VII: REVELATIONS AND THREATS

198 21 0
                                    

***

Seph

Sacred Cross Academy, Ward, Kitchen

Abala ang lahat sa kani-kanilang gawain. Katatapos lang naming kumain, at hinuhugasan namin ngayon ni Amer ang pinggan na pinagkainan namin. Para itong isang ordinaryong araw sa akin...pero hindi. Dahil kahit anong kumbinsi ko sa sarili ko na walang nangyari ngayong araw ay bigo ako. Parang inukit sa kukuti ko ang nakita ko kanina sa banyo ng Game Point, at kahit ilang oras na ang lumipas, ilang pagbabaling-atensiyon na ang ginawa ko, nananatili pa rin itong malinaw at buo sa isipan ko.

"Seph?" tawag sa akin ni Amer, dahilan para maibalik ko sa kasalukuyan ang atensiyon ko. Napatingin ako sa hawak ko, at nahiya ako nang makitang hawak ko pa rin ang sinasabunan kong plato. Agad ko itong ibinigay kay Amer, at nagdasal na sana hindi niya ito uusisahin. Pero nagkamali ako. "May problema ba? Parang panay ang pagkatulala mo ngayong araw," sambit niya, habang nakatuon ang mata sa binabanlawan niyang plato.

Kumuha ako ng plato at sinabunan. At sa pagkakataong ito, pipilitin kong hindi matulala. "Wala naman," tugon ko. "Iniisip ko lang si Mama at 'yong kaibigan ko."

Pansin ko ang pagtango ni Amer bilang tugon. "Pero kailangan talagang manginig?" tanong niya.

Nagtaka ako, dahilan para mapatingin ako sa kanya, suot ang nakakunot na noo. "Anong ibig mong sabihin?"

"Kanina, habang tulala ka pa," tinuro niya ang kamay ko. "halos mabitawan mo na ang plato dahil sa panginginig ng kamay mo. Nakakapagtaka lang kasi ngayon lang kita nakitang nanginginig habang nakatulala. Kung tama ang hula ko, maaaring may nakita o nalaman kang ikinatakot mo." At hindi ko namalayan ang panlalaki ng mata ko, tanda na nagulat ako sa sinabi niya. Hindi lang dahil napansin niya ang kakaibang kilos ko, kundi pati na rin sa paghula niya na may nakita ako, kung saan may nakita naman talaga ako.

Dahil may suspetya na siya, dahil sa nakita at napansin niya, wala na akong rason para itago iyon sa kaniya. Pero kung sasabihin ko sa kanya, sigurado akong sasabihin niya din ito sa iba. Sa totoo lang, wala naman talagang problema kung sasabihin ko sa kanila ang nakita ko. Pareho naming kinamumuhian ang bagay na iyon, at Scholar din sila sa akademiyang ito, kaya may karapatan silang malaman iyon. Hindi lang iyon, Sept kami, isang grupo, at ayon kay Dr. Sympha, binuo ang Sept para pagtibayin ang samahan ng bawat rehiyon, at isang hakbang para magawa iyon ay ang ibahagi kung ano ang nalalaman ng isa. At panghuli, mapagkakatiwalaan naman sila, maskin si Hary.

Ang pumipigil lang sa akin ngayon ay ang posibilidad na pwede kaming malagay sa alanganin dahil sa dala naming impormasiyon. Gaya ng sabi ko, baka alam na ng kung sino man ang nagbabantay sa bagay na iyon sa mga oras ngayon na ako ang pumasok at nakakita doon. Baka nga hinahanap na nila ako, o 'di kaya ay pinagmamasdan na ako. Kaya ayokong sabihin sa kanila, dahil ayokong madamay sila. Matapos ng ginawa nilang mabuti sa akin, hindi kakayanin ng konsensiya ko kung ipapahamak ko sila.

"Seph!" tawag na naman ni Amer sa akin. Bwisit! Natulala na naman ako. "Lumalala ka na. Ano ba kasi ang problema?" nag-aalala niyang tanong.

"May sasabihin ako sa inyo mamaya, pagkatapos nito," pagbibigay-alam ko at suot ko ang nag-aalalang mukha. Nakapagdesisyon na ako. Sasabihin ko na sa kanila. Hindi para ipahamak sila kundi para ingatan ang impormasiyon, kung sakali mang malagay ako sa alanganin, o kung mamalasin, mapatay. Para kahit na wala na ako, ay mayroon pa ring nakaka-alam dito. At para na rin maipalaam nila sa nakatataas ang tungkol dito, sakaling mabigo ako.

***

Sacred Cross Academy, Ward, Living Room

The Clandestine of the Ministry (Published in Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon