MAXPEIN MOON : PART 3

526K 22.4K 24.5K
                                    

MAXPEIN ZIN DEL VALLE - MOON

"KAUNTI PA..." bulong ko sa sarili matapos lapitan ang tudla at makitang hindi pa rin ako tumama.

Nasa labinlimang metro ang layo ko roon. Sa sampu kong palaso, wala man lang ni isang nagtagumpay. Iyon na ang ikatlong araw na bumabangon ako nang mas maaga kaysa sa lahat upang simulang mag-ensayo nang mag-isa. Paulit-ulit kong ineensayo ang paggamit ng pana at ang pulang tudla ang aking pinupuntirya. Sa ilang araw kong pag-eensayo, hindi man lang ako ni minsang tumama sa tigpo.

Pero hindi ko magawang panghinaan ng loob. Hindi man lang ako nadidismaya sa aking sarili. Kahit pa paulit-ulit akong sumablay ay hindi ko magawang sumuko. May kung ano sa aking nagsasabing kung hindi ako titigil sa pag-eensayo ngayon, bukas o sa susunod pang araw ay tatamaan ko na ang tigpo. Na wala na ni isang palaso ko ang sasablay sa tudlaan. Na kahit nakapikit ay kaya ko na iyong tamaan.

"Ganiyan nga, Moon. Patayin mo ang iyong sarili sa pagsasanay," bigla ay nangibabaw ang tinig ng pangunahing lalaking rango sa aking likuran.

Nahinto ako sa pag-asinta upang lingunin siya. Parehong nasa likuran ang kaniyang kamay at nakangising naglalakad papalapit sa akin. Sinulyapan niya ang tigpo saka ako muling tiningnan. Matapos niyon ay pinagtawanan niya ang nagkalat kong palaso.

"Malayong-malayo ka pa sa proseso, alam mo ba iyon?" tanong niya. Nagbaba lamang ako ng tingin sa mga kamay kong nangingitim sa dumi at natuyuan na ng dugo. "Maski sa unang hakbang papasok doon ay hindi ka makatatagal panigurado. Huwag mong maliitin ang pagiging rango."

"Hindi ko po minamaliit ang pagiging rango," inosenteng sagot ko. "Ang totoo po ay gustong-gusto kong paghusayan upang maabot iyon. Gusto ko pong maging kasing-husay ninyo, pangunahing rango."

Umangat ang gilid ng kaniyang labi habang nakatitig sa akin. Saka siya humalakhak sa himig na para bang bilib na bilib sa aking sinabi. "Nais mong maging gaya ng pangunahinang lalaking rangomasyadong mataas ang pangarap mo, Moon!" Nagpatuloy siya sa paghalakhak matapos sabihin iyon.

"Opo!" taas-noong sagot ko. Nanlaki ang mga mata niya sa pagkabilib sa sarili. "Isa po kayo sa mga tinitingala kong rango."

"Talaga? Isa lamang ako, bakit? Sino ang iba pang tinitingala mo, Moon?"

"Syempre, iyon pong mas magaling sa inyo. Ang lola ko."

Awtomatikong nawala ang nagmamalaking ngisi sa kaniyang labi. Sumeryoso ang kaniyang mukha. "Hukom ang lola mo. Natural lang na mas magaling siya sa pangunahing rango lamang na tulad ko."

"Mm!" agad na tugon ko. "Ngunit kahit po hindi siya maging hukom ay siguradong mas mahusay pa rin po siya sa inyo. Hindi po ba?"

Napakislot ako nang magsalubong ang mga kilay niya at mag-igting ang bagang. "Huwag mo sabihing pangarap mo ring maging hukom?"

Natigilan ako sa tanong niyang iyon. Ang mura kong isip ay agad na nagtanong kung ano ba ang mga ginagawa ng hukom. Bigla ay pumasok sa isip ko ang magandang ngiti ng aking lola.

Siguro ay hindi naman mahirap ang pagiging hukom sapagkat maganda kung ngumiti ang aking lola. Iyon nga lang, kaunti ang tulog niya. "Opo!" maagap kong sagot.

"Kung ganoon ay bakit masyado kang mahina?" nakangisi na naman niyang tanong. Hindi ko nagawang sumagot sa pagkapahiya at pagkabigla. "Bakit sa halip na maging malakas ay tila ang pagiging mahina ang sinasanay mo, Moon?"

Hindi ko pa rin nagawang sumagot. Napaatras ako nang magsimulang maglakad ang pangunahing lalaking rango papunta sa gawi ko. Ang mga kamay niya ay nananatili sa likuran. Ngunit may kung ano sa kaniyang tingin na nakapagpapakaba sa akin. Mula ulo hanggang paa kung tingnan niya ako. Pakiramdam ko ay noon niya lang ginawa iyon.

MOONOù les histoires vivent. Découvrez maintenant