CHAPTER 3

89 4 4
                                    

Kaninang umaga lang, kausap ni Felicity ang boss niya at nangako siyang magbabago na sa trabaho pero heto na naman siya at umiinom sa bar. Pangatlong baso na niya ng alak at unti-unti na nitong naaapektuhan ang sistema niya. Pagkalapag niya ng baso na yelo na lang ang natirang laman, tumayo na siya. Bahagya pang umikot ang paningin niya. Mabuti na lang at napahawak siya sa upuan. Nahihilo man pero naglakad pa rin siya papunta sa dance floor. May ilang tao pa siyang nakabungguan bago niya narating ang pakay.

Malakas at mabilis ang ritmo ng tugtog at sinabayan ito ni Felicity. Mabilis ang hampas ng balakang niya at nakaangat pa ang dalawang braso niya sa hangin. Wala siyang pakialam sa mga tao sa paligid niya, basta ang gusto lang niya'y sumayaw at magpakasaya. Magpapakalunod siya sa alak at musika na kahit panandalian lang ang epekto'y nakatakas pa rin siya sa madilim na kalungkutan na unti-unting lumalamon sa kanya.

"Hi baby," bulong ng isang lalaking lumapit sa kanya. Amoy niya ang magkahalong alak at pabango nito. Sandali niya itong tinapunan ng tingin. Gwapo ito, matangkad at maganda ang pangangatawan. Kung ibang babae ang nilapitan nito'y marahil ay kinikilig na, pero walang epekto ang lalaki kay Felicity. Mas gugustuhin pa niyang makipaghalikan sa basong may lamang malamig na alak kesa makipaglandian sa lalaking kaharap.

Hindi pinansin ni Felicity ang lalaki. Tuloy lang siya sa pagsasayaw at paminsan-minsang pagsigaw tulad ng mga taong naroon. "I like the way you move." Mabilis siyang hinigit ng lalaki sa may bewang kaya hindi siya nakaiwas. "Ganyan ka rin ba sa kama?" tanong nito sabay pisil na matambok niyang likuran. Maigsi lang ang suot niyang dress at madali nitong naipasok ang kamay sa ilalim nito kaya mismong pang-upo na niya ang hawak ng lalaki.

"Bitawan mo 'ko!" Ginamit ni Felicity ang buo niyang lakas at pilit niyang itinulak ang lalaki, ngunit dahil mas malakas ito sa kanya at may tama na rin siya ng alak ay nanatili itong nakahawak sa tagiliran niya, habang ang isang kamay nito ay mariing pumipisil sa pang-upo niya. "T*ngina mo! Bastos ka!" sigaw niya sabay kalmot sa mukha ng lalaki kaya nabitawan siya nito.

Bumaon sa balat ng lalaki ang matalim at mahaba niyang kuko kaya nasugatan niya ito. Napahawak naman sa duguang pisngi ang lalaki at napamura ito nang makita ang dugo sa kamay na nanggaling sa sugat nito sa mukha.

"Hayop kang animal ka!" Pinagkakalmot uli ni Felicity ang lalaki at parang lahat ng galit niya sa mundo ay dito niya naibuhos. Hindi na lamang ito galit dahil sa pambabastos sa kanya, kundi galit sa lahat ng lalaki na nanakit sa kanya.

"F*ck! Sh*t! Stop!"

"Stop?! Binastos mo 'ko, tapos gusto mong tumigil ako?! 'Yung mga lalaking tulad mo dapat hindi na nabubuhay sa mundo! Salot kayong mga hayop kayo! Kulang pa 'yan sa kabastusan mo! Paduduguin ko pa 'yang mukha mo!" dire-diretsong sabi ni Felicity habang walang tigil sa kahahampas at kalmot sa lalaki.

Napatigil sa pagsasayaw at napalayo ang mga taong malapit sa kanila. Pinagtitinginan na sila habang pilit siyang pinipigilan ng lalaki. Nahawakan siya nito sa braso, pero nasabunutan naman niya ito sa ulo. Napatigil lang si Felicity nang may lumapit nang bouncer sa kanila at hinatak siya palayo sa lalaki.

"Bakit ako ang ilalabas n'yo?! Ako 'yung nabastos! Hinawakan niya 'yung pwet ko! Hayop 'yon! Hayop!" Ayaw lumabas ni Felicity ng bar kaya binuhat na siya ng bouncer na napakalaki ng katawan at napakatangkad. "Bitawan mo 'ko! Bitawan mo 'ko!" sigaw niya habang hinahampas niya sa likod ang bouncer.

Maingat siyang ibinaba nito nang nasa labas na sila. "Sorry miss, trabaho lang. Hindi na kita pwedeng papasukin. Kaibigan ng boss ko 'yung sinaktan mo sa loob. Pasalamat ka 'yan lang ang inabot mo. Pwedeng kang kasuhan ng physical injury sa ginawa mo."

"Physical injury?! Dapat nga ako ang magkaso ng sexual harassment sa kanya! Ano'ng pangalan no'n ha?!" Nakataas pa ang isang kamay niya at nakaduro ang daliri sa direksyon ng bar.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 28, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

SILVANO SERIES: Warren, The Innocent LoverWhere stories live. Discover now