Kabanata 44 : Kasaysayan ng Kaboloan

8.1K 886 209
                                    


Tahimik lamang kaming naglalakad papunta sa sakayan. Tanaw ko pa rin ang katiting na hilagyo ni Apo Tala sa kanya at kahit papaano ay gumaan ang loob ko sapagkat ngayo'y alam ko nang totoo nga ang lahat ng nangyari.

Napatingin ako sa aking kamay. Naroon pa rin ang bakas ng marka ni Apo Bulan—ang kalahating buwan sa likod ng aking mga palad—ngunit unti-unti na ring naglalaho ang mga ito.

Ilang sandali kaming naghintay sa biyahe hanggang sa tinapik niya ako upang bumaba na kami. Napaawang naman ang aking bibig nang huminto kami sa isang napakalaking kalupaan.

"Tara?" sambit niya.

Agad akong tumingin sa kanya. "I-ito ang bahay n'yo?"

Isang pigil na halakhak ang isinagot niya. "Hindi lang naman ako ang nakatira rito."

Sumunod ako sa kanya ngunit patuloy kong nililibot ang aking paningin sa paligid. Binuksan niya ang gate at bumungad sa akin ang dalawang-palapag na makalumang bahay na yari sa kahoy at bato. Sa bandang kaliwa ay naroon ang hardin na puspos ng mayayabong na mga puno at halaman. Sa kanan naman ay mayroon pang isang palapag na bahay ngunit higit na mas matanda ito kaysa sa nasa gitna.

Nagtungo kami sa gitnang bahay at bago pa man kami makarating sa pintuan ay sumalubong sa amin ang isang babae at lalaki. Sa isang sulyap pa lamang ay batid ko nang sila ang kanyang mga magulang.

Gumuhit ang gulat sa kanilang mga mukha nang makita nila ako. Agad akong nilapitan ng kanyang ina at mahigpit na hinawakan ang aking mga kamay.

"Sa wakas ay nakita ka na rin namin," malambing niyang saad.

Huminga naman nang malalim ang kanyang ama sabay tingin sa kalangitan. "Wala ka nang dapat ipag-alala, Hara."

Agad akong tumingin kay Ridge dahil hindi ko alam ang dapat kong sabihin kaya naman sinabi niyang mayroon pa kaming kailangang gawin. Matapos iyon ay nagpaalam kami sa kanila at tumungo kami sa bahay sa kanang bahagi.

"Alam ba nila ang nangyari?" tanong ko habang naglalakad kami.

"Oo," sagot niya. "Matagal na naming hinihintay ang pagkakataong ito."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

Huminto kami sa harapan ng bahay at bigla akong nakaramdam ng pangungulila. Marahan niyang itinulak ang pinto at sumunod ako sa pagpasok niya sa loob. Hindi ko inasahang isang malaking silid lamang iyon. Sumindi naman ang malamlam at dilaw na mga ilaw at napasinghap ako nang masilayan ko ang mga nakapaskil sa dingding.

"Ridge . . ."

"Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko sa iyo noong una tayong magkita sa nakaraan?" tanong niya.

Muli kong inalala ang panahong iyon at tandang-tanda ko ang mga salitang kanyang binitiwan noong tinanong ko kung sino ba siyang talaga.

"Ridge Estrella. At mula ako sa angkan ni Bagim. Ngayon, naniniwala ka na ba na ang lahat ng ito ay itinadhana?"

Tumango ako at ngumiti naman siya. Itinuro niya ang limang malaking larawan na nasa bandang itaas ng dingding. Iginuhit lamang ang mga ito sa papel na mula pa sa sinaunang panahon at inilagay sa banhay upang mapangalagaan ang kalidad nito. Namuo ang mga luha sa aking mga mata nang mapagtanto ko kung sinu-sino ang mga iyon.

Tila nagbalik sa nakaraan ang aking kaisipan nang muli kong makita ang mukha nina Anam, Bagim at Urduja kahit mga guhit lamang ang mga ito.

"Ibig mo bang sabihin ay . . ."

"Siya nga," bulong niya. "Kami ang tagapangalaga ng bahagi ng kasaysayan ng Kaboloan. Bilang kasapi ng lahi ni Bagim ay mayroong iniwang tungkulin sa amin ang aming ninuno." Ngumiti siya habang nakatitig sa akin. "Nanatili siyang tapat kay Urduja at ipinagpatuloy niya ang pinakaminimithi ng Hara. At iyon ay ang matiyak ang kaligtasan ng kanyang babaylan sa kasalukuyan."

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon