Ang Simula

58 4 6
                                    



Ang Simula

Kasalukuyan akong nasa hardin upang maglinis. Mula sa aking pinaglululanan, unti-unti ko nang natatanaw ang ginoong bumihag sa aking puso. Tulad ng nakagawiang tradisyon ng mga maharlika, isang beses sa isang buwan kung lumibot siya sa buong emperyo ng Medan. At iyon nga ang sandaling pinakahihintay ko ngayon.

Hindi siya lulan ng isang kabayo gaya ng isang normal na dugong bughaw. Binabagtas niya ang daan habang pormal na magkapisan ang dalawang kamay sa likod, iniisa-isang gawaran ng ngiti ang bawat mamamayan, pagdaka ay tinatanong ukol sa mga suliranin na maaari niyang bigyan ng lugar upang dinggin sa palasyo.

Bukod sa taglay na kisig, mayroon din siyang ginintuang puso na lalong nagpasibol ng kakaibang pakiramdam sa akin.

Oh, Eliseo! Mamasdan ko lamang ni pigura mo ay sapat na upang ako'y paulit-ulit na marahuyo sa iyo...

"Rebekah madali ka at umigib ng tubig sa balon! Wala nang laman ang mga banga!" utos ng aking ina na siyang pumatid sa aking balintataw. "Nagpapantasya ka na naman sa Prinsipe, ano? Aba, tigilan mo 'yan at hindi 'yan magkakagusto sa bampirang walang pangil," dagdag na pangaral pa niya.

Hindi iyon lingid sa akin... ngunit hindi ko magawang diktahan ang puso kong palihim na umaasa na sana'y hindi s'ya tulad ng iba na tumitingin sa kakulangan.

Hindi ko mawari kung alin ang uunahin, ang sigaw ng dibdib o ang sigaw ng ina.

"Ilang saglit pa ina, susunod na rin po," sagot ko na may bahid ng panghihinayang, gayunman ay tumalima pa rin matapos sikupin ang mga gamit panglinis.

Isang tingin pa ang itinapon kong muli patungo kay Eliseo at nagpasya nang pumaroon sa balon gaya ng turan ni ina. Ang mga balikat ay nakalaylay, animo'y puno na nilisan ng tubig.

Bitbit ang dalawang banga, binabaybay ko ang daan tungo sa balon na matatagpuan sa hangganan ng Cades. Sagana sa mga punong kahoy ang Medan, ngunit ang parteng ito ay hitik na hitik sa mga berde at alipawpaw na mga puno.

Yumayakap sa akin ang mabining simoy ng hangin, mistulang marahan akong hinahagkan. Malamig iyon na parang may ibinubulong, hindi isang uyayi bagkus ay panganib. Mabilis namang nagningas ang mga mata ko nang may maramdamang kakaiba sa paligid, gayunman ay nagtuloy-tuloy ako sa aking paglakad. Ngayon ay alerto na.

Nararamdaman ko ang presensya ng isang itim na mahika...

Kahit nasa gitna ng panganib, ipinagbabawal ni ina na gamitin ko ang aking kapangyarihan. Aniya, ang aking mahika ay daang taon nang ipinagbabawal sa emperyong ito, kaya kapag ito'y umabot sa kaalaman ng mga nanunungkulan sa palasyo, maaari kaming ipatapon sa Bundok Sinai upang ipalapa sa mga buwitre.

Habang sumasalok ng tubig sa balon, pinakikiramdaman ko ang paligid. Handa sa anumang uri ng pagsalakay. Ilang metro mula sa akin, nakaririnig ako ng mahinang kaluskos, naaamoy ko rin ang humahalimuyak na alimusom ng bampirang nagtatago sa dilim.

"Hija..." bulong ng tinig at nang lingunin ko'y isang  matandang bampira ang nasa harap ko.

"Mahabaging Omega!" sigaw ko dala ng labis na gulat. Hindi ko inaasahang ganoon s'ya kabilis kumilos!

Isang ngiti lamang ang ginawad sa akin ng matanda, hindi mababakas ang pagpapaumanhin sa mukha. Bakit ganoon? Ang inaasahan ko'y isang dayuhang taga Havila ang pinagmumulan ng kapangyarihan kanina, b-bakit isang matanda? At ang kanyang kasuotan, hindi iyon nalalayo sa akin. Isa rin s'yang Medani kung ganoon?

"Tama ka, isa rin akong Medani gaya mo..." turan niya na s'yang nagpabilog sa mga mata ko.

"Nakakabasa ka ng isip..." hindi iyon isang tanong.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 25, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Daimon of Cunning Deception (Empire Series #1)Where stories live. Discover now