Pumasok na kami sa loob ng bahay namin, naupo sa sala at doon nag-usap. Nakikita ko sa mga mata ni Miko ang kasiyahan sa aking pagbabalik.
“Sandali, maghahanda ako ng makakain natin,” aniya at tumayo mula sofa papunta sa kusina.
Napakasarap umuwi sa sariling tahanan. Gumaan na ang pakiramdam ko at bumalik na ang aking buong lakas. Pero hindi dapat ako maupo lang dito, may misyon akong dapat tapusin. Masyado nang dumadami ang atraso sa akin ng mga Salcedo at ng mga alipores nila.
Inilapag ni Miko ang dalawang sandwich na nakalagay sa platito at dalawang baso ng orange juice. Tinabihan niya ako sa sofa at nakangiting tumingin sa akin.
“Oh, kumain ka muna.” Kinuha niya ang isang tinapay na kanyang dinala.
“Salamat.” Dinampot ko ang tinapay at sumubo ng isa, sinubo rin niya ang kanya.
“Sorry ha. Dahil sa’kin napahamak ka.” Naging seryoso ang kanyang awra nang bitawan niya ang mga salitang ito.
“Ano ka ba, hindi mo naman kasalanan. Naipit lang tayo sa sitwasyon. ‘Yong Mayor na sinugod natin, nakakulong na.”
“Nabalitaan ko nga. Breaking news kaya ‘yon no’ng isang araw,” nakangiti niyang tinuran. “Buti naniwala sila sa’yo.”
“Ako pa! Magaling akong artista! Naalala mo no’ng highschool, lagi akong may role sa teatro,” buong pagmamalaki kong sinabi.
“Kaya idol kita eh. Pero, ano nang balak mo ngayon? Eleksyon bukas, baka hindi mo alam.”
“Bukas na ba ‘yon? Hala nakalimutan ko.” Nanlaki ang aking mga mata at tinaklob ko ang palad sa aking bibig nang maalalang bukas na pala ang araw ng botohan.
Tinanggal ko ang pagtaklob ng palad ko sa aking mukha at tumingin sa kanya. “Boboto ka ba?”
“Hindi na siguro. Hinahanap ako ng best friend mo ‘di ba?” pabiro niyang sabi, alam kong si Winston ang kanyang tinutukoy
“Best friend noon,” depensa ko. Tumawa naman siya habang nakatingin sa akin.
“Patay na kaya ‘yong hayop na ‘yon?” tanong niya.
“Nako, masamang damo ‘yon, malamang hindi pa.” Hindi ko napigilang lakasan ang aking tinig. Nangingibabaw pa rin sa aking isipan ang sinayang niyang tiwala ko sa kanya.
“Maiba ako, kaya ako nakabalik dito dahil sa pinsan ko,” pag-iba ko sa usapan. Napansin kong nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa aking sinabi.
“Ano? Nakita ka ni Sandra?” gulat niyang tinuran.
Tumangu-tango ako bilang tugon. “‘Wag kang mag-alala, pinsan ko ‘yon, ‘di ako ilalaglag no’n. Saka sinabihan ko rin siya na ‘wag munang dalasan ang pagkontak sa akin. Mahirap na.”
Ubos na ang aking sandwich. Ininom ko na lahat ng juice sa basong inihain niya sa akin.
“Alam niya na rin na ikaw si El Dubious?” tanong niya habang nakakunot ang kanyang noo.
“Oo. Bakit, pati ba pinsan ko kailangan kong paghinalaan?”
“Hindi naman sa gano’n. Kaya lang baka hindi makinig sa’yo ‘yon at dalawin ka nang madalas dito. Ang tagal mo nang ‘di umuuwi eh.”
“Hindi niya gagawin ‘yon. Psychologist ‘yon, alam kong hindi siya gagawa ng gano’ng klaseng katangahan.”
“Okay, sige.” Nagkibit balikat siya at niligpit ang aming pinagkainan.
“Pero paano ka nga ba niya nakita?” tanong niya.
Sinalaysay ko sa kanya ang lahat ng nangyari sa akin matapos naming maghiwalay sa ospital. Inaasahan ko na ang kanyang mga reaksyon, lalo na no’ng sinabi ko sa kanya ang nangyari sa akin sa kamay ng mga sindikato.
*****
Makalipas ang dalawang araw, tapos na ang eleksyon. Lalabas na ngayon ang resulta ng botohan. Kung naniwala ang taong bayan na ako nga ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa mga sibilyan, malamang ay ang partido radikal pa rin ang mamamayagpag sa halalang ito.
