Tuloy Sa Pagkayod

84 2 0
                                    

Tuloy sa pagkayod kahit na mahirap,

Ang kinalalagyan sa buong maghapon,

At may pandemiko na kinahahaharap,

Na wala pang lunas sa panahon ngayon.


Basta mairaos ang isang umaga,

Para sa pamilya ay hindi aatras,

Kahit mapagod ma'y hindi alintana,

Sapagkat sila ang nagsisilbing lakas.


Tuloy lang sa laban ng pakikibaka,

Ano mang sagabal ay nilalagpasan,

Ano mang pasakit pilit kinakaya,

Kahaharapin ay pinaghahandaan.


Tiwala sa araw ng pagtatagumpay,

Sa kinakaharap na mga pagsubok,

Ni hindi aayaw sa daloy ng buhay,

Hanggat ang puso'y patuloy ang tibok.


Tuloy sa pagharap sa kinabukasan,

Na may katatagan at buong pag-asa,

Kikilos sa buhay na may kawastuhan,

Para sa pamilya na s'yang umaasa.

Mga Likhang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon