Ang Simula

7.1K 389 210
                                    

ANG SIMULA

Year 1946

SALAMANCA.

Ang kanilang apelyido ay katunog ng Pilipinong salita na "salamangka" o ang isa pang kahulugan—mahika.

Ang mahika ay isang mahiwagang kapangyarihang hindi tunay para sa lahat. Hindi rin maganda ang ibig sabihin nito. Sapagkat ang salamangka ay maiuugnay sa mapanlinlang na salita o gawa. Isa itong lihim na karunungan sa paggawa ng iba't ibang uri ng kababalaghan.

Ang salamangka ay nagmula raw sa diablo. Siyang tunay? Paano kung may mga salamangkang ginagamit para sa kabutihan? Hindi pa rin ba ito tatanggapin ng simbahan? Hindi pa rin ba kikilalanin ng Ginoong makapangyarihan sa lahat?

Hindi kaya't ang salamangka kung gagamitin sa mabuti ay iba lamang ang tawag?

Ang salitang hindi rin lahat ay naniniwala, subalit hindi ibig sabihin ay wala nang katotohanan...

Ang salamangka na para sa mabuti, maaari ba itong tawaging... himala?

"Lyssandra!"

Naputol siya sa malalim na pag-iisip. Itinigil niya ang pagtunganga habang nakatanaw sa labas ng bintana. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan. Sayang at matitigil muna ang kanyang pagninilay-nilay.

"Lyssandra, hindi ka pa bihis?" Umalingawngaw ang baritonong tinig ng ama sa buo niyang silid. "Hindi mo ba narinig ang paalala ko sa 'yo kanina pa? Malapit nang dumating sina Damaro kasama ang mga Valleroso."

Tumayo siya mula sa kinauupuan at sinara ang bintana. "Papa, huwag kayong mag-alala. Mabilis lamang akong makapagpapalit ng damit."

Hindi rin siya gaanong maghahanda nang magarbo.

"Hija." Nilapitan siya ng amang mula pagkabata ay ang nag-iisa niyang kasama sa buhay. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at deretsong hinuli ang kanyang mga tingin. "Pakiusap. Huwag mong tanggihan ang tradisyon."

Napatuwid siya ng likod. "N-Ngunit, Papa... Buo na ang loob ko at—"

"Anak, makinig ka. Ito na lamang ang obligasyong ipinagkatiwala sa 'ting buo dahil kinilala kang tunay na Salamanca. Huwag mong biguin ang iyong abuelo. Kung magpapakasal ka sa isang Valleroso, matatanggap na tayong buo.

"Sapagkat ayon sa tradisyon, isang tunay na Salamanca lamang ang naitatakda sa isang tunay na Valleroso. Doon pa lamang, hija... Doon pa lamang ay katuparan nang makilala ang ating linya na lehitimong Salamanca..."

Anak lamang sa labas ang kanyang Lolo Lauro. Bagamat dala-dala ng kanyang ama at ni Lyssandra ang apelyidong Salamanca ngayon, pinagbigyan na lamang silang bitbitin iyon bago sumakabilang buhay ang Senyor Leon.

Ang patriyarka noon ng mga Salamanca na si Senyor Luisangel Salamanca ay may dalawang anak na lalaki—sina Leon at Oskar Salamanca. Gayunpaman, lihim itong nagkaroon ng relasyon sa isang katulong at nagbunga. May naging anak ang Senyor Luisangel sa pagitan nina Leon at Oskar. Ang bunga ng kataksilan ay ang kanyang Lolo Lauro.

Nagka-asawa si Senyor Leon at may nag-iisang anak na si Damaro Salamanca. Ngayon, ang kanyang tiyuhin ang kinikilalang senyor ng buong lupain nila. Mayroon itong mga anak na babae—sina Lass at Dalia—ang mga lehitimong senyorita Salamanca

Si Oskar Salamanca ay hindi nakapag-asawa o anak hanggang sa sumakabilang buhay na.

Ang kanyang Lolo Lauro naman ay nagkapamilya rin at nagka-anak. Ang nag-iisa nitong supling ay ang kanyang ama na si Laurencio Salamanca. Siya naman ang nag-iisang anak ng kanyang ama.

Pagkatapos Ng Lahat (Valleroso #4)Where stories live. Discover now