Part 11

127 0 0
                                    

Mag-iisang buwan na. Bawat hapon, ako na ang tutor ni Niccolo. Dalawa hanggang tatlong oras ko siya tinuturuan, mula alas-kwatro ng hapon. Hindi lang math ang tinuturo ko sa kanya. Madali naman siya turuan. May utak ang bata.

Sa math at physics siya medyo nahihirapan kaya dun madalas ang atensyon namin. Buti na lang daw engineering ang course ko. Sa ibang subjects, minsan self-review na lang siya. Yung mga essays na pinasusulat sa kanila, pinababasa na lang niya sa 'kin para icheck kung tama yung grammar, form, spelling, etc.

Kapag naman di mabigat ang araw niya, nagkukuwentuhan na lang kami. Minsan, sabay pa naming tuturuan yung ibang estudyanteng bata kapag hindi pumapasok ang mga tutors nila. Nakikialam lang siya. Nag-eenjoy naman ang mga bata, kaya hinahayaan ko na lang din. Mga isa o dalawang beses sa isang linggo, kapag maaga kaming natatapos, sumasabay siya sa 'kin pauwi sa boarding house ko.

Doon kami nagmemeryenda o kaya naglalaro kami ng online games sa malapit na internet cafe, kahit na di naman ako gaanong marunong. Masaya lang ako kapag kasama siya. Minsan nakakabuwisit, dahil di talaga maalis ang kakulitan niya at mga pasimpleng hirit ng kalibugan na hindi naman namin pinag-usapan kelanman. Pero natutuwa ako kapag nandiyan siya. At mukhang ganun din naman siya sa 'kin.

Sa bawat araw, lalong tumindi ang pagtingin ko kay Niccolo. Kapag umaga, hindi ko mahintay ang maghapon na magkasama kami. Kapag gabi, iniisip ko lang siya. Masyado akong naging concerned din sa grades niya. Gusto ko, mataas ang makukuha niya, dahil pakiramdam ko, repleksiyon yun ng bawat hapon na tinuturuan ko siya ng mga nalalaman ko.

Minsan, di ko sinasadyang makitang nakaipit sa notebook niya ang isang homework. Di ko matandaang pinacheck niya sa 'kin yun. Lumabas saglit noon si Niccolo dahil kinausap siya ni Ma'am Lisa. Malapit na kasi magtapos ang isang quarter at tinatanong malamang kung magpapatuloy pa sa pagpapatutor si Niccolo. Binuklat ko yung nakatuping homework, may isang maliit na check na pula, tanda na nacheckan na ng teacher ang ginawa niya. Binasa ko. Isa palang sulat yun. Ito ang nakasulat:

J,

Sumulat ako ng kanta. Gumawa ako ng komposisyon sa intermediate pad, para pantay-pantay ang linya, dahil alam kong medyo OC ka. Bawat notang nilagay ko, tugma sa taas-baba ng tono, parang pagsasama natin, yung kakulitan ko at pagkareserved mo. Bawat letra, isinulat nang maayos, dahan-dahan, yung hindi ko maririnig ang reklamo mo kung gaano kagulo at bakit paliku-liko ang sulat ko. Bawat tugma sa salita, matamis pakinggan, parang boses mo kapag tumatawa ka o kahit kapag naiinis ka. Sinulat ko yung kanta bago ako kumuha ng quiz. Hindi naman ako makapagconcentrate sa pagrereview ng mga linya at anggulo, kaya iba na lang ginawa ko. Sinulat ko yun para sa'yo. At sa tingin ko, iyon ang pinakamagandang nagawa ko.

Sumulat ako ng kanta tungkol sa unang paghawak natin ng kamay. Hindi naman ako handang makilala ka nun, pero sadyang may kuryente nung naglapat ang mga palad natin. May sparks. Naramdamn mo kaya yun? Tumahimik ang mundo ko, at di ko alam kung bakit, pero sa sandaling 'yon, gusto kitang makilala pa, at inisip na hindi na pakakawalan pa. Sumulat ako ng tungkol sa'yo, sa atin, kung paano natin turuan ang isa't isa. Ikaw, kung paano mo ako turuan sa math. Ako, kung paano kita turuang mag-DOTA. Kung paano natin turuang mahalin ang isa't isa. Sumulat ako ng awiting hindi ko pa nakakanta kahit kanino man, may mga damdaming hindi ko pa nababanggit kahit kelan. Damdaming noon ko lang naman inamin sa sarili ko. Damdaming gusto kong aminin sa'yo. Tungkol sa lahat ng yun ang kanta ko. At sa tingin ko, yun ang pinakamagandang nagawa ko.

Tinupi ko yun, dahan-dahan, malinis, maayos. Dinikit ko sa ilalim ng desk sa classroom. Hindi sa upuan ko kasi mapagkakamalang kodigo. Gusto kong makalimutan kung saan ko nilagay yun. Basta nandun yun, sa kung saan. At sa tingin ko, yun ang pinakamagandang nagawa ko.

Hayaan mong subukan ko ngayon na isulat ulit yun. Maalala ang mga eksaktong salita, ang mga parehong tugma, ang galaw ng mga nota, ang himig at ritmo, at umasang katulad pa rin ng nauna iyon. Hayaan mong magkamali ako. Hayaan mong magkamali ako ulit. Hayaan mong magkamali ako nang paulit-ulit. Hayaan mong ang bawat pagsubok ko ay pangalawa lamang sa pinakamagandang nagawa ko. At sa araw na mahanap mo ang awiting nauna ko nang nagawa, wag mong sasabihing nabasa mo na. Idikit mo ulit sa kung saan at sabihin mo sa aking naiwala mo. At buong-galak kong isusulat muli.

Nagmamahal,
Niccolo

TUTORIALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon