CHAPTER EIGHT

312 30 40
                                    

ACE POV

Ilang araw na rin ang nakalipas simula nang pumunta kami sa mansyon nina Barney. Masakit pa rin sa akin hanggang ngayon ang pagkamatay niya at sinisisi ko pa rin ang sarili. Kasalukuyan kong pinapakinggan ang recorder na para sa akin. Muli akong napaluha nang marinig ang boses niya, nanatili lang akong nakatingin sa kisame habang yakap-yakap ang stuff toy niya.

Hindi na ako makakahanap pa ng tulad mo, Barney. Ikaw lang ang minahal ko nang ganito at gusto kong sabihin ito sa harap mo mismo pero hindi na kita kailanman makakausap at makakasama. Pinakinggan ko lang iyon nang pinakinggan hanggang sa makatulog ako.

Tanghali na akong nagising at ang bigat ng katawan ko. Gusto kong humiga lang maghapon at magkulong ulit. Kahit sa pagligo ay para akong lantang gulay. Para akong tinakasan nang kalahati kong kaluluwa.

Bumababa lang ako kapag kakain at aakyat na muli pagkatapos. Kahit sa pag-bihis ay wala akong gana. Bumuntong hininga na muna ako bago lumabas ng kwarto. Nangunot pa ang noo ko dahil naririnig kong may kausap si Mom sa ibaba.

"Kailangang hindi malaman ni Jiro na alam niyo na ang katotohanan." Natigil ako sa paglalakad nang marinig ang boses ni Tita Helen.

Ngayon siguro sila magpaplano.

Bumaba ako at sinilip sila. Kasama rin ni Tita Helen ang asawa niya at anak niyang si Tyler na abala sa laptop. Hindi nila ako napansing bumaba dahil abala sila sa pag-uusap. Si Aevan naman ay abala sa pagpupunas ng helmet niya at halatang nakikinig lang din sa kanila.

Hindi sila pwedeng pumunta rito at baka nasa paligid lang ang tauhan ni Jiro, baka malaman niya na alam na namin ang katotohanan kapag nakita sila rito ng mga tauhan.

Lumabas ako at pumunta sa gate para tumingin sa paligid nang masiguro na hindi kami minamanmanan ng tauhan ni Jiro. Binaling ko ang paningin sa may sanga ng malaking puno sa tapat lang ng bahay namin, nangunot ang noo ko dahil nakita ko roon si Sadie na may hawak na binocular at sa akin nakatingin. Kinawayan niya pa ako kaya tinanguan ko lang siya.

Ako ang nahihiya dahil binabantayan niya talaga ako. Kapag lumalabas ako nong nakaraan ay nakikita ko siya sa paligid na parang alam niya agad kung saan ako pupunta. Papasok na sana ako nang mahagip ng mga mata ko sina Tyson at Naomi sa bubong namin. Nagtaka ako dahil may bilog na surveillance camera roon at mukhang si Tyson ang nagkabit. Abala pa rin siya hanggang ngayon sa pagkabit ng mga wire. Si Naomi naman ay may hawak na binocular at may tinitingnan sa paligid habang naninigarilyo.

Paano sila nakaakyat diyan at bakit si Tyson ang nagkakabit ng surveillance camera? Para silang mga propesyunal kung kumilos. 'Di ba may isang kapatid pa si Naomi? Hindi ko yata siya nakita nang pumunta kami sa bahay nina Barney. Umiling na lang ako at pumasok na sa loob.

"Kami na ang bahala sa mga tauhan niya at kayo na ang bahala sa mga baraha," kaswal na sabi ni Mom.

"Paano ba namin malalaman na isa sila sa mga baraha?" Tanong ni Tito Ben.

"Kulay puti ang ninja suit nila na may kulay itim na belt at mask. Lima ang baraha ng Tosei at  sila ang Jack, Diamond, Spade, Heart at Clover," paliwanag ni Dad.

"Pwede niyo bang ilarawan sa amin ang mga itsura nila?" Seryosong tanong ni Tyler bago kuhanin ang sketchpad sa bag niya.

"Hindi pa namin nakikita ang mukha nila, Iho. Isang beses ko pa lang sila nakita at hindi nila tinanggal ang mask," tugon ni Mom.

"Si Jack ang pinakilalang kanang kamay ni Jiro. Ayon sa tauhan namin ay magaling siyang makipaglaban pero ayaw niyang maging lider ng organisasyon kaya si Jiro pa rin ang Lider ngayon," kwento naman ni Dad.

Chasing Trilogy Book II: Chasing HerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon