CHAPTER 1

473 12 6
                                    

Mapang-akit na galaw, mapupulang labi, magandang hubog ng katawan at malulusog na dibdib na kitang-kita sa hapit na damit na maigsi ang ilan sa mga katangian ni Felicity, na talagang nakakapagpabali ng mga leeg ng lahat ng lalaki na makakita sa kanya.

"Babe! Saan ka nakatingin?!" sigaw sa matinis na boses ng isang babae sa loob ng bar. Nakataas ang isang kilay nito habang hawak sa panga ang nobyo na kanina lang ay nakatingin kay Felicity. Nasa gitna ng dance floor silang tatlo habang napapalibutan ng iba pang tao na sumasayaw rin tulad nila.

"Wala... Sa 'yo lang ang mga mata ko babe," sagot ng lalaki na kahit kaharap na ang galit na nobya ay pumupuslit pa rin ng tingin kay Felicity.

Napangiwi si Felicity nang marinig niya ang pagtatalo ng dalawa. Umikot ang mga mata niya dahil naiirita siya sa malagkit na tingin ng lalaki sa kanya. "Miss, if I were you, makikipag-break na 'ko sa lalaki na 'yan. Nakadamit pa 'ko pero para na 'kong nakahubad kung tingnan niyan. Harap-harapan ka nang ginagago niyang boyfriend mo," mataray na sabi ni Felicity habang nakataas ang isang kilay at nakaduro ang hintuturo sa magkasintahan.

"At bakit naman ako makikinig sa 'yo?" mataray na umpisa ng babae. Nakapamewang na ito at nakaharap kay Felicity. "Makikipag-break ako tapos ano? Ikaw naman ang lalandi?" Kulang na lang ay umabot hanggang anit ang pagkakataas ng isang kilay nito na para bang gusto makipagpaligsahan ng pataasan ng kilay sa kanya.

Tiningnan mula ulo hanggang paa ni Felicity ang lalaki. "Yang ganyang hilatsa ng mukha, hindi ko pinapatulan. Miss, sa 'yo na 'yang boyfriend mo. Magsama kayo, pero huwag kang iiyak kapag niloko ka ha? Nagpapayo lang naman ako sa 'yo, minasama mo pa," sagot niya sabay palatak ng dila kasabay nang mabagal na pag-iling.

Nanlaki ang butas ng ilong ng babae sa mga sinabi niya. Susugurin sana siya nito pero pinigilan ng nobyo. "Tara na babe, huwag mo nang pag-aksayahan ng oras 'yang babaeng 'yan."

Nagpantig ang tenga ni Felicity at napataas na naman ang isa niyang kilay sa narinig. "Wow, coming from you? Kanina lang ang lagkit ng tingin mo sa 'kin. Ilang segundo rin 'yon, tapos ngayon napaka-precious na ng time mo? Duh! Bagay nga kayo. Isang tanga at isang gago." Salitan pa niyang tiningnan ang dalawa.

"Babe, pigilan mo 'ko. Masasaktan ko 'yang babaneg 'yan!" Labas na ang ugat sa sintido ng babae. Kulang na lang ay lumabas ang mga kuko nito at kalmutin si Felicity. Kung hindi lang ito hawak ng nobyo ay baka nga nasaktan na siya nito.

"D'yan na nga kayo. Oras ko ang inaaksaya n'yo." Pumalatak si Felicity at naglakad palayo. Kahit paglalakad niya'y mapang-akit talaga. Hindi naman ito, sadya. Talaga lang napaka-ganda ng katawan niya. Malapad ang kanyang balakang na parang humahampas sa tuwing naglalakad siya. Idagdag pa na hindi lamang dibdib niya ang pinagpala kundi pati ang kanyang likuran.

Lumapit si Felicity sa bartender at um-order ng isang whiskey na may yelo. Hindi uso ang ladies drink sa kanya. Mas gusto niya 'yung matapang, 'yung gumuguhit ang init sa lalamunan hanggang sa sikmura at 'yung dumederetso ang epekto sa ulo. Gusto niyang tamaan agad. Gusto niyang malasing. Kapag hilo na siya, babalik uli siya sa dance floor at sasayaw sa maingay at mabilis na tugtog na nagdadala sa isip niya sa lugar na malayo sa lahat ng kalungkutan niya sa buhay.

