Chapter 1: Blue and Calm

1.3K 97 11
                                    

***

Mabilis na kumalat ang balita sa Tierra del Sol. Na hindi naman nakapagtataka dahil alam nang marami, lalo na sa Foundation, nang ipatawag ako ni Donya Alondra sa mansyon. Hindi lang ako sigurado kung paanong pati ang detalye ng pagpapakasal kay Law ay nalaman agad. Basta't inihatid ako ng isa sa makikinang na sasakyan ng mga Gomez at sinalubong ako ng mga co-worker kong bumabati sa magiging engagement ko. May naghihintay nang meryenda ng bilao ng pansit at ilang bote ng softdrinks sa activity hall namin bilang paunang celebration.

It was a little bit funny to me to be celebrated like that. Ilang ulit na kasi akong na-promote sa Foundation na ni hindi nakatikim ng ganoon kainit na pagbati. It's not that they take good work for granted. Kaya lang, normal sa amin doon ang magtrabaho nang labis, nang lampas sa oras, at nang nakataya ang mga araw ng pahinga.

Nang araw na 'yon, mas late kaysa sa karaniwan akong umuwi at mas maaga kaysa karaniwan naman akong umalis kinabukasan. Iyon ay para iwasan ang iba pang babati at makikiusisa. Alam kong marami ang masaya para sa 'kin, at parang hindi tama na hindi ko pa alam ang dapat kong maramdaman.

Unregistered number:

Inaasahan po kayo ng stylist mamayang 4 pm.

Utos po ni Donya Alondra.

Pinigil ko ang buntonghininga nang mabasa ang text message sa cellphone ko, bago ibinalik ang mga mata ko sa computer. Nag-aayos ako ng August record ng allowances na naibigay sa mga estudyanteng beneficiary namin. Gusto kong matapos at maagang magtanghalian.

Aling Mameng:

mam talia hnd yta uli pumasok c precy sa skul

Aling Mameng:

hnd q nktang lumabas sa bahay nla

Dagli kong dinampot ang cellphone ko at tumawag. Dalawang ring lang ay sumagot na si Aling Mameng.

"Hello po. Mula po ba kaninang umaga ay hindi n'yo pa nakita si Precy?" usisa ko.

"Hindi po, Ma'am. Nandito lamang naman ako sa tindahan. Pero ang ama, nakita kong umalis kani-kanina, bitbit ang manok. Siguradong sasabong," sagot sa kabilang linya.

"Napansin n'yo ho ba kung nakainom?"

"Hindi ko po sigurado, Ma'am. Tinawag ko ay hindi naman ako narinig, eh."

Kumawala ang buntonghininga ko. "Napansin n'yo po ba kung nagluto man lang si Mang Nestor?"

"Tinatanaw ko ang bahay nila ay wala namang umuusok. Baka hindi."

"Sige ho. Pupunta ho ako diyan pagkatapos ng tanghalian," sabi ko.

"Sige po, Ma'am. Habang wala ang ama."

"Salamat po."

Pagkababa ko ng cellphone ay tumutok ako sa ginagawa ko para mabilis na matapos. Pero iba ang kaba ko sa dibdib kaya isinara ko na lang din ang lumang computer. Nag-ayos ako ng mga gamit ko, ipinagwawalang-bahala ang sulyap ng mga kasama ko sa opisina. Kalalagay ko pa lang ng shoulder bag sa balikat ko nang bumungad si Madame Amira sa pinto. Magaan ang karaniwan ay matalas na mata ng assistant director sa likod ng suot niyang salamin. Lahat kami ay napatingin sa kanya.

"Talia, may naghahanap sa 'yo," sabi niya at matipid na ngumiti.

Napatingin ako sa mga kasama ko na nangakatingin din sa 'kin. Wala akong inaasahang bisita ngayon, pero may mga naka-schedule akong visitation sa ilang beneficiaries namin. At may asahan man akong bisita, bakit si Madame Amira ang mag-e-endorse sa akin?

"Sino po?" hindi ko napigilang itanong.

Kuminang ang mga mata ni Madame. "Hindi ko alam kung paanong sasagutin 'yan. You better hurry up so we'll know."

Second Chase Series 1: Cupboard LoveWhere stories live. Discover now