Chapter III

4 0 0
                                    

Kendrick Ethan

Binabagtas ko ang daan papuntang school na basang-basa pa dahil umulan kaninang madaling-araw. Hindi umabot ang sinasakyan kong jeep dahil nagkaroon ng aksidente doon sa main road. Inagahan ko na nga para hindi ako ma-late pero may hindi pa magandang nangyari.

Nang makapasok ako sa loob ng school ay tinignan ko ang aking relong pambisig. Ayos, 7:30 pa lang ng umaga. Mamayang alas-otso pa yung first subject namin mamaya. Napangisi ako nang mapagtanto kong hindi ako mapapagalitan ni Ma'am Nora ngayong araw.

Pagkapasok ko sa loob ng classroom ay naabutan kong halos nandito na lahat ng mag kaklase ko. Eh 'di kayo na ang early bird. Napansin ko yung pinsan ni JV na si Arizona na nagbabasa. Iba talaga kapag maaral. 'Buti na lang hindi pa siya nasisiraan ng ulo. Balita ko kay JV, gabi-gabi raw nag-aaral iyang si Arizona tapos maghapon naman kapag weekends. Kung ako siguro siya, baka sumabog na ang utak ko. Maaral din naman ako pero hindi sa ganoong extent. Napailing na lang ako sa kaniya.

Busy ang mga kaibigan ko sa kani-kanilang cellphone kaya nagmuni-muni na lang ako rito sa upuan ko. Ilang draw ko nang iniisip kung anong mangyayari sa akin sa mga susunod na taon. Nago-overthink na ako ngayon dala na rin ng pressure. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Lumapit nga ako kay mama pero wala rin namang nangyari sa akin.

Malakas akong napabuntong-hininga sa mga iniisip ko, na narinig ng katabi kong si Albie. "Anong problema mo?"

Humarap ako sa kaniya at pinag-isipan ko pa kung sasabihin sa kaniya o hindi. Sa huli, napagdesisyunan ko na lang na sabihin sa kaniya. "Tungkol pa rin doon sa course na kukunin ko. Wala pa rin talaga akong maisip, e."

Tumingin siya sa itaas na tila nag-iisip. "Hmm... Ano bang gusto mong gawin sa buhay? Kahit plano lang."

Napaisip naman ako sa sinabi niya. Gusto ko lang makatulong sa pamilya ko at sa ibang tao. I want that kind of life, komportable at nakakatulong sa kapwa.

"Gusto kong magkaroon ng trabaho na makakatulong sa pamlya ko at sa ibang tao."

"Damn, bro. Ganiyan ka pala kalalim," napapangiti niyang saad. "Anong klaseng tulong ba sa ibang tao ang gusto mong gawin?"

"Gusto ko yung kapag kailangan nila ng tulong ay may magagawa ako lagi."

"Naks, ang bait talaga. Try mo kaya mag-doktor o kaya mag-pulis."

"Ewan. Pag-iisipan ko na lang ulit. Ico-consider ko na rin 'yang sinabi mo."

Nagkibit-balikat siya. "Ikaw bahala."

Nang mag-uwian ay naglakad ako papuntang sakayan dahil walang mga nakaparadang tricycle sa labas ng school. Nang makarating ako sa sakayan ay ang daming taong kapwa ko naghihintay ng masasakyan pauwi. May katabi pa akong matandang lalaki na parang hindi mapakali. Hindi ko na lamang pinansin dahil hindi ko naman siya kilala.

Habang nakatingin ako sa kalsada ay nakarinig ako ng kalabog na parang may bumagsak. Paglingon ko sa tabi ko ay nakita ko yung matandang lalaki nakahandusay na sa sahig habang sapo ang dibdib at naghahabol ng hininga. Nagkagulo ang mga tao sa paligid namin at sumisigaw ng tulong. Ako naman ay napako sa kinatatayuan ko dahil hindi ko malaman kung anong gagawin. Bago pa man ako makagalaw ay may lumapit na lalaking naka-damit pang-ospital sa matanda.

Inalis ng lalaki ang pagkakabutones ng damit ng matanda saka chineck ang pulso. Tinatanong ng lalaki ang matanda pero mukhang hindi makapagsalita ang matanda o wala ng malay. Inutusan ng lalaki ang babae na malapit sa kaniya na tumawag ng ambulansiya na siya namang sinunod.

Sinimulang gawin ng lalaki ang CPR at kami namang nasa paligid ay pinapanood ang ginagawa niya. Ginawa niya ang chest compressions nang makailang ulit hanggang dumating ang ambulansiya. Inilipat ang matanda sa stretcher mula sa pagkakahiga sa sahig saka ipinasok sa ambulansiya,

Magugustuhan mo rin ang

          

