Isang lumot na palaboy-laboy sa mga pahina at grupong may kinalaman sa literatura. Taong 2015 nang mamulat siya sa pagsusulat. Noon niya pinangarap na magkaroon ng sariling libro, subalit dahil isa siyang lehitimong anak ni Juan, hindi pa rin ito naisasakatuparan magpahanggang sa ngayon.
Sa nakalipas na apat na taon, walang ibang naging online life
si Epiko kung hindi ang magsilbi sa dalawang literary pages sa buhay niya, kung saan, naranasan niyang maging isang hurado sa mga patimpalak at aktibidad na inilulunsad nila, maging katuwang ng iba pang tagapamahala sa paglulunsad ng mga kaganapang pang-Sining, at maging isang buhay na manunulat na nagsisilbing boses ng masa at may puso para sa bayan.Bagaman walang kakulay-kulay ang buhay niya sa online world, aktibo naman ang kaniyang buhay sa masalimuot na realidad.
Matapos maging isang delegado sa international conference na pinangungunahan ng iba't ibang bansa sa Asia, America, at
Europe, inanyayahan siya ng founder ng isang international foundation,
na siyang naglunsad ng nasabing pagpupulong, na maging bahagi ng kanilang organisasiyon.Bahagi rin siya ng isang professional event company na kahalili ng mga malalaking organisasiyon sa pagbuo ng Asia CEO awards at iba pang malalaking kaganapan sa Pilipinas na dinadaluhan ng Presidente at Bise Presidente ng bansa.
Bukod pa rito, isa rin siyang resident writer at editor sa isang sikat na broadcasting company, personal editor ng isang mainstream writer sa Wattpad at dakilang tagahanga nina Proboker at G. J. Dion.