CHAPTER 2

110 8 0
                                    

"Bakit ba ang sakit sa ulo, pagkatapos uminom?" sabi ni Felicity habang nakahiga siya at tulala sa ibabaw ng malambot niyang queen size bed. Kakagising pa lang niya, pero ilang minuto lang ay ramdam na niya ang pagtibok ng ugat sa ulo niya kasabay ng pananakit nito nang dahil sa dami ng ininom niyang alak kagabi. "T*ngina! Bakit ba ang sarap uminom pero parusa naman pagkatapos?" Napahawak siya sa ulo niya at kulang na lang ay sabunutan niya ang sarili. Pakiramdam niya pati utak niya tumitibok.

Gusto niyang uminom ng gamot pero naisip niyang baka mas lalong makasama kaya bumangon na lang siya at bumaba sa kusina. Binuksan niya ang pintuan ng kulay pula niyang refrigerator at kinuha niya ang mataas na plastic container na may lamang tubig. Kumuha siya ng baso sa tauban at sinalinan niya ito ng tubig. Dire-diretso niyang nilagok ang tubig at wala siyang pakialam kahit gaano pa ito kalamig.

Bahagya siyang nakaramdam ng kaginhawaan, pero naroon pa rin ang kirot na nararamdaman niya sa ulo niya na parang gumuguhit hanggang sa batok. Napahawak na naman siya sa ulo at saglit na napapikit. Pagbaba niya ng baso sa lababo, napatingin siya sa orasan na nakasabit sa pader at napamura siya. Fifteen minutes na lang alas-otso na at late na siya sa trabaho.

Nagmamadali niyang kinuha ang sepilyo at toothpaste sa banyo at saka siya nagsepilyo. Kulang na lang ay masugatan niya ang gilagid niya sa pagmamadali. Mabilis niyang ibinuga ang bula at saka siya nagmumog. Pagkalabas niya ng banyo, nagmamadali siyang pumanik sa kwarto niya para magpalit ng damit. Napamura siya nang ayaw bumaba ng zipper ng dress niya. "Bakit 'yung mga ganitong bagay nangyayari kung kailan nagmamadali ka? Sh*t naman talaga!"

Hindi niya mahubad ang suot niyang dress at hindi niya rin ito magawang hilahin pababa dahil masikip. Wala na siyang choice kundi pumasok sa opisina na iyon ang suot. Kumuha na lang siya ng mahabang blazer sa lagpas sa tuhod niya para magmukhang pormal kahit papaano ang kumikinang niyang party dress na kulay gold. Binalunbon na lang niya ang kanyang buhok at nilagyan ng clip bago siya nagsapatos.

Palabas na siya nang maalala niyang hindi niya dala ang susi ng apartment kaya nagmamadali siyang bumalik sa kwarto para kunin 'to. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang bumaon ang takong niya sa parte ng hagdan na inanay na. "Sh*t!" Iniangat niya ang kanyang paa pero hindi niya ito mahugot kaya kinailangan pa niyang hubarin ang suot na sapatos sa kanang paa para kamay naman niya ang gamitin niyang panghugot sa takong ng sapatos niyang bumaon sa hagdan. "Letseng anay! Letseng sapatos! Sa susunod, hindi na 'ko maghi-heels!"

Nang mahugot na niya ang sapatos sa hagdan, pati ang suot niyang sapatos sa kaliwang paa ay hinubad na niya para makatakbo siya papanik sa kwarto. Nang makuha na niya ang susi, tumakbo siyang muli pababa at nang nasa paanan na siya ng hagdan ay saka lang niya sinuot muli ang mga sapatos niya.

Panay ang mura niya habang sinasarado niya ang pintuan ng apartment niya. Muntik pa siyang matalisod sa kakamadali nang palabas na siya ng gate. "Napakalampa ko talaga," bulong niya sa sarili habang nagmamadali siyang maglakad papunta sa kanto kung saan maraming dumadaan na taxi.

"Taxi! Taxi!" sigaw niya habang nakataas ang isang kamay niya at kumakaway sa parating na taxi. "Kuya, sa Madison Street po. Don Antonio Tower. Thanks," sabi niya sa driver habang kalahati pa lang ng katawan niya ang naipapasok niya sa loob ng taxi. Nang makaupo na siya nang ayos, tumingin agad siya sa relo at nanlaki ang mga mata niya. "Sh*t!" Lagpas alas-otso na at late na naman siya.

Panay ang tingin niya sa relo niya. Kung tutuusin malapit lang ang opisina nila at ilang minuto lang ay dapat nandoon na siya, pero dahil rush hour na, na-stuck siya sa traffic. Hindi siya mapakali habang nakatanaw sa labas. Parang gusto na niyang bumaba ng taxi at maglakad na lang, kaso ilang kanto pa bago niya marating ang Madison Street. At sa taas ng takong niya, baka hindi kayanin ng legs at mga paa niya ang paglalakad. Papaltusin ang sakong niya at mamamanhid ang mga daliri niya sa paa.

SILVANO SERIES: Warren, The Innocent LoverWhere stories live. Discover now