Kabanata 1

35 2 0
                                    

GENESIS

ᜊᜆ᜔ᜑᜎ

Liwanag...

Ito ang sumalubong sa aking mga mata nang magmulat ako. Tila gustong bulagin ng haring araw ang mga ito dahil sa tindi ng sinag nito sa akin. Ang aking haring araw, ang isa sa mga nilikha ko upang magsilbing liwanag at maging simbolo ng bagong umaga para sa aking mga nilikhang may buhay.

Isang ngiti ang sumilay sa aking mga labi nang makatayo ako. Pinagmasdan ko ang bago kong anyo sa salamin. Kulay maitim na tsokolate ang maikling buhok ko. Ang harap nito'y umaabot lamang hanggang sa kilay ko at ang gilid at likod naman ay hindi ganoon kahaba at hindi rin naman gaanong pudpod. Matangos din ang ilong ko't mamula-mula ang labi. Kayumanggi ang balat ko. Kulay tsokolate naman ang malamlam kong mga mata. Malinis ang paligid ng mga labi ko't walang bahid ng balbas. Maganda rin ang hubog ng katawan ko. Nararamdaman kong mainam para sa akin ang katawang ito gayong malakas ang mga kalamnan nito't matatag.

Ngayon ay nasa katawan ako ng isang taong kamamatay lamang, si Dev Aziel, ang anak ng isang pinuno ng tribo mula sa Kanluran na namatay dahil sa isang sakit. Wala pang nakaaalam ng lunas sa sakit niya dahil limitado lamang ang kaalaman sa larangan ng medisina sa mga panahong ito. Namatay siya dahil sa butas sa puso niya na nakuha niya noong siya'y ipinanganak.

Ito rin ang naging pagkilos ng tadhana at ng puno ng buhay upang magkaroon ako ng isang mainam na sisidlan at ng tahanang katawan na pamamalagian ko at maghahawak ng mga natitirang kapangyarihan sa akin.

"Ginoo ko!" sigaw ng isang babae.

Mula sa repleksyon ko sa salamin ay namasdan ko ang gulat sa mukha ng isang babae. Siya ang ina ni Dev at nasisigurado kong sa mga sandaling ito ay puno siya ng takot at pagtataka. Sino nga ba naman ang hindi matatakot na masaksihan ang pagkabuhay ng isang patay? Isang himala na itong maituturing sa mga taong ito.

Isang lalaki naman ang sumunod na pumasok sa silid. Nakasuot lamang ito ng bahag at mula sa kanyang ulo ay may nakapatong na telang sumisimbolo sa pagiging pinuno. Siya ang ama ni Dev at mahahalata mo na sa kanya nagmula ang mga pisikal na katangiang makikita mula sa binata.

Ngumiti lamang ako sa kanilang dalawa at mabilis na tumalon mula sa bintana ng kubo. Nang makalapag ako sa lupa ay nagsimula akong tumakbo sa kung saan mang direksyon na walang sinumang taong nakaharang. Kailangan kong lisanin ang lugar na ito nang sa gayo'y magawa ko ang aking misyon. Mahigpit ang mga magulang ni Dev at sa tingin ko'y hindi nila ako hahayaang makaalis kung sakali. Isa pa, nasisigurado kong hindi sila maniniwala kung aking sasabihin sa kanila na ako'y ang Bathala na kanilang sinasamba. Mapagkakamalan pa nila ako na isang lapastangan at isang malaking sinungaling.

"Habulin ninyo si Aziel! Huwag ninyong hayaan na makatakas ang batang iyon!"

Mula sa iba't ibang bahagi ng gubat ay may lumabas na mga lalaking nakasuot lamang din ng bahag at mayroong mga nakasabit na tabak sa tagiliran. Hindi ito maaari.

Tumigil ako sa pagtakbo at pinakiramdaman ko ang mahikang dumadaloy sa aking katawan. Nagsimulang lumiwanag ang lahat sa akin. Naging malinaw ang aking paningin, pandinig, pang-amoy, at pakiramdam. Naging alisto rin ako at naramdaman kong gumaan ang aking mga kalamnan. Mula roo'y sinubukan kong humakbang. Isang yapak pa lamang ang nagagawa ko'y natagpuan ko na ang sarili ko sa kabilang dako ng gubat, malayo sa mga taong humahabol sa akin. Napangisi ako. Mabuti naman at hindi nawala ang lahat ng kapangyarihan ko.

Hindi ko pa kakayaning gumawa ng himala sa ngayon. Alam kong hindi nila ako paniniwalaan kung hindi ako makapagpapakita sa kanila ng isang milagro. Iyon naman ang inaasahan sa akin ng mga tao, at iyon lamang naman ang dahilan kung kaya't sila'y nagdarasal. Sa tuwing hindi ko nasasagot ang kanilang mga panalangi'y lumalayo ang kanilang loob sa akin. Hindi marunong umunawa ang mga tao na akin lamang isinasaalang-alang ang kanilang kapakanan. Ang mga dalangin ay aking tinutupad lamang kung ito'y nakatadhana. Hindi ko kailanman pahihintulutan ang sinuman na mapahamak sa pagsagot ko sa kanilang panalangin na hindi nararapat para sa kanila.

Bahala NaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon