Saan Ka Dadalhin ng Kahirapan?

25 1 0
                                    

▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬
Saan Ka Dadalhin ng Kahirapan?
ni Ysai Carinio
▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬

Kung nakamamatay lang ang mga titig ng mga kapitbahay ni Annie sa kanya, malamang nakahandusay na siya sa kalsada. Matatalas—mga titig na may panghuhusga. Dinaig ng lakas ng kabog ng dibdib niya ang bulung-bulungan ng mga tsismoso't tsismosang may kanya-kanyang adyenda: may mga sugarol na tiyak niyang mula sa natanggap na 4Ps nanggaling ang perang ipinangsusugal; may grupo rin ng kalalakihan at kasama roon ang tatay niyang ginagawang tubig ang alak. At sa isang banda nama'y naroon ang mga kaibigan niya na natigil ang paghaharutan nang makitang  padaan siya. Hindi niya napigilang mapayuko lalo na nang makita niya ang pagbalatay ng nakakatakot na ngisi sa kanyang tatay.

Apat na buwan na siyang ilag sa mga tao. Apat na buwan niyang ininda ang galit ng kanyang nanay sa kasalanang hindi niya naman ginusto. Mga malulutong na mura at kaliwa't kanang sampal ang madalas na natatamo niya sa ina, lalo na kapag natatalo ito sa sugal at nauubos ang perang ibinibigay ng gobyerno para sa gaya nilang nasa laylayan. Kulang na nga lang na ang sarili nitong mga kamay ang magdala kay Annie sa hukay. Sabagay, ano nga bang ipinagkaiba niyon? Buhay nga siya pero sa loob niya, unti-unti na siyang namamatay; sa loob-loob niya, nakikita niya ang sariling wala ng buhay. Pagod na siya. Pagod na pagod na siya. Pagod na siyang mabuhay. Pagod na siyang maging siya sa sarili niya. Pero kailangan niyang mabuhay. Kailangan pa siya ng mga kapatid niya.

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang magsalita ang kanyang tiyahin na kasama niya nang mga sandaling iyon, “Annie, malapit na tayo.” May malakas itong koneksiyon sa mga nakatataas. Ito na laging takbuhan ng mahihirap na gaya nilang walang ibang maisip na paraan para magkapera. Ito na hindi niya alam kung nakatutulong ba talaga o isa ring ganid gaya ng mga boss nito. “Maghanda ka na,” dagdag pa nito.

Tumango siya. Doon niya lang napansin na nasa isang compound na sila kung nasaan ang kanilang pakay. Napalunok siya't napahinto saglit sa paglalakad. Huminga muna siya nang malalim para kumuha ng lakas.

Pagbukas pa lang ng pinto, sumalubong na sa kanila ang hindi kaaya-ayang amoy na sumingaw mula sa loob. Halos bumaliktad ang kanyang sikmura. Parang naghalo-halong kemikal ang naglaro't pumirmi sa kanyang ilong.

Isang babae ang nagpaunlak sa kanila  papasok. Walang dudang kakilala iyon ng tiyahin niya dahil sa pagbeso-beso ng mga ito at maikling kumustahan. May mangilan-ngilang tao ang nadatnan nilang nag-aabang. May mga kasama pa ngang sanggol ang ilan sa mga kababaihan. Mga nag-iiyakang mga sanggol; mga inosenteng nilalang na tiyak niyang tatanggalan ng kainosentihan. Mayroon ding kagaya niyang menor de edad pa lamang na kasama ng kani-kanilang mga ina.

Hindi tago ang lugar ngunit may natatangi itong lihim na kalakaran na protektado ng ilang makapangyarihang tao sa kanilang lugar. Sa labas, isa itong munting pagamutan ng mga bagong panganak na ina. Maayos. Malinis tingnan. Kumpleto sa gamit at may mga doktor at nars na nag-aasikaso sa mga pasyente. Ngunit, ang hindi alam ng marami, sa dulong bahagi ng klinika ay may tagong silid kung saan nag-uumpisa ang iligal na kalakaran. Labag sa batas ng bansa at sa batas ng Diyos ang ginagawa sa kasuluk-sulukang bahagi ng pagamutan.

Walang pagtutol siyang humiga sa kamang nababalutan ng puting tela nang makapasok sila sa isang maliit na silid na puno ng aparato. Nasisilaw siya sa liwanag ng mga ilaw na nakatapat sa kanya. Nasa tabi naman niya ang kanyang tiyang na tila pinagagaan ang kanyang loob. Nginitian siya nito habang hinahaplos ang kanyang kamay. Ang isang nurse naman ay may itinuturok sa suwerong ikinabit sa akin.

Napaluha siya nang ilayo niya ang tingin sa mga kasama. Napaisip. Bakit ba siya nalagay sa ganoong sitwasyon? Siya na dis y sieste años pa lamang na walang ibang hinangad kundi ang mapabuti ang lagay ng aming pamilya? Bakit siya pa na tanging kapakanan lang ng kanyang mga kapatid at mga magulang ang laging laman ng isip niya? Bakit sa dami ng tao, ang tatay niya pa ang unang kumuha ng kanyang kamusmusan? Hindi lang minsan, kundi maraming beses kahit na alam iyon ng kanyang ina? Bakit nagbunga ang panghahalay ng kanyang  tatay? Bakit walang ginawa ang nanay niya para matigil ito sa panghahalay sa kanya? Bakit? Napakarami niyang bakit. Mga bakit na hindi niya mahanapan ng kasagutan.

Napapikit siya nang maramdaman niya ang unti-unting pag-epekto ng gamot. Gusto man niyang igalaw ang mga binti, ngunit hindi niya magawa. Nakatali pala ito nang paglayuin ng nurse ang mga hita niya. Humigpit ang kapit niya sa kamay ng tiyahin at isang kamay niya naman ay sa puting tela kumapit. Nakagat pa niya ang kanyang ibabang labi upang pigilan ang pagkawala ng sakit na kanyang nararamdaman. Walang-wala ang mga palo, sampal, sabunot at kurot ng kanyang nanay kung ikukumpara sa nararanasan niya ng sandaling iyon. Napahawak siya sa maliit na umbok ng tiyan niya. Nakaramdam siya ng awa. Pakiramdam pa niya ay tila tutol ang nasa kanyang sinapupunan sa nangyayari kaya todo ang kapit nito. Gusto niyang bumangon sa sobrang sakit. Gusto niyang umalis—tumakbo palayo. Gusto niyang manghingi ng tulong at maghanap ng kakampi. Pero hindi niya kaya—hindi puwede. Kawawa ang mga kapatid niya  kapag naiwan sila sa kamay ng kanilang mga magulang.

Unti-unti, nabawasan ang sakit. At bago pa niya maipikit ang kanyang mga mata, nakita niya ang hawak ng nurse—ang apat na buwan pa lamang na fetus na tinanggal sa kanyang sinapupunan. Ang dapat sanang anak niya sa kanyang tatay ay ilalagay na sa isang garapon upang mapreserba at maibenta sa mercado sa kung sino man ang may interes.

Nag-iwas na siya ng tingin at marahang pumikit na nagbigay-laya sa butil ng kanyang mga luha.

Wala akong kuwentang anak sabi ng nanay ko dahil nagpabuntis daw ako sa tatay ko. Kaya siguro, tama lang ang ginawa ko...wala rin akong kuwentang ina kapag nagkataon. Hindi bale, paggising ko mamaya, may pera na akong maiuuwi sa amin. Hindi na ako sasaktan ni nanay, bulong ng kanyang isip bago tuluyang mawalan ng malay.

K U W A D E R N O Where stories live. Discover now