Kabanata 1 - Once Upon a Dream

243K 8.7K 14.5K
                                    

[Kabanata 1]

Paano kung nabubuhay tayo sa loob ng isang Fairytale?

Madalas kong itanong iyan sa sarili ko. Minsan ko na rin naitanong sa aking mga magulang noong bata pa ako pero ni isa amin ay walang nakasagot. Ang sabi nila, malabo raw mangyari iyon. May mga bagay na nag-uumpisa at natatapos lang sa imahinasyon. Hanggang kathang-isip lang. Napakalayo at imposibleng maging totoo.

Dahan-dahan akong lumingon sa gawing kanan kung nasaan ang bintana. Alas-otso pa lang ng gabi ngunit kitang-kita ko na ang liwanag ng buwan. Naitatanong ko rin minsan kung bakit hindi pwedeng laging buo na lang ang buwan? Bakit kailangan maging kalahati ito?

Bakit hindi pwedeng magkaroon ng maayos na buhay ang taong nahihirapan? Bakit hindi pwedeng magawa ng tao ang mga gusto niya gawin? at bakit hindi pwedeng mabuhay ng matagal ang mga taong gusto pang mabuhay?

Hindi ko namalayan na muli akong dinadala ng liwanag nito sa kawalan na para bang kilala ko siya. Hindi natin nagagawang titigan ang araw pero posible iyon sa buwan. Minsan tinatanong ko siya, kung napapagod ba siya magbigay ng liwanag sa gitna ng dilim?

Sinubukan kong igalaw ang aking mga kamay ngunit hindi ko na ito maramdaman. Ang sabi ni mama, kapag hindi ko raw magalaw ang aking katawan, huminga lang ako nang malalim ng sampung beses at subukan ko ulit.

Ipinikit ko ang aking mga mata at nagsimulang huminga nang malalim. Napatigil ako sa ikaapat na bilang nang marinig ang isang paborito kong musika. Once Upon a Dream ni Lana Del Rey, music box ang instrumentong naririnig ko mula sa malayo na unti-unting lumalapit.

Mula pagkabata, paborito ko na si Princess Aurora ng The Sleeping Beauty. Bukod sa kapangalan ko siya, pareho rin kaming dalawa. Parehong mahina, malungkot, nakakulong at nakahiga sa kama ng mahabang panahon.

Sa tuwing nanghihina ako at umiiyak habang yakap ni mama, palagi niyang kinakanta sa akin ang kantang iyon. Ngunit may mga pagkakataon na hindi na niya nagagawang kumanta nang maayos lalo na kapag sumasalang ako sa chemotheraphy. Hindi niya rin natatapos ang kanta kapag narinig niya na hindi ko na kaya. Ayokong sumuko pero hindi ko na rin kayang makita sila na nahihirapan sa pag-aalaga sa akin.

Iminulat ko ang aking mga mata, hindi ko masyado makita si mama. Malabo ang kaniyang mukha. Napansin kong hawak niya sa isang kamay ang musix box na regalo nila sa'kin noon at isa niyang kamay ay mahigpit na nakahawak sa kamay ko ngunit hindi ko maramdaman.

Sinubukan kong magsalita pero walang boses na lumabas sa bibig ko. Katulad ng dati ay hindi ko mapigilan ang panghihina at panlalamig ng aking buong katawan. Naaaninag ko lang ang mabagal na paggalaw ng paligid. Maging ang boses ni mama at ang musika ay hindi ko na masyado marinig.

Isa-isang dumating ang mga nurse at ang doctor. May dala silang mga medical apparatus na halos kakambal na rin ng buhay ko. Labing-apat na taon na ang nakararaan mula nang una akong ma-diagnose ng Acute Lymphocytic Leukemia.

Apat na taong gulang pa lang ako nang una kong marinig ang sakit na iyon. Wala akong maintindihan bukod sa palaging sinasabi ni mama na hindi ako pwedeng maglaro sa labas, bawal akong mapagod, maraming bawal na pagkain, hindi pwedeng magpuyat at hindi ako pwedeng pumasok sa school.

Ang sabi ko kay mama, kung lalaban ako. Kung susundin ko ang lahat ng sasabihin niya. Kung magpapakabait ako taon-taon kahit hindi na ako bigyan ng regalo ni Santa Claus. Baka pwede na nila akong payagan ni papa na maglaro sa labas at makapasok sa paaralan.

Hindi ako sumuko hanggang sa gumaling ako bago sumapit ang aking ika-walong taong kaarawan. Ngunit wala namang halos nagbago, hindi pa rin ako makalabas, hindi pa rin ako pwedeng kumain ng kung anu-ano, bawal pa ring magpuyat at hindi pa rin ako pwedeng pumasok sa school dahil hindi ko raw kakayanin.

HirayaWhere stories live. Discover now