Ako naman ay nananatiling gulat pa rin sa nangyari. Ito ang unang beses na nakasaksi ako ng ganoon. Narinig ko kanina sa lalaking sa tingin ko ay isang nurse na myocardial infarction ang nangyari sa matanda. Alam ko kung ano ito dahil iyon din ang nangyari sa papa ko na nagresulta sa pagkamatay niya. Tandang-tanda ko pa noong umaga ng araw ng iyon ay sobrang saya ko dahil nangako si papa na pupunta kami sa mall para bilhin yung remote control car na lagi kong tinitignan sa toy store. May quiz din kami sa araw na 'yon kaya ganado akong sumagot ng mga tanong. Nang malapit na ang dismissal, dumating ang tita ko sa room namin habang nag-iimpake ako at ipinaalam ako sa adviser namin dahil may emergency daw sa bahay. Ako naman ay walang malay sa nangyayari at ang nasa isip ko lang ay ang laruang kotse na bibilhin ni papa para sa akin. Pagkarating namin sa bahay ang daming tao sa labas, ang iba'y umiiyak. Namukhaan ko pa ang iba na kamag-anak namin na taga ibang probinsya. Pagpasok namin ay dumiretso kami ni tita sa kuwarto nila mama at papa kung saan may naririnig akong nag-iiyakan. Hinanap ng mga mata ko sila mama at nakita ko siyang nakaluhod sa gilid ng kama habang hawak ang kamay ni papa na nakahiga at walang malay. Labing-isang taong gulang ako ng mga panahong iyon ngunit naintidihan ko agad ang nangyayari. Nag-iiyakan ang mga kapamilya namin dahil wala na si papa. Hindi na namin mabibili ang laruan na gustong-gusto ko dahil sumakabilang-buhay na siya.

Pagkarating ko sa bahay ay saktong naghahanda na ng hapunan si mama. Ang mga kapatid ko naman ay inaayos ang mga plato at kubyertos sa lamesa. Tiningnan ko and wall clock at nakitang alas-siyete na ng gabi. Mahigit isang oras na pala mula nang mag-uwian. Lumapit ako kay mama at nagmano saka pumanhik sa taas para magpalit ng damit. Habang nasa loob ako ng kwarto ay muling sumariwa sa akin ang nangyari kanina sa sakayan. Iyong ginawa ng nurse kanina, ganoon ang gusto kong paraan ng tulong sa ibang tao. Iyong nasa emergency situation kami at isa ako sa mga taong makakatulong sa iba. Siguro kung ngayon inatake si papa, baka naisalba pa namin siya dahil madadala namin siya agad sa ospital. Pero, unfortunately, matagal nang wala si papa at wala na akong magagawa para ibalik ang nangyari.

**

Maingay na pagtipa sa keyboard lang ang maririnig na ingay sa kuwarto ko ngayon dahil abala ako sa paggawa ng research paper. Hinati namin ng mga kagrupo ko ang gagawin para mas mabilis naming matapos. Ang usapan ay sabay-sabay kaming gagawa ngayong araw dahil sabado naman, pero may lakad ang iba naming kagrupo kaya nagkaniya-kaniya na lang kami. Tutal ay wala naman akong gagawin ngayong araw, mas maigi na lang na gumawa na lang ako ng mag importanteng gawain gaya nitong research paper.

Ilang sandali lang ay naramdaman kong sumakit ang palapulsuhan ko kaya itinigil ko muna ang pagtitipa. Tinignan ko ang cellphone ko at nakitang mahigit dalawang oras na pala akong nagtitipa sa keyboard. Marami pa akong idadagdag sa ginagawa ko at kailangan ko pang mag-proofread ar mag-edit pagkatapos kaya baka abutin ako hanggang maghapon. Hindi problema iyon sa akin dahil para sa grades naman itong ginagawa ko. Nakakapagod nga lang ang umupo at magtipa nang matagal.

Bumuntong hininga ako saka lumabas sa kuwarto upang kumuha ng tubig sa kusina. Ngayon ko lang napansin na hindi pa pala ako umiinom ng tubig magmula paggising ko. Nang makababa ako ay nadaanan ko sa sala ang bunso naming babae na si Kennedy. "Kendi, nasaan si Kent?" tanong ko.

Umikot ang mga mata niya nang lingunin niya ako. "Kuya, sabing huwag mo na akong tawaging Kendi. Nakakainis ka naman, e!" naiinis niyang saad. Nagsisimula na namang magusot ang mukha niya sa isang pamilyar na simangot.

Itinaas ko ang mga kamay ko na tila sumusuko sa pulis. "Okay, okay. Ang sungit mo naman masyado. Nasaan nga si Kent?"

"Nasa kapitbahay. Nakikipaglaro naman siguro ng video games," aniya at bumalik na sa panonood ng tv. Nagkibit-balikat na lang ako dahil hindi pa rin nawawala ang pagsasalubong ng mag kilay niya. Mukhang nagdadalaga na talaga si bunso. Naaalala ko tuloy ang palaging kwento ni mama. Noong ipinagbubuntis niya ang bunso namin, ang lagi ko raw hininiling ay sana babae ang bata dahil ayoko na ng isa pang kapatid na lalaki. Palagi kasi kaming nag-aaway ni Kent dahil hindi kami magkasunod sa papanooring cartoons o kung anong laruan ang lalaruin namin. Kaya naman sobrang saya ko raw noong ipinanganak ni mama si Kennedy dahil natupad ang hiling kong magkaroon ng kapatid na babae. Kaya naman mula pagkabata ay protective na ako sa bunso namin. Kung meron man siguro kaming pinaka-pinagkakasunduhan ni Kent, iyon ay ang protektahan si Kennedy.

Kamu telah mencapai bab terakhir yang dipublikasikan.

⏰ Terakhir diperbarui: Dis 07, 2020 ⏰

Tambahkan cerita ini ke Perpustakaan untuk mendapatkan notifikasi saat ada bab baru!

Meadow and LionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon