Chapter 2: Half

181 8 0
                                    

***

"Bumalik ho ba si Mang Nestor?" bungad ko kay Aling Mameng.

Gusto kong magmadali at tumuloy na agad sa bahay ng pakay ko pero gaya ng sabi ni Brannan kanina, delikado. Kailangan ko munang makasiguro na kung pupunta ako roon ay wala ang ama.

Mabilis na napatayo ang may kalakihang babae mula sa pagkakaupo sa harapan ng tindahan. Sumalubong siya sa amin. Mukhang kanina niya pa kami inaabangan. May-edad na si Aling Mameng pero maliksi kung kumilos—isang bagay na taal sa mga taga-del Sol. Napalitan ng pagtataka ang kanina ay kunot ng noo niya sa pag-aalala. Nakatingin siya sa kasama ko.

"Naku, Talia, mabuti't nakarating ka na. Kanina pa abot-abot ang kaba ko! Pero sino itong kasama mo? Amerikano? Alanganin namang security guard ito na padala ni Donya Alondra?" sunod-sunod na sabi niya.

Napalunok ako bago tumingin kay Brannan. Napagkamalan pa siyang security guard. Baka hindi niya magustuhan ang sinabi ng babae.

Nakahinga ako nang maluwag nang ngumiti lang si Brannan. May aliw sa mga mata niya nang mag-abot ng pakikipagkamay kay Aling Mameng.

"Brannan po. Hindi po ako security guard," aniya.

"Ay . . ." Bakas ang hiya sa mukha ng babae. "Pasensiya ka na—"

"Driver lang po ako ni Talia," natatawang dagdag pa.

Napaawang ang labi ko sa sinabi niya. Napatingin naman sa akin si Aling Mameng, humihingi ng kumpirmasyon sa narinig.

"Gomez-Paxley po siya, Aling Mameng," salo ko at bumaling kay Brannan dahil hindi rin ako sigurado sa sinasabi ko. "Kapatid ni Law?"

Sasandali lang nawala ang ngiti niya. "Paxley lang. Half-brother."

Paxley, pero hindi Gomez. Half. Tama nga yata ang hinala ko tungkol sa kanya.

"Ah, Paxley . . . Naku, pasensiya na, Sir. Hindi ko alam," si Aling Mameng.

"Okay lang po. Brannan na lang po."

"Eh . . . sige. Brannan."

"At totoong driver lang po talaga ako ni Talia."

"Ngayong araw lang po," paglilinaw ko.

"Hanggang sa mga susunod na araw," salo ni Brannan at namulsa. "Pinasasamahan ka sa 'kin ni Donya Alondra. Wala kang kotse at malalayo ang appointments mo."

Nawalan uli ako ng salita. Hindi ko pa alam kung ano-anong appointments ang tinutukoy niya. Gayunpaman, hindi rin naman ako puwedeng tumutol sa kung anuman ang naiplano na ng donya para sa akin. Ibinalik ko na lang ang atensyon ko kay Aling Mameng na panay pa rin ang titig kay Brannan.

"Ano ho? Bumalik si Mang Nestor?" ulit ko sa tanong ko kanina.

"Hindi. Hindi ko pa rin nakita si Precy mula noong nag-text ako sa 'yo."

Nagbuntonghininga ako. Ilang malalaking punongkahoy lang ang layo ng bahay nina Precy sa tindahan nina Aling Mameng kaya napakikisuyuan ko ang matanda na tingnan-tingnan ito. At kung hindi nito nasilayan man lang ang dalagita mula kanina, baka kung ano na naman ang posibleng nangyari.

"Iwan ko ho muna rito si Brannan at pupuntahan ko muna si Precy sa kanila. Kung puwede po, pahanda na lang po ng tanghalian. Hindi pa po siya kumakain," sabi ko habang sinasalikop ang buhok ko. Kinuha ko sa bulsa ko ang isang manipis na panali at iniayos ang buhok ko sa isang maluwag at mababang pagkakapusod. "Nagmamadali ho kasi kaming nagpunta rito." Naglakad na ako pagawi sa bahay nina Precy sa unahan lang. Nakasunod pa rin sa akin sina Aling Mameng at Brannan.

"Eh, ikaw? Kumain ka na ba?" ani Aling Mameng sa akin.

"Mamaya na po. Unahin ko lang po si Precy." Sasandali ko silang nilingon bago ako tumuon kay Brannan. "Kumain ka muna. Susubukan kong bumalik agad."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 28 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Second Chase Series 1: Cupboard LoveWhere stories live. Discover now