25-Ang Kasal

16.5K 628 87
                                    

"Anong araw po ngayon, Senyora Simang? Tanong ni Tetay habang nagluluto sila ng pananghalian sa dormitorio.

"Pebrero bente-otso," sagot ni Senyora Simang. "Ay, naalala ko, ngayon pala ang kasal nila Almira at Sebastian. Dadalo ako sa seremonyas."

"Pupunta po kayo?" Halatang nagulantang si Tammy at muntik na niyang nabagsak ang hawak niyang sandok.

"Oo, dahil ako'y inimbita nila Doña Elena," kaswal na sagot ni Simang. "Teka, parang namumutla ka ata hija. Masama ba pakiramdam mo?"

Nagkatinginan sila Tammy at Tetay na para bang nababasa nila ang iniisip ng bawat isa. Hindi alam ni Tammy kung sasabihin ba niya ang kanyang napaginipan. Baka hindi lang siya paniwalaan ng matanda.

"Ayos lang po ako, Senyora Simang," malumanay na sagot ni Tammy. "Ako na po magdadala ng ulam sa itaas," alok niya.

Binigay sa kanya ang mangkok ng kalderetang baka at umakyat na si Tammy galing sa likod-bahay. Ang totoo niyan, gusto niyang sabihan si Senyora Simang na huwag nang dumalo dahil sa kanyang panaginip. Kaya pinigilan na lang niya ang kanyang sarili at siya na lang ang lumayo.

Dumaan ang oras ng pananghalian. Pagkatapos ay oras na ng siesta. Nagpasya munang magpahinga si Senyora Simang at si Tetay. Si Tammy ay naiwang mag-isa sa salas. Di siya mapakali habang nakadungaw sa may bintana.

Iisipin lang ng iba na nalulungkot lang siya kaya nananaginip siya ng masama. Ngunit di niya talaga maalis ang pakiramdam na may di-magandang mangyayari. Sana may pwede siyang sabihan sa mga oras na ito.

"Buenas tardes, Binibini."

Lumingon si Tammy at nakitang umaakyat si Ilyong. Ngumiti siya ng bahagya.

"Kumusta, Ilyong? Ang aga mo yata," bati niya.

"May sakit ang aming maestro kaya pinauwi kami ng maaga. Wala na akong klase ngayong hapon, kaya inaalok ko na samahan kita kung may nais kang puntahan," wika niya. "May kailangan bang bilhin mamayang gabi para sa hapunan?"

Nagkaroon ng pag-asa si Tammy nang marinig niya ito kay Ilyong.

"Ah... Emilio... Pwede ba kitang makausap?"

"Ano ang aking maitutulong?"

Naupo si Tammy sa salas at tinabihan naman siya ng binata.

"Naniniwala ka ba na pangitain din ang mga panaginip?" Simula ni Tammy.

"Bakit?" Kumunot ang noo ng binata.

Nagsimula nang ikuwento ni Tammy ang kanyang napaginipan. Nang matapos na siya ay mukhang sumasang-ayon si Emilio sa kanya.

"Ang kwento ng El Filibusterismo at ang iyong panaginip ay magkapareho," komento niya. "Kasal, lampara, pagsabog..."

"Hindi kaya may binabalak si Julian? Naalala ko ang sinabi niya tungkol sa pagbagsak ng pamilya nila Almira. At alam mo, may malaking lampara sa salas ni Julian," dagdag ni Tammy.

Nanlaki ang mga mata ni Emilio nang marinig niya iyon. "Parang nakita ko nga iyon..." Bulong niya.

Nagkatinginan ang dalawa na para bang nagkakaunawaan na sila.

"Puntahan na natin ang bahay ni Julian. Baka sakaling mapigilan pa natin siya!" Pagmamadali ni Tammy.

Tumango sa kanya si Ilyong. Nauna siyang tumayo at sumunod na sa kanya ang dalaga.

Umalis sila ng dormitorio at naglakad papunta sa bahay ni Julian. Agad silang nakarating doon, ngunit nakita nila na may kadenang nakapaikot sa pintuan.

"Wala na siya dito?" Pagtataka ni Tammy.

"Tama ang iyong hinala," sagot ni Emilio.

"Hijo, hija, hinahanap niyo ba si Julian De Leon?"

The SenoritaWhere stories live. Discover now