MAXPEIN MOON : PART 9

656K 26K 41.9K
                                    

"NGAYONG GABI ay dito tayo sa labas ng silong maghahapunan!" isang gabi ay anunsyo ng pangunahing lalaking rango.

Natigilan kaming lahat at nagkakamot ng ulong tumingala sa kaniya. Agad akong nag-iwas ng tingin nang mahagip nito ang paningin ko. Hindi na 'ko naging kampante pa sa pangunahing lalaking rango. Hindi na ako komportable sa presensya niya. Sa t'wing papalapit na ito ay awtomatikong gumagawa ng paraan ang katawan ko upang makaiwas.

Hindi ko alam kung napapansin iyon ng pangunahing lalaking rango ngunit hindi ko iyon alintana. Kung pwede nga lang hilinging paalisin ito ay ginawa ko na. Walang laban ang isang tulad sa mataas nitong posisyon.

"Dalhin ninyo rito ang mga sanga ng kahoy at magpaningas kayo ng apoy," utos pa ng pangunahing lalaking rango sa mga tagapag-ensayong rango. Muli itong sumulyap sa gawi ko. Awtomatiko uli akong nag-iwas.

Hinanap ko si Bitgaram. Hindi ako kampante kapag wala siya. Pakiramdam ko ay hindi ako ligtas sa t'wing hindi ko ito nakakasama. Kakaiba ang takot ko kapag wala si Bitgaram at naroon ang pangunahing lalaking rango.

"Ihain na ninyo ang pinirito at sinabawang kambing," mayamaya'y utos naman nito kina Gil Yong at Jinsu, agad na sumunod ang mga ito. Ilang beses silang naglabas-masok sa silong sa dami ng kailangang ihain.

Gusto kong manibago sapagkat isa iyon sa madalas na iutos ng pangunahing lalaking rango sa akin noon, ang maghain. Ngunit mula nang magsimula ang ensayong ito na para sa mga lalaki ay hindi pa ako inutusan nitong maghain maski na isang beses. Kunsabagay, para sa mga lalaki ang ensayong ito at nakisali lang ako. Hindi nga naman maganda kung magmukha akong taga-silbi nila.

Gaya ng sinabi ng pangunahing lalaking rango ay sa labas ng silong kami naghapunan. Habang papadilim palang ang langit, sa harap nang nagniningas na apoy at punong kahoy. Palibhasa'y nagsisimula nang lumamig ang ihip ng hangin sa gabi ay masarap sa pakiramdam ang init. Hindi ko nga lang alam kung ano ang aking mararamdaman. Kung hindi dahil sa gutom ay mas gugustuhin kong magpahinga na lamang sa silong ko. Hindi ako komportable kung nasaan ako.

Hinintay kong matapos na kumuha ng makakain ang aking mga kasamahan bago ako lumapit sa mesa. Muli akong luminga upang hanapin si Bitgaram pero bigo pa rin ako. Saan kaya naroon ito? Mula pa nang umaga ay hindi ko na ito nakita.

"Bakit hindi ka pa kumuha ng makakain, Moon?" Hindi ko naramdaman ang paglapit ng pangunahing lalaking rango tuloy ay nabitawan ko ang mangkok.

Ngunit bago pa man iyon mahulog sa mismong paanan ko ay may kamay nang sumalo roon. Nang mag-angat ako ng tingin ay 'ayun na si Bitgaram sa aking harapan. Siya ang sumalo ng mangkok. Hindi ko naitago ang tuwa na makita siya kahit pa hindi ko man lang namalayan ang paglapit niya. Wala namang mababasang reaksyon sa kaniyang mukha. Gayunman ay totoong masaya ako. Pakiramdam ko ay noon lang ako nakahinga sa buong magdamag.

"Ikukuha kita ng makakain," ani Bitgaram. Kinuha niya ang braso ko at itinabi sa kabilang gawi niya, papalayo sa pangunahing lalaking rango.

Batid kong inilalayo ako ni Bitgaram sa pangunahing lalaking rango. Hindi ko ikinatatakot ang bagay na iyon. Sa halip ay nagpapasalamat pa akong nauunawaan ni Bitgaram ang takot na aking nararamdaman. Ayaw ko ng kahit anong interaksyon sa pangunahing lalaking rango. At nakatutulong sa akin ang ginagawa ni Bitgaram. Hindi ko maramdamang mag-isa ako sa delikadong parang.

"Mabuti naman at nagising ka na, 'Garam," anang pangunahing lalaking rango. "Akala ko ay hindi ka makasasabay maghapunan sa amin." Napamaang ako. Kung ganoon ay natutulog pala ito?

MOONWhere stories live. Discover now