Kabanata 2

33 2 0
                                    

MGA SILAGAN

ᜊᜆ᜔ᜑᜎ

Isang malakas na irit ang pinakawalan ng silagan bago tumalon pababa sa akin. Nakaangil ito at tumutulo pa mula sa bibig ang dugo na hindi ko alam kung saan nanggaling.

Isang ingit ang narinig ko mula sa isang sulok. Mabilis kong inilibot ang mga mata ko upang hanapin ang pinagmumulan ng tunog. Nasisigurado kong isa itong biktima ng silagang kaharap ko.

Sa kabilang dako, kung saan patay ang sindi ng isang kahoy, ay nakahiga ang isang babaeng animo'y hirap na hirap nang huminga. Nanginginig ito habang nakatingin sa tiyan nitong bukas at dinadaluyan ng masaganang dugo. Malalim ang kulay itim sa ilalim ng mga mata nito at ang pisngi'y puno ng mga luhang natuyo.

Kaawa-awa ang sinapit ng babaeng biktima nito, ngunit hindi pa ito namamatay. Marahil ay hindi pa tuluyang nakukuha ng halimaw ang kanyang pakay...ang atay ng biktima niyang nakasuot ng kulay puting pang-itaas. Sa palagay ko'y hindi na rin tatagal ang buhay nito dahil sa dami ng dugo sa sahig.

Hinarap ko ang kalaban ko dahil kinakailangan ko nang gamutin ang babae sa lalong madaling panahon. Kung hindi, nasisigurado kong hindi ito matatanggap ng aking konsensya. Ni hindi ko nga alam kung ito ba'y nasa kanyang kapalaran, kaya't anumang mangyari, kinakailangan niyang mabuhay.

Sumugod papunta sa akin ang silagan habang nakatutok sa akin ang matatalim nitong kuko. Nang makalapit siya ay tinangka niya akong hiwain gamit ang mga kuko niya na parang isang papel ngunti mabilis lamang akong nakailag. Masasabi kong mahina lamang ang silagang ito dahil wala pa siyang pakpak. Mabagal din ang pagkilos nito kumapara sa mga malalakas na kauri niya.

Nang makalapit sa akin ang isang kamay niya ay hinawakan ko ang pulsuhan niya't hinigit siya nang malakas. Matapos nito'y itinuon ko ang pwersa sa isa kong kamao at sinuntok nang malakas ang halimaw sa tiyan. Napaubo naman ito't mas lalong naging masama ang tingin sa akin. Sinuntok ko siyang muli sa tiyan at hinawakan sa leeg. Hinigpitan ko ang pagkakakapit sa kanya at nang masigurado kong hindi siya makakawala sa aking pagkakahawak ay tumalon ako. Nang lumapat ang tuhod ko sa lupa ay malakas na tumama ang katawan ng silagan sa sahig, dahilan para mapasigaw ito nang malakas. Madirinig ang pagkabali ng ilang buto niya sa katawan. Napaubo ang aking kalaban dahil sa pwersa ng pagtama ng likod niya sa sahig, at mula sa bibig niya'y mayroong dugong nagsimulang umagos.

Makalipas ang ilang sandali, hindi ko na naramdaman sa aking mga daliri ang pintig ng pulso sa leeg niya kaya't binitawan ko na siya.

Sa kabilang sulok ay narinig kong muli ang pagdaing ng biktima ng silagan. Kailangan ko na siyang magamot sa lalong madaling panahon—

Hindi pa man ako nakakahakbang ay naramdaman ko ang pagtaas ng balahibo ko dahil sa dami ng maitim na presensyang nadama ko sa aking likuran. Nasisigurado kong sa mga sandaling ito ay mayroon akong pitong kalaban na kasama rito sa kwebang ito.

Nang lumingon ako'y nakita ko ang mga pangil nilang nagngingitngit sa galit habang nakatingin sa kasamahan nilang nakahandusay sa sahig. Maya-maya pa ay mas masama na ang tingin nila sa suot kong damit na ngayon ay bahagyang nagliliwanag na.

Walang anu-ano'y bumulusok papunta sa akin ang mga pitong kalabang handa nang ako ay sakmalin. Naglalaway ang mga ito na tila mga asong nauulol. Unang umatake sa akin ang isang babaeng kakaunti na ang buhok at mayroong madidilaw na mga ngipin. Lumundag ako nang magtangka itong ako'y sipain. Kasunod niya ay mataas na lumundag ang tatlo pang silagan at sabay-sabay na sumakmal sa akin. Umatras ako ng tatlong hakbang at tumalon kasabay ng paglapat ng paa nila sa lupa. Itinuon kong muli sa kamao ko ang pwersa at nang bumagsak ako sa sahig ay buong-lakas ko itong isinuntok sa lupa. Nagkaroon ng isang malakas na pwersa nang magtama ang aking kamao at ang sahig, dahilan para mapatalsik ang apat na kalabang malaput sa akin.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 04, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Bahala NaWhere stories live. Discover now