Kinakabahan ako sa resulta. Kung nagtagumpay sila’y tuluyan na nilang nasira ang pangalan ni El Dubious. Ngunit kahit magkagano’y itutuloy pa rin namin ni Miko ang pagpatay sa mga tiwali sa gobyerno at ang paglupig sa mga kasapakat nilang mga sindikato at mga negosyanteng katransaksyon ng mga ito. Napakarami pa nila. Marami pang mga hindi malamang lugar ng mga kuta ng mga sindikatong pinoprotektahan nila.
Nauna na akong bumaba sa umagang ito, wala pa si Miko. Napakaaga pa, ni hindi pa sumisikat si haring araw.
Binuksan ko ang telebisyon sa aming sala gamit ang remote nito. Umupo ako sa sofa habang seryosong nanonood ng balita. Ngayon pa lang ay naghihintay na ako ng huling resulta ng bilangan ng boto. Ang mga Salcedo at mga kapanalig nito pa rin ang nangunguna. Napapikit ang aking mga mata sa nakikita, mukhang wala nang pag-asa ang bayang ito kundi ang kamatayan ng mga buwayang iyon.
Nagtimpla ako ng kape sa aming kusina, nag-init ng pandesal na tumigas dahil nalamigan kagabi, at kinain ito sa hapag-kainan.
Hindi ako pwedeng manatili lang dito sa bahay habang nagsasaya ang mga buwayang ‘yon. Binilisan ko ang aking pagkain at umakyat nang muli sa kwarto.
Nag-ayos ako ng aking sarili. Naalala kong nawala na nga pala ang aming baril ni Miko. Napasapo na lamang ako sa aking noo, napakakalat na ng aking mga kagamitang binalandra ko sa aking higaan.
Naalala ko rin na wala na kaming magagamit na sasakyan buhat no’ng huli naming operasyon. Dahil do’n ay niligpit kong muli ang aking mga kagamitan at nahiga muli sa kama habang nag-iisip ng susunod na gagawin.
Hindi ko namalayan na sa kakaisip habang nakahiga, nakatulog na pala ako. Nagising na lang ako ulit sa pagdampi ng init ng araw sa aking mukha na nanggagaling sa bintana ng kwarto kong ito. Bumangon ako at naginat-inat.
Bumaba na ako sa hagdan, nakita ko ang hubad na itaas na bahagi ng katawan ni Miko. Nagluluto siya ng almusal, sa pakiwari ko’y lomi ito dahil sa amoy ng usok na lumilibot sa buong kusina at kainan. Dahan-dahan akong bumaba sa hagdan habang pinagmamasdan siyang nagluluto. Para akong napatulala habang nakatingin sa kanya. Hindi ko maintindihan, anong nangyayari sa akin?
Bumalik ako sa wisyo nang makita niya ako at nagsalita.
“Good morning El Dubious, gising ka na pala. Tamang-tama, malapit na ‘tong maluto.”
“Ang bango naman niyan.” Tuluyan nang nakahakbang ang aking mga paa sa sahig at umupo na ako sa hapag, hinihintay ang kanyang niluluto.
“Magluluto ba ako ng mabaho? Hello, hindi kita lulutuan ng hindi masarap no, kaya mabango talaga ‘to. Special ka sa’kin eh, kaya special din ang lulutuin ko para sa’yo,” pambobola niya.
“Bakit wala kang pang-itaas?” deretso kong tanong gamit ang medyo pataray kong tinig.
Parang hindi ko nakikilala ang aking sarili dahil sa tono ng binitawan kong salita. Nawawawala yata ang kaastigan ko dahil sa abs nitong kaibigan ko. Bakit gano’n eh meron din naman ako nito? Napahawak ako sa aking abs at napangiti, meron din ako nito! Akala niya ha!
“Mainit eh,” tipid niyang sagot.
Maya maya’y nilagay na niya sa aking harapan ang mangkok ng lomi, gano’n din sa kanya. Umupo na siya sa tapat ko at sinaluhan akong kumain. Hinipan ko muna ang isang kutsara nito bago sumubo.
“Hmm. Ang sarap ha,” papuri ko.
Tinignan ko siya, napansin kong namula ang kanyang pisngi. Kinikilig ba ‘tong kaibigan ko sa sinabi ko? Nakalimutan niya na yatang ako ‘to, ang kaibigan niyang si El Dubious na mas matigas pa sa dyamante. Bakit ba siya nagkakaganyan?