Chapter 15 Part B

56 3 2
                                    

Chapter Fifteen Part B:
Honest as the Day is Long

AYASE

"WE WILL BE having an art exhibition next week. Dadalo ang mga art enthusiast mula sa iba't ibang unibersidad kaya hinihikayat ko na lahat ng miyembro ng Art Club na makilahok."

Umani ng sari-saring reaksiyon ang pahayag ng presidente ng club. Mayroong sang-ayon, mayroon ding hindi. Tumahimik lang ang mga ito nang tumikhim si Brian.

"Let me rephrase that. Everyone is required to join." Namigay ito ng handouts sa bawat isa sa amin. "Huwag kayong magdalawang-isip na magtanong sa akin kung may gusto kayong linawin. Tumatanggap din ako ng mga suhestiyon."

Ngumiti ito. Ngunit hindi iyon umabot sa mga mata nito. Kapansin-pansin din ang pananamlay nito na pilit itinatago ng masiglang boses.

"Please give it your best! Naging matagumpay ang exhibit noong nakaraang taon. Inaasahan ko na magiging matagumpay rin ang exhibit sa taong ito."

Nanatili akong tahimik habang nagkukunwaring binabasa ang handout na hawak ko. Itinapat ko ito sa mukha ko at patagong sinulyapan ang bawat tao sa loob ng silid. Hinanap ng mga mata ko si Dowoon pero hindi ko ito nakita. Wala rin ang kapatid nito.

Nang mapadako ang tingin ko kay Wonpil ay napansin kong nakatingin din siya sa akin. Sa halip na mag-iwas ng tingin ay nginitian niya ako. Bahagya akong nakaramdam ng hiya. Hindi pa pala ako nakakapagpasalamat sa kaniya.

Itinaas ko nang kaunti ang handout para matakpan ang mukha ko.

"Ayos ka lang?" pabulong na tanong ng lalaking katabi ko, si Jae. Ibinaba nito ang hawak na handout at tumingin sa akin.

Tumango ako. Tiningnan ako nito na parang may nais sabihin pero hindi na ito nag-usisa pa.

"I have a question," boses ni Wonpil. Nabaling sa kaniya ang atensiyon ng lahat. "Hindi ba natin hihintaying dumating si Sam at ang kapatid niya?"

Huminga nang malalim si Brian. "Samantha and Dowoon will not be joining us anymore. Lumipat na sila sa ibang bansa."

Hindi na ako nagulat sa sinabi nito. I feel sorry for Dowoon. Ang malas niya dahil si Uno ang naging lolo niya.

"May gusto pa ba kayong itanong? Kung wala, maaari na kayong bumalik sa klase ninyo." Tumalikod sa amin si Brian saka inayos ang mga gamit na nakapatong sa mesa.

Hindi ako gumalaw sa kinauupuan ko. Pinagmasdan ko ang likod nito. Sigurado akong nalulungkot ito dahil sa biglaang pag-alis ni Samantha. Hindi na nito ito makikita at makakasama araw-araw.

Napabuntong-hininga ako. Kahit magkalayo sila, malabo pa ring magustuhan ako nito. Unti-unti ko ng natatanggap ang katotohanan kaya hindi na ako gaanong nasasaktan. I can still feel pain, but at least it's more tolerable now.

"Goodbye, Pres!"

Isa-isang lumabas ang mga miyembro ng Art Club sa silid. Tumayo na rin ako saka luminga-linga sa paligid. Natanaw ko ang likod ni Wonpil na papalayo. Akmang susundan ko ito nang may kamay na pumigil sa akin.

Nilingon ko ang may-ari n'on. Tumambad sa akin ang mukha ni Jae. Seryoso itong nakatingin sa akin.

"Hindi kita nakita kahapon. Hindi ka ba pumasok?"

I forced a smile. Sinulyapan ko ang direksiyon ni Wonpil upang masiguro na hindi ito mawawala sa paningin ko.

"I saw the news on television," pagpapatuloy ni Jae. "Akala ko, hindi ka na papasok dahil sa nangyari."

"Truth be told, my parents doesn't want me to go to school anymore. They were planning to homeschool me and my younger sister."

Napabuntong-hininga ako nang maalala kung paano tumutol ang mga magulang ko na pumasok ako. Kung hindi ako tinulungan ni Lola na mapapayag sila ay baka nabubulok na ako sa bahay ngayon. Pero bago sila pumayag ay nagbigay muna sila ng mga kondisyon. Isa na roon ang pagkakaroon ko ng panibagong bodyguard. Maging si Aki ay bantay-sarado na rin nila.

A Cold Day in AprilWhere stories live. Discover now