BAHAY NA BATO (Part 1)

128 1 0
                                    

Ginising ng mga kaluskos sa pader si Anna. Unang gabi niya sa bahay na bato kaya hindi siya kaagad nakatulog nang gabing iyon. Hindi rin niya alam kung may ilang oras na ba siyang nakakatulog bago siya nagising ng mga kaluskos. Naupo siya sa kanyang higaan habang ang asawang si Gabriel ay mahimbing sa pagkakatulog sa kanyang tabi.

Pinagmasdan ni Anna ang kabuuan ng kuwarto nilang mag-asawa. Tanging ang gaserang ilaw ang nagbibigay liwanag sa kabuuan ng tinutulugang silid. Aasikasuhin muna ni Gabriel sa Electric Company sa tabi ng munisipyo ang kanilang kuryente bukas ng umaga para magkailaw na rin sila kaagad. Natuon bigla ang atensyon ni Anna sa kahoy na kuna na kung saan mahimbing na natutulog ang bagong silang niyang anak na babae. Pinangalanan nila itong Mary Rose.

Marahan ay tumayo si Anna at nilapitan ang kuna na di naman kalayuan sa kinahihigan nilang mag-asawa. Halos wala pang isang buwan mula ng isilang niya si Mary Rose. Pagkatapos ay kaninang umaga ay bumyahe na sila mula Maynila patungo sa Pampanga na kung saan sila ngayon tumutuloy. Namana pa ni Gabriel ang bahay na bato mula pa sa kanyang mga magulang, na namana rin sa lolo at lola nito. Sa tingin ni Anna, panahon pa ng mga kastila nang ipinatayo ito ng mga ninuno ni Gabriel. Nag-iisa at natatangi ang bahay na tinitirhan nila ngayon sa lahat ng bahay na nakita niya sa mula nang makarating sila kanina.

Biglang nakaramdam si Anna ng paglamig sa kanyang paligid. Panahon ng Cuaresma kaya imposibleng bigla na lamang lalamig ang panahon. Maalinsangan ang gabing iyon kaya nakabukas ang mga bintana sa kanilang kuwarto para pumasok ang malamig na hangin. Kitang-kita niya na hindi naman gumagalaw ang mga maninipis na puting kurtina sa bintana kaya hindi ang hangin na nagmumula sa labas ang sanhi ng biglang paglamig sa kuwarto.

Kaagad iwinaksi ni Anna sa kanyang isipan sa biglaang paglamig ng paligid. Naisip niya na baka ganoon lang talaga sa mga lumang bahay na tulad ng tinitirhan nila ngayon, sadyang idinisenyo para sa mainit na klima.

Naputol ang agam-agam ni Anna nang biglang umiyak ang sanggol niyang anak na si Mary Rose. Kaagad niyang inilipat ang atensyon niya sa umiiyak na anak.

"Baby, sensya na kung nagising ka ni mama, halika kakargahin kita para makatulog ka ulit ng mahimbing," ang halos pabulong na wika ni Anna sa anak. Dumungaw siya sa kuna at iniumang ang dalawang kamay para kargahin sana ang nagising na anak. Pero dalawang payat na duguang kamay ang bigla na lamang sumakal sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Anna at pilit na nagpumiglas sa pagkakasakal sa kanya ng dalawang kamay. Gusto niyang sumigaw para humingi ng tulong sa asawa, pero lalong humihigpit ang pagkakasakal sa kanya ng dalawang duguang kamay. Muli ay sinubukan niya ang magpumiglas, pero sobrang lakas ng kamay na sumasakal sa kanyang leeg.

Mula sa kuna ay kitang-kita niya ang dalawang mapupula at nanlilisik na mga mata na nakatitig sa kanya. Hindi ang mukha ng kanyang bagong silang na sanggol ang nasa kuna kundi isang halimaw. Halos panawan ng ulirat si Anna nang ibinuka ng nilalang sa kuna ang bibig nito na punong-puno ng matatalim na mga ngipin. Akmang sasagpangin na siya nito at wala na siyang magagawa pa para umiwas.

Napabalikwas ng bangon si Anna mula sa kanyang higaan na hinahabol pa ang hininga. Kaagad ay iginala niya ang kanyang mga mata sa paligid ng kuwarto. Hindi niya alintana na halos maligo na siya sa pawis dahil sa maalinsangang panahon. Mabilis pa rin ang tibok ng kanyang puso dahil na rin sa takot na naramdaman mula sa kanyang masamang panaginip.

Huminga ng malalim si Anna at nag-antanda ng krus sa kanyang noo. Nagpapasalamat siya dahil gumising siya mula sa nakakatakot na panaginip. Ilang saglit lang ay nakaramdan na siya ng antok saka pinili na ang mahiga. Pagkahiga ay napansin niya ang pamilyar na nilalang na mabilis na gumagapang sa kisame ng kanilang kuwarto. Nakaramdam ng paggapang ng magkahalong kilabot at takot si Anna lalo na nang biglang nahulog sa kanya ang nakangising nilalang na maitim pa sa kadiliman ng gabi. Napasigaw siya sa takot, ngunit walang boses na lumabas sa kanyang bibig. Kitang-kita niya ang paggapang ng maitim na nilalang sa kanilang higaan papunta sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay naaninag niya ang duguang mukha ng nilalang na sa tingin niya ay babae dahil sa korte ng katawan nito. Pero ang lalong nagpasindak kay Anna ay ang nakakatakot na bibig ng nilalang na tumatagos sa magkabilang tenga nito. Kumukuha ng buwelo ang itim na nilalang para siya ay lundagan. At iyon na nga ang ginawa ng babaeng halimaw sa kanya.

GRAVEYARD SHIFT vol. IIWhere stories live. Discover now