49

1.5K 92 23
                                    

"SAAN ka pupunta?" pansin ni Anton kay Jairus na bagong paligo at bihis na bihis.

"Magkikita kami ni Frank. Alangan namang kayo lang ni Jason ang masaya. Dapat, ako rin," nagmamagandang sabi ng hitad.

Natawa na lang si Anton. "O,  siya mag-iingat ka.  Push mo na 'yan,  'teh! Alam mo namang matagal ko nang wish ang kaligayahan mo.

"Maraming salamat, best friend. Ikaw ang principal sponsor sa kasal namin, ha?"

"Kasal agad? Hindi mo pa nga boyfriend."

"Malapit na, best friend. Sisiguruhin kong magiging boyfriend ko si Frank," nakangiting sabi ni Jairus. "Babush!" At lumakad na nga ito papalabas ng pinto. Hinatid pa ni Anton ng tingin ang kaibigan. Totoong masaya siya para rito. At sana nga ay maging masaya na rin ang lovelife nito.

"Sana mapasaya na rin kita..." Nagulat pa si Anton nang marinig ang boses ni Jason mula sa likuran. Napalingon siya rito.

"Gising ka na pala... Kumain ka na. May pagkain sa mesa sa kusina," aniya