Ikasampung Yugto: Obra

36 5 0
                                    

ILANG minuto rin akong nakatitig sa papel na iyon na tila ba nahihiwagaan sa bagay na nakikita ko. Paikot-ikot akong naglakad-lakad sa kwarto upang mag-isip at hindi ko namamalayang pinaiikot-ikot ko na pala ang buhok ko. Pilit kong inaalala kung sino ba ako. Kung saan ba ako nanggaling at kung bakit wala akong maalala. Nang mapagod ako kalalakad at sa tingin ko rin naman ay walang patutunguhan ang aking pag-iisip ay napagpasyahan ko na lamang na mahiga at magpahinga.

---
"Patawarin mo ako Nimfa sa nagawa ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para mapatawad mo ako." Saad ng isang lalaking duguan habang nagmamakaawa sa akin.

"M-mahal kita N-nimfa." Dagdag pa niya.

"H-hindi Alfonso. L-lumaban ka p-please." Umiiyak na sabi ko sa lalaking kaharap ko ngayon. "M-mahal din k-kita Alfonso." Hinagkan ko siya pero ilang sandali lamang ay hindi ko na maramdaman ang kaniyang paghinga. Pinulsuhan ko siya ngunit wala na ang pagtibok nito.

"Alfonso? Alfonso, gumising ka. Hindi! Alfonso! A-alfonso!" Hagulhol ko habang yinuyugyog ang katawan ng lalaking ngayon ay wala nang buhay.
---

Napabalikwas ako sa aking pagkakahiga habang hinahabol ang aking hininga. Isang bangungot ang bumagabag sa aking pagtulog ngunit hindi ko na maalala kung ano ang panaginip na iyon. Napalingon ako sa salamin sa tabi ng aking higaan at nagtaka ako sa mga luhang pumapatak sa aking pisngi.

'Bakit ako umiiyak? Hindi ko natitiyak. Ano bang nangyayari sa'kin? Ngunit walang kasagutan. Bakit wala akong maalala? Hindi ko rin alam.'

Nakita ko ang digital clock na nakadikit sa dingding. Dalawang minuto pa bago mag-alas cuatro ng umaga. Pinunasan ko ang aking luha at lumabas ng kwarto. Nais kong magpahangin at kung maaari ay maging okupado ang aking isipan. Bumaba ako ng hagdan. Medyo madilim ang paligid dahil patay na ang ilang mga ilaw. Ang tanging nakabukas lamang ay ang nasa salas.

Pumunta ako sa kusina para kumuha ng tubig na maiinom. Nakailang bukas din ako ng cabinet bago matagpuan ang mga baso. Matapos mainom ang tubig ay naglakad-lakad ako sa kabahayan ni Chris. Napansin kong wala akong makitang litrato ni Chris o kahit ang kaniyang magulang. Isa pa, ang tanging kasama niya lang dito sa bahay ay sina Raven at Jarvis. Bukod doon ay wala na.

Napadako ako sa hardin pero nasa loob pa rin ito ng bahay. Namangha ako sa aking nakikita dahil punumpuno ang hardin ng samu't-saring mga bulaklak. Lumapit ako roon at inamoy-amoy ang halimuyak nito.

Nakuha ng atensyon ko ang dulo ng hardin kung saan ay nakalagay ang canvas stand at upuan na gawa sa kahoy. Lumapit ako upang tingnan kung anong nakapinta roon ngunit bago pa ako makarating sa dulo ay hindi ko sinasadyang matisod ang pasong nasa gilid. Natumba ito kaya nataranta ako't dali-daling inayos ito. Mas lalo pa akong kinabahan dahil hindi tumayo-tayo ang natumbang paso. Napakunot ang noo ko nang mapansing may kung anong nakaumbok sa lupa. Hinawakan ko ito upang usisain ngunit laking gulat ko nang makalikha ako ng ingay na parang bumubukas na pinto. Tumambad sa gitna ng daan ng ang isang hagdan pababa ng hardin. Sa pakiwari ko'y isa itong secret basement. Dala ng aking kuryusidad ay naglakad ako pababa.

Madilim ang paligid. Kinapa-kapa ko ang switch ng ilaw sa pader pero wala akong mahagilap. Lumakad ako ng ilang hakbang upang magbakasakali kung matatagpuan ko ang switch ngunit nasilaw ako sa biglaang pagliwanag ng paligid. Sumindi ang mga ilaw at nanlaki ang mga mata ko dahil sa mangha. Kabilaang naglalakihang paintings na nakasabit sa pader ang nakikita ko. Napangiti ako sa naggagandahang mga obra. Lumapit ako sa isa sa mga paintings at hinawakan ito. Para akong nasa isang art gallery. Hindi ko alam na may hilig pala sa pagpipinta si Chris. Pero siya nga kaya talaga ang gumawa nito? Napatawa naman ako sa ideyang naisip ko na bagamang si Raven at lalong-lalo naman si Jarvis ang may kagagawan nito.

Time Waits For No OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon