๑۩۞۩๑ Ang Pagmamahal ng Magulang ๑۩۞۩๑
"Astig naman nyan, pre!" puri ni Jun-Jun Sta. Maria sa bagong elementong-armas ni Gino Lazaro. Mas ginanahan tuloy siya sa pakikipaglaban.
Nagtulungan ang dalawa laban sa mga halimaw na multo. Si Jun-Jun ang sumusugod sa malapitan, habang Si Gino naman ang umaatake sa kalayuan. Hindi din pwedeng umalis si Gino sa kinatatayuan niya dahil kailangan din niyang protektahan si Mang Derek, ang tito ni Jun-Jun.
Lubos ang saya ng pusang si Itim dahil ngumiti na si Gino. Di lingid sa kanya ang kalungkutang nadarama ng bata dahil sa pagkawala ng santelmong si Popoy. Noong una, akala niya imposible pero nagawa ng duwedeng si Dahongo na pahiramin si Gino ng kanyang elementong lupa kahit apoy ang elementong ginagamit ng bata. Sa totoo lang, walang sino man na kakayanin ang higit sa isa at sobrang elementong enerhiya na dumadaloy sa katawan. Mabilis manghina ang katawan ng tao, pero para bang mas naging masigla si Gino at punong-puno ng lakas.
Di pangkaraniwang bata si Gino.
Oo, hindi nga pangkaraniwan. Umiling si Itim. Oo nga naman, bakit ba siya magtataka? Hindi katulad ng ibang bata si Gino. May tinakda sa kanya. Naalala niya na iisa nga lang pala ang taong nakakagamit ng higit sa isang elemento. Ito na ang pumapatunay na si Gino talaga ang batang-alay para kay Gunaw dahil si Gunaw lang ang nakagamit ng apat na elemento ng sabay-sabay!
Pero hindi ito matanggap ni Itim. Sana nagkakamali lang siya. Pwede din naman na kaya maayos na nagagamit ni Gino ang elementong-armas ni Dahongo na pang lupa, ay dahil sa, matagal nang hindi gumagmit ng elementong apoy ang bata. Ito ang gustong paniwalaan ng pusa. Hanggang ngayon kasi, umaasa siya na hindi si Gino ng kailangan ni Gunaw para tuluyang magkaroon ng katawan para muling guluhin ang katahimikan sa pagitan ng mga tao at mga espiritwal na nilalang ng kalikasan. Sana naging normal na bata na lang siya na hindi kailan man madadamay sa kaguluhan.
"Alberto, tabi!" sigaw ni Dahongo. Muntikan nang matamaan ang pusa ng asidong dura mula sa isa sa mga halimaw. "Wala ka naman sa sarili!"
"Dahongo, bakit mo ko tinawag sa pangalang iyon?!" galit na sambit ng pusa.
"Ah, oo nga pala." lumingon siya kay Gino, siniguradong hindi ito narinig ng bata. "Pasensya ka na. Pero kailan mo ba sasabihin sa bata?"
Umiling ang pusa. "Hindi pa ngayon. Hindi pa..."
Nagulat na lang si Itim nang biglang sumakay sa kanyang likuran ang duwende. Sa totoo lang, mabigat ito!
"Pasakay muna ulit, Itim. Medyo napapagod na ako... Doon tayo!" utos ni Dahongo at pinalo sa may puwetan ang pusa.
Nagalit si Itim at nilabas ang mga nagtatalasang kuko niya. "Hindi ako kabayo, pusa ako!"
Natakot si Dahongo saglit pero tumawa. "Oo, alam ko. Hindi na mabiro. Pero kabayo ka na para sa akin! Hahahaha!"
"Tara na, at tulungan na natin ang mga bata!" sabi ni Itim. Hindi na siya nagreklamo kahit nakasakay sa kanya ang duwende.
"Pagod ka na, Jun-Jun!" puna ni Marian Mirasol.
Hindi sumagot si Jun-Jun. Nakatuon ang kanyang atensyon sa pakikipaglaban. Pero pagod na pagod nga siya. Walang katapusan ang mga multo at para bang dumadami pa sila!
Kailangan niyang makaisip ng paraan upang tigilan na sila ng mga multong halimaw. Pansin na rin niya ang pagod sa kaibigang si Gino.
"Ipo-Ipo!" tawag niya. Namuo ang isang ipo-ipo at kinulong sa loob nito ang dalawa sa mga halimaw. Tumalon siya ng napakataas sa tulong ng hangin at hinayaan ang gravity na hilain siya pabalik sa lupa. "Umiikot na Talim!" sigaw niya. Umikot siya ng napakabilis at tinuwid ang dalawang espadang hangin na hawak-hawak niya ng patagilid. Walang nagawa ang dalawang halimaw kundi sumigaw. Wala silang kawala sa pagkahati-hati ng kani-kanilang mga katawan. Kung titingnan sa labas ng ipo-ipong kulungan nila, para bang bine-blender sila!
BINABASA MO ANG
ELEMENTO - Raw; Unedited Version
FantasyNOW Published under Pop Fiction! ---- Sa mundo natin, maraming mga kababalaghang nangyayari... Di naman kailangan pang pahirapan ang sarili. Maniwala ka man o hindi, nandyan lang sila sa tabi-tabi... Ang mga ELEMENTO. ---- Gabi-gabi ay paulit-ulit...