Chapter Sixteen

101K 4.4K 822
                                    

Chapter Sixteen


Walang tunog na maririnig sa loob ng kwarto na ibinigay ng propesor sa dalawa nitong bisita. Ang tunog ang agad na napansin ni Yngrid nang bumaba sila sa basement na ito kanina. Hinahanap hanap niya ang tunog ng orasan sa bahay nilang nasunog, pati na rin ang tunog ng pagtibok ng puso ng tatlong tao na kasama niya. Ngayon ay kay Andrew na lamang ang kanyang naririnig.

Nakahiga si Andrew sa ibaba ng bunk-bed. Nanatili naman naka-upo si Yngrid sa tabi ng binata. Umiiyak ito kanina habang nakahiga at nakatalikod sa kanya. Puno ng hinagpis ang boses ng pinsan niya. Emosyon na hindi niya maramdaman ngayon.

Magkaganon man ay alam naman niya ang ibig sabihin ng responsibilidad. At alam niyang nabigo siya sa bagay na iyon. Hindi niya nasagip ang mga taong lumikha sa kanya.

Pero nandito pa si Andrew. Hindi niya ito hahayaang mawala.

Kailangan nilang mahanap kung sino ang gumawa nito sa pamilya nila. Kailangan niyang masiguro ang kaligtasan si Andrew. Sa oras na mahanap nila ang taong iyon, kailangan niya itong. . .

Maraming imahe ang pumasok sa isip ni Yngrid. Karamihan sa mga ito ay mula sa mga napanood niyang pelikula noon. Napanood ng totoong Yngrid noon. Tungkol sa paghihiganti at pagwakas ng buhay ng isang tao.

Wala siyang nararamdaman. Kung ipag-uutos sa kanya ni Andrew na wakasan ang buhay ng isang tao, gagawin niya ng walang pagaalinlangan. Isang bagay na hindi kayang gawin ng totoong Yngrid. Isang patunay na hindi siya ito.

Hindi parin maliwanag sa kanya ang kwento ng propesor. Kung may kailangan sila sa mag-asawa, bakit nila sila pinatay? Habang pinakikinggan niya kanina ang kwento ng lalaki, napansin niya ang maraming bagay. Ang galaw ng mga mata nito, ang pag-lunok, pag-iba ng tibok ng puso, paghinga, pagbabago sa tono ng boses. Mga maliliit na detalye na hindi niya mapapansin kung isa siyang tao.

May dalawang bagay siyang pwedeng maisip na maging sanhi nito. Una, may inililihim ang propesor sa kanilang dalawa. Pangalawa, hindi ito nagsasabi ng totoo.

***

"Alam mo ba kung nasaan ang blueprint, Andrew?" tanong ng propesor.

Tumigil sa pagkain si Andrew at saglit na nag-isip. "Itinago iyon ni Tito sa isang volt na nasa basement ng bahay."

Pinanood ni Yngrid ang dalawang lalaki na mag-usap. Nasa harap sila ng lamesa, kumakain ng agahan sa oras ng tanghalian. Nakakabit ang wire niya sa isang socket at pinupuno ang kanyang baterya.

Ngumiti ang propesor at nagpunas ng bibig gamit ang napkin. Tumayo ito.

"Kailangan kong kunin iyon bago pa makuha ng mga taong naghahanap sa inyo," sabi nito.

Napansin na naman ni Yngrid ang pag-iba sa tibok ng puso ng lalaki.

"Sasamahan ka na namin propesor," sabi ni Andrew.

"Hwag na, delikado. Baka may makakita pa sa inyo habang nasa labas tayo. Manatili nalang kayo rito at tapusin mo ang pagkain mo, Andrew."

Tumango si Andrew.

"Watch the house, kids."

Kinuha ng propesor ang coat nito at sumbrero bago lumabas. Pinakinggan ni Yngrid ang paligid ngunit nanatiling soundproof ang basement. Wala siyang marinig sa labas.

"Bakit mo ako pinag-sinungaling, Ate Yngrid? Gusto mo bang ilihim ko sa kanya kung nasaan ang totoong blueprint?"

"Hindi ko alam kung isa siyang tao na hindi ka kayang ipahamak, Andrew."

Project: YngridWhere stories live. Discover now