Katapusan : Walang Hanggang Pagpupugay

17.4K 1.4K 600
                                    


Sa ilang taon kong nag-aaral ng kasaysayan ay ngayon lamang ako kinabahan nang husto.

"Cyrene!"

Agad akong napalingon nang marinig ko ang isang pamilyar na boses at bumungad ang mukha ni Ridge sa akin. Umupo siya sa harapan ko habang saglit na yumuko sa mga nakarinig sa kanya. Maging ako ay nahiya nang kaunti dahil napalakas ang pagkakatawag niya sa akin sa loob ng silid-aklatan ng aming unibersidad.

"Sorry," bulong niya. "Kumusta? Nakapag-practice ka na?"

Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan at marahang tumango. "Pero hindi ko alam kung maayos ba ang pagkaka-present ko."

"Practice tayo. Sa akin ka mag-present."

Nag-aalinlangan pa akong tanggapin ang alok niya dahil nakakahiya pero makalipas ang ilang sandali ay pumayag na rin ako. Napagdesisyunan naming sa bahay namin mag-ensayo para sa reporting ko bukas.

Halos apat na taon na ang nakakaraan simula noong malaman namin ang tunay na nangyari sa angkan ni Urduja. Iyon din ang panahong iginugol namin sa kolehiyo at ngayon ay ang mga huling linggo ng aming mga klase bago ang aming pagtatapos.

Naaalala ko pa kung gaano ako kasabik kumuha ng kursong Arhaeology noon kaya't labis ang lungkot ko noong sinabi ni Papa na walang undergraduate course na ganoon sa halos lahat ng unibersidad sa Pilipinas dahil isa iyon sa mga graduate programs na kinukuha bilang specialization. Dahil doon ay BA History ang kinuha ko. Sa parehong unibersidad din nakapasa si Ridge at kumuha siya ng kursong BS Biology dahil mayroon siyang balak maging paleontologist. Gaya ng Archeology ay isa rin iyong specialization course sa graduate studies.

Pagdating namin sa bahay ay naabutan namin si Lola sa bakuran na nagdidilig ng mga halaman kaya't agad namin siyang binati. Huminto rin kami sa malaking puno at taimtim na nagdasal.

Ayon kay Lola, ang punong ito ay galing pa sa hilagang Luzon at kinuha ng aming mga ninuno ang binhi nito upang itanim sa aming kasalukuyang lupain. Mahigit isandaang taon na rin ang aming pamilya sa lupaing ito kaya't batid kong ganoon na rin katanda ang puno.

Hindi man tiyak, tila mayroong pising nagtatali sa akin sa punong ito sapagkat magkawangis ang pakiramdam na nararamdaman ko rito at sa mahiwang punong aking pinagdadasalan sa gubat ng Kaboloan.

Apo Bulan, nawa'y patuloy mo akong gabayan. Iyon ang lagi kong ipinapanalangin, ngunit simula noong makabalik ako sa kasalukuyan ay hindi ko na kailanman nadinig ang kanyang tinig o naramdaman ang kanyang hilagyo.

Pagpasok namin sa loob ng bahay ay nagulat ako nang maabutan ko si Papa sa sala.

"Papa?" tawag ko at agad naman siyang lumingon. "Akala ko ay sa isang linggo ka pa babalik?"

Ibinaba niya ang tasa ng kapeng kanyang iniinom. "Maagang natapos ang field survey at excavation namin. Umuwi lang ako para magpahinga saglit. Bukas ay sa labs naman kami para sa analysis."

Halata naman ang pagod sa mukha ni Papa. Mukhang wala pa rin siyang maayos na tulog pero bakas din sa mga mata niya ang pagkasabik sa kung anuman ang nakuha nila.

Lumingon naman siya sa akin at doon niya lang napansin si Ridge.

"O, Ridge, nandito ka pala," bati niya.

Sinuklian siya ng Ridge ng ngiti. "Ah, tutulungan ko lang po si Cyrene mag-practice para sa presentation niya, Tito."

Kumunot ang noo ni Papa at muling bumaling ang tingin sa akin. "Ito ba 'yong research paper mo? Bakit kailangan mong mag-present? Hindi ba 'yon na ang last requirement para ma-qualify ka sa graduation?"

BabaylanWhere stories live. Discover now