nang sobra." 

Medyo nakahinga siya nang maluwag dahil sa sinabi ng babae.

Tumayo si Mela at may kinuha sa loob ng kabinet na katabi ng T.V set. May hinalughog siya roon at dinampot ang isang bote. Bumalik ito sa harap niya dala-dala ang bote ng medisina.

Nanatiling nakatingin si Hiraya sa bote at sinisipat ng mga mata kung ano iyon. Sa kasawiang palad ay wala siyang ideya kung para saan ang medisina na iyon. Inabot sa kanya ni Mela ang gamot.

"Aya, huwag mo na ulit kakalimutan ito. In case of emergency, kailangan mo 'to," anito, "Mahal ang gamot na 'to at pinag-ipunan talaga natin galing sa mga donations. Tandaan mo na mahalaga ang buhay mo kaya pag-ingatan mo."

Hinawakan niya ang bote at binasa ang brand nito: imatinib.  Halos magsalubong ang dalawang kilay niya dahil sa labis na pagtataka."Ibig-sabihin ba nito... ang katawan na hiram ko ay may karamdaman. May sakit si Aya?" naisip niya.

Naputol ang malalim niyang pag-iisip nang mahigpit siyang niyakap ni Mela. "Mahal na mahal kita, Aya..." bulong nito.

Nakaramdam siya ng kalungkutan at nagbaba ng tingin. Hindi niya magawang yakapin ang ginang. Hindi niya masabi ang mga katagang, mahal din kita, dahil hindi naman siya ang tunay na Aya. Hindi naman siya ang anak nito. Ngunit hindi rin naman niya kayang ipagtapat dito ang totoo. Alam niyang hindi ito maniniwala.

𝕿𝖔 𝕾𝖆𝖛𝖊 𝖆 𝕯𝖊𝖒𝖔𝖓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon