Chapter 5

1.4K 46 12
                                    

Pagkarating namin sa dorm ni Gela, agad naman niyang ipinahiram sa akin 'yung kinakailangan ko. Matapos iyon, naupo na muna kami sa higaan niya at nagkuwentuhan.

Apat sila rito sa isang kuwarto. Dalawang double deck ang matatagpuan sa silid na higaan nila, sakto lang para sa kanilang apat 'yung kuwarto't hindi naman masikip. Wala 'yung tatlo niyang kasama rito, marahil ay may klase pa.

"Mga bes, naalala n'yo pa ba noong first day of school natin?" bungad ni Rosanna pagkasampa sa higaan. Sumandal siya sa pader at niyakap ang stuff toy ni Gela na tweety bird.

"Oo naman, iyon ang araw na naging magkakaibigan tayo," saad ko. Tinanggal ko ang bag ko't sumampa na rin do'n.

"Hindi lang iyon, 'yon din ang araw na kung saan ay parepareho tayong naligaw at ibang silid ang napuntahan kaya na-late tayo sa unang klase natin," gunita ni Gela. Tumabi siya sa amin habang may hinahalungkat sa loob ng bag niya.

Naalala ko na naman ang unang araw na nakilala ko sila...

---

Palinga-linga ako sa paligid habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng dumadaan sa aking harapan. Limang minuto na lang ang natitira pero wala pa 'yung prof namin, nakasarado pa ang aming silid kaya nakatayo lang ako sa harapan ng bukana nito.

Madali lang naman mawari kung old student na o freshmen ang isang mag-aaral. 'Yung mga dati ng mag-aaral sa Unibersidad, required silang pumasok na nakauniporme na sa unang araw pa lang habang kaming mga bago pa lang ay okay lang na naka-civilian.

"Hay naku, lagkit na lagkit na ako rito pero wala pa rin ang prof namin. Hihintayin ko pa yatang tumirik ang mata ko bago siya dumating," litaniya ng isang babae sa 'di kalayuan. Nakahalukipkip siya at nakasandal sa may pasilyo habang nagpapaypay. Tila ba init na init siya dahil tagaktak na ang kaniyang pawis.

Hindi ko alam kung lalapitan ko siya pero mukha namang magiging kaklase ko siya. Inoobserbahan ko siya at mukha naman siyang mabait. Sampung minuto na ang lumipas pero wala pa rin ang prof namin. Dahil do'n, naglakas-loob na akong lapitan 'yung babae kanina.

"Hello, sa tingin ko'y magkaklase tayo. Juness nga pala," bungad ko sa babae pagkalapit ko. Inilahad ko ang aking kanang kamay para makipag-shake hands. Nakatingin lang siya sa akin at tila ba sinisipat ako mula ulo hanggang paa.

"Nice, hindi na 'ko mag-isa. Rosanna nga pala," aniya habang nakangiti sa akin. Aabutin na sana niya ang kamay ko kaso may tumulong pawis sa kaniyang mukha kaya naman pinunasan niya muna iyon gamit ang kaniyang kamay bago nakipag-shake hands sa akin.

Napangiwi ako halos dahil kumapit sa kamay ko ang lagkit ng kaniyang pawis. Hindi ko na lang ipinakita iyon sa kaniya.

"Yellow plain t-shirt, fit na pants at puting doll shoes... puwede na," sambit ni Rosanna matapos akong inspeksiyunin muli.

"Salamat hehe," ani ko. Ako naman ang sunod na kumilatis sa kaniya.

"Puting polo shirt, kaki na pants, puting rubber shoes at puting clip sa kaniyang buhok... not bad," saad ko.

"Iyan ang gusto ko sa isang kaibigan, kayang makipagsabayan sa trip ko. Tingin ko, magkakasundo tayo," aniya sabay apir sa akin. Hindi ko in-expect na ganoon ang itutugon niya sa akin.

"Haba ng buhok mo, girl. Malapit nang umabot sa beywang mo," dugtong pa niya habang hinahaplos ang aking buhok.

"Oo nga, e," tugon ko. Hinawakan ko rin ang kaniyang buhok na hanggang hindi lalagpas sa kaniyang balikat.

In the Dark NightWhere stories live. Discover now