Hindi na kayang lumakad nang diretso ni Felicity. Hawak na niya ang mga sapatos niya sa kanang kamay. Manipis at mataas ang takong nito, kaya muntik na siyang matalisod kanina habang naglalakad siya palabas ng bar. Sa takot na mapilayan o mabalian ng buto, mas pinili na lang niya na magtapak. Hindi naman mainit ang semento dahil madaling-araw na. Nakatingkayad na lang siyang naglakad dahil nandidiri rin naman siya sa maruming kalsada.

Ilang sutsot at ilang hi miss, ang narinig niya mula sa ilang lalaki na nadaanan niya bago siya huminto sa tapat ng isang coffee shop. Matagal na niya itong nakikita pero kahit kailan ay hindi niya pinasok. Hindi niya alam kung bakit sa gabing 'yon ay parang gusto niyang pasukin ito.

Madilaw ang kulay ng mga nakabukas na ilaw nito sa loob, na kita sa malapad na salamin nito na bahagyang natatakpan ng kurtina sa loob. Mula sa labas, kita niya, na isang customer lang ang nasa loob. Isang babae na mukhang nasa early 40s ang edad ang nakaupo sa malaking couch na kulay brown at nagbabasa ng libro habang nagkakape.

Humawak sa railings ng hagdanan si Felicity. Bago makapasok sa coffee shop ay ilang baitang din ng hagdan ang hahakbangan niya. Tumunog ang bell na nasa taas ng pintuan nang buksan niya ito. Isang matangkad at gwapong lalaki na nakatayo sa likod ng counter ang sumalubong ng ngiti sa kanya.

"Welcome to Café Amore," sabi nito sa malumanay na boses. Hindi lang mukha nito ang mala-anghel kundi pati boses nito. Isang matipid na ngiti ang binigay niya rito bago siya naghanap ng mauupuan. Pumwesto siya sa sulok, malayo sa lalaking bumati sa kanya at sa nag-iisa nitong customer.

Tahimik niyang pinagmasdan ang kabuuan ng coffee shop. Iba't ibang shade ng brown ang kulay ng mga gamit sa loob. Karamihan ng gamit gawa sa kahoy. Ang naiba lang na kulay ay 'yung ilang display sa pader at ang mga lamesa at kurtina na kulay puti. May parte rin sa loob kung saan may bookshelves na puno ng mga libro na nalaman niya na pwedeng basahin, dahil nakita niya sa tabi nito ang sign na nagbibigay pahintulot na basahin ang mga libro basta ibabalik lamang pagkatapos. Maririnig din ang mahinang jazz music sa loob.

Huminga nang malalim si Felicity. Tangay ng hangin ang masarap na amoy ng kape at bagong lutong tinapay. Nakakapang-akit man ang amoy nito'y wala siyang balak um-order. Puno na ng alak ang sikmura niya at kanina pa niya nararamdaman na para siyang maduduwal.

Pinagmasdan niya ang babae na tahimik na nagbabasa. Maigsi ang buhok nito na lagpas lang nang konti sa ilalim ng tenga at may suot na salamin sa mata. Nakasuot din ito ng knitted na sweater na kulay light pink na ipinatong sa mahabang dress na bulaklakin.

May kirot sa dibdib siyang naramdaman habang pinagmamasdan niya ang babae. May mga alaala na bumalik sa isipan niya kaya napatulala na lamang siya. Kung saan-saan na siya dinala ng isip niya. Mga masasaya at malulungkot na alaala ang salitang pumapasok, na kahit pigilan niya ay kusang nagpe-play sa utak niya na para bang pelikula.

Tulala pa rin siya nang bigla na lamang tumulo ang mga luha niya.

"Miss?" Bigla siyang nahimasmasan nang marinig niya ang nakakakalmang boses ng lalaking lumapit sa kanya. Mabilis niyang pinunasan ang kanyang mga luha at tiningnan ang lalaki. "Water?" Naglapag ito ng isang baso ng tubig sa mesa bago naupo sa bakanteng upuan sa tabi niya.

Kita niya sa mukha nito na parang may gustong sabihin pero nag-aalangan kaya bago pa ito makapagsalita ay tumayo na siya at umalis. Sa estado niya sa mga oras na 'yon wala siyang balak makipag-kwentuhan, lalo na sa isang estranghero; kahit pa mukhang anghel ito.

SILVANO SERIES: Warren, The Innocent LoverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon