Mula sa pwesto ko rito sa labas ay mararamdaman ang walang kabuhay-buhay na paligid ng bahay. Hindi na ito gaya ng dati na kahit tatlo lang kami sa loob, hindi mawawala ang saya. Masasabi kong si Mama ang bumubuhay sa loob ng bahay na ito... noon. Palagi niyang sinisiguro dati na kahit busy si Papa, hindi mawawala ang oras niya para sa 'min.
Kinusot ko ang mata ko upang hindi tumulo ang luhang namuo. Walang pwede makakita sa akin na umiiyak.
Pinagmasdan ko ang mga kasama kong nananatiling nakatayo sa kanilang pwesto. Sa labas ako naka-assign upang hindi makita ni Frank. Gusto ko sanang pumwesto sa loob ngunit masyadong kaunti ang tao.
Nagroronda ako ngayon sa labas ng mansyon. Ito na lang ang magagawa ko upang maglibot-libot kahit dito lang sa labas. Nang mapunta ako sa hardin ay wala na ang mga tanim ni Mama na bulaklak. Wala na ring kabuhay-buhay ang hardin namin.
Ilang saglit pa'y dinala ako ng mga paa ko sa tapat ng guest house namin. Dito tumira si Jose dati noong kinuha siya ni Papa na bodyguard ko. Napabuntong-hininga na lang ako sa alaalang 'yon. Ang bilis talaga ng panahon.
"Ms. Carina," Nilingon ko ang tumawag sa akin. Sinalubong ako ng ngiti ng aming leader. "Mamaya pa raw po dadating si Sir Frank kaya papayagan kitang makapasok sa loob."
"Maraming salamat," nakangiti kong tugon. "Sabihan mo na lang po ako kung nakabalik na siya."
Tumango lang siya. Hinatid niya ako papasok sa mismong mansyon. Mabuti na lang at wala ang mga bodyguard ni Frank na nakakilala sa akin. Salamat sa pinturang nasa mukha ko.
"Hanggang dito na lang po ako." bulong sa akin ng leader namin. Huminto kami sa tapat ng malaking hagdan kung saan may mga sundalo ring nakatayo sa itaas.
"Maraming salamat ulit."
"Mag-iingat po kayo."
Pag-alis niya, umakyat na ako sa hagdan. Tumambad sa akin ang ilan pang mga sundalo na nakatayo sa tapat ng mga nakasaradong pinto. Naglakad ako hanggang sa marating ang kwartong kanina ko pa gustong pasukin.
May isang sundalo ang nakapwesto ro'n at nang makita niya ako, agad niya akong pinapasok. Tumambad sa akin ang malamig at tahimik na opisina ni Papa. Lumapit ako sa lamesa kung saan wala na ang pangalan ng tatay ko ro'n. Talagang kinanya na nila ang mansyong ito habang nabubuhay pa kami ni Mama.
Sunod kong nilapitan ang drawer sa ilalim ng table. Isa-isa ko itong binuksan maliban sa huling drawer dahil naka-lock ito. Pinagmasdan ko ang key hole. Marami na itong gasgas na mukhang sapilitang binuksan. Kung nabuksan na ito ni Frank, dapat hindi na niya mala-lock ulit ito dahil wala siyang susi.
Napaisip ako. Kung ako si Papa, saan ko ilalagay ang susi ng drawer niya?
"Ms. Carina!"
Napatingin ako sa walkie-talkie na nasa gilid ng pantalon ko. Agad ko itong kinuha at itinapat sa bibig ko. "Yes?"
"Nandito na po si Sir Frank. Kailangan niyo na pong umalis diyan sa loob." rinig kong sambit ng leader namin.
Pinagmasdan ko muna ang huling drawer bago lumabas sa opisina. Agad akong nilapitan ng isang sundalo at iginiya papunta sa tapat ng kwarto ko noon para doon magbantay.
"Dito ka muna Ms. Carina. Maghihinala si Sir Frank kapag nakita niyang may pagala-galang sundalo sa loob ng mansyon."
Tumango ako. Tama siya, hindi pwedeng makita ni Frank na parang may nagroronda sa loob ng mansyon niya. Kailangan nakatayo lang kami sa kanya-kanyang pwesto.
Ilang saglit pa'y natanaw ko na si Frank sa bungad ng hagdan. May kausap ito sa telepono habang nakangiti. Gusto kong burahin ang mga 'yon sa mukha niya.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...