25

147 2 0
                                    

99th day

Siyamnapu't-siyam na araw na ang nakalilipas magmula noong gabing iyon.

"Okay ka na ba? Uwi na kami, ha?"

Awtomatikong umarko ang aking labi at naghatid ng matamis na ngiti. "Oo, Pat. Maraming salamat," saad ko.

"Sus. Basta mag-chat ka lagi, ha? Nandito lang kami palagi," sabat ni Krishia.

Tanging matamis na ngiti lamang ang aking ginawad sa kanilang tatlo saka tumango. "Sige na, ingat kayo," pamamaalam ko bago pumasok sa loob ng bahay.

"Nagsaya ka naman ba, Eyang?" bungad ni Papa matapos kong isara ang pinto.

Muli akong ngumiti. "Oo naman, Pa. Syempre, libre."

Natawa kami pareho sa aking sinabi. Inalis ko ang sapatos na suot ko at tinabi sa likod ng pinto. Kasabay ng paghakbang ko sa unang baitang ng hagdan ay ang pagkawala ng ngiting nakakabit sa aking mukha.

Napabuntong-hininga ako saka nagpatuloy sa pag-akyat ng hagdan. Pagpasok ko sa kwarto, nadatnan ko si Ate na busy kaka-cellphone. Agad siyang napabangon nang mapansin ang pagpasok ko.

"Oh, ano? Musta naman?" agarang tanong niya na siyang ikinatawa ko.

"Okay lang, maganda pa rin. Ikaw ba?"

Mas lalo akong natawa nang hagisan niya ako ng unan. "Pangit mo!" bulyaw niya.

Napa-iling na lamang ako saka naghubad ng damit. Agad akong dumiretso sa aking cabinet at kumuha ng preskong tshirt at shorts. Matapos magbihis, sumampa agad ako sa aking higaan dahil sa pagod.

Agad kong kinuha ang cellphone ko at binuksan ang data. Agad na lumabas ang chat heads ng aming group chat na siyang puno ng mensahe ng mga kaibigan ko.

Pat: sleep na eya!!!

Krishia: wag ka na magisip isip pa jan ha. sasabubutan na kita

Maxene: rest in peace

Natawa na lamang ako nang mahina sa mga sinabi nila. Agad akong tumipa sa keyboard ng cellphone ko upang mag-reply.

Eya: Yes po. Goodnight, babes!

Pinatay ko kaagad ang data ko at in-exit ang Messenger. Saktong dumapo ang tingin ko sa app na siyang nagsimula ng lahat ng ito.

Love Language App

Dahil dito, nakaramdam ako ng ibang klaseng saya na bago sa akin. At dahil din dito, naranasan kong masaktan nang dahil sa pag-ibig sa unang pagkakataon. Ang dami kong natutunan, ang dami kong naranasan. Kahit papaano'y malaki ang pasasalamat ko sa app na ito. Hindi makukumpleto ang Eya na nabubuhay ngayon kung wala ito.

Pinatay ko ang cellphone at tinabi sa kama. Napapikit na lamang ako habang nakatihaya sa aking higaan.

Siyamnapu't-siyam na araw na ang nakalilipas magmula noong gabing iyon. Siyamnapu't-siyam na araw na rin ang nakalilipas magmula noong huli ko siyang makita at makausap.

Sa nakalipas na halos tatlong buwan, mas pinili kong mahalin ang sarili at kalimutan ang mga pinagdaanan.

Hindi madali, oo. Lalo pa't na-trauma ako noong gabing iyon. Hanggang sa dumating sa puntong dumaan ako sa pagpapagamot para lamang makausap ako nang maayos.

Doon ko naisip ang lahat ng bagay. Hindi pala ako marunong makontento noon.

Dati, kung ano ang makita kong uso, agad kong gagayahin o susundin. Dati, kapag may nakita akong sikat, gagayahin ko rin. Dahil sa pilit kong paggaya sa mga 'yon, nawala ang tunay kong pagkatao.

Descend Upon Your Service (LLS #1) Completed✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon