Chapter Four *

32.2K 884 38
                                    

DUMILAT si Charry. Puting-puti ang pintura ng kuwartong kinaroroonan niya. Hindi na niya kailangang ilibot pa ang mga mata sa apat na sulok ng kuwarto para mahulaan na nasa isang hospital room siya. Marahas siyang napabangon nang maalala ang nangyari noong nakalipas na gabi.

Nanlalabo ang kanyang paningin pero alam niyang may mga dumating na tulong matapos bumangga ang sinasakyan niyang kotse sa katawan ng malaking puno. Buhay siya. Pero ano ang nangyari sa babaeng tumulong sa kanyang makatakas? Bago siya mawalan ng malay ay nakita niya ang tila paghugot nito ng huling hininga.

Natutop ni Charry ang nananakit na ulo. Gusto niyang isiping masamang panaginip lang ang lahat. Pero totoo ang mga sugat at galos sa kanyang hita at bisig. Dinama niya ang ulong may benda.

Ipinikit niya nang mariin ang mga mata. Nasa ganoon siyang ayos nang bumukas ang pinto ng kuwarto at iniluwa niyon si Jiso.

"Charry..."

Naguguluhang napatitig siya sa kaibigan sa kabila ng relief na nararamdaman. "Jiso?"

Naupo ito sa gilid ng kama. "Okay ka lang ba? Dalawang araw ka na dito sa ospital."

"D-dalawang araw? N-nahuli ba ng mga pulis ang mga kidnapper?"

Umiling ito. "Dito ka dinala ng truck driver. Siya 'yong nakakita no'ng bumangga ang kotseng sinasakyan n'yo ng babaeng kasama mo."

"A-at ang mga kidnapper?"

"Nakatakas sila bago pa man makalapit ang driver at pahinanteng tumulong sa inyo, Charry."

"S-si Trish... Nasaan siya?"

Lumunok ang kaibigan. "Ang balita namin, sa susunod na araw na ang libing niya."

Natutop ni Charry ang bibig. Nanlalambot na napasandal siya sa headboard ng hospital bed. "K-kasalanan ko kung bakit siya namatay, Jiso. Kung hindi ako tumakbo sa kanya para humingi ng tulong..."

Nilapitan siya ni Jiso, inalo. "Hindi mo ginusto ang nangyari, Charry. Ang may kasalanan ay ang mga taong gustong kumidnap sa 'yo."

Kumalas siya sa yakap ng kaibigan pagkaraan ng ilang saglit. Nagpumilit siyang bumangon pero pinipigilan siya nito. "Kailangan kong pumunta sa mga pulis. Kailangang pagbayaran ni Silver at ng mga tauhan niya ang ginawa niya sa 'kin at ang pagkamatay ni Trish."

Hindi ito kumibo.

"Jiso, please. Ito na lang ang puwede kong gawin, ang bigyan siya ng hustisya."

"Huwag na huwag mong maiisipang magsumbong sa mga pulis, Charry," sabi ng isang boses-babae. Lumapit ito sa kanila.

"Carla..." Ano ang ginagawa nito roon? Was she worried about her kaya ito napasugod sa ospital? Naguguluhan siya. Kumunot ang kanyang noo. Gusto ba nitong pagtakpan niya si Silver Hidalgo? "Ano'ng gusto mong gawin ko? Hayaang maabsuwelto ang mga kriminal habang kinakain ako ng sarili kong konsiyensiya? Gano'n ba, Carla?"

"Walang nakakaalam kung ano ang totoong nangyari, Charry. Puwede kang manahimik kung gusto mo."

Hindi makapaniwalang napatitig siya sa kapatid. "Kagaya ba 'yan ng ginawa mong pananahimik habang hindi ko alam kung paano ko bubuhayin ang sarili ko at si Nanay?"

"Charry..." awat sa kanya ni Jiso.

Mapakla siyang ngumiti, hindi pinansin ang pagsita ni Jiso. "Tutulungan mo ba 'ko? Hindi ka na ba natatakot na malaman ng mga tao na may iresponsableng tatay si Carla Rivers? Na may nanay kang mahina at may kapatid kang naghihirap?"

Bumuntong-hininga si Carla, hindi pinansin ang sinabi niya. "Kilala ko si Silver, Charry. Hindi siya titigil..."

Napamaang siya. Nagtutubig ang mga mata pero tumalim ang tingin niya. "Alam mo? Alam mo na siya ang may gawa nito?" hindi makapaniwalang tanong niya.

Men in Tux 1 : Falling For Mr Cruel (Wattys 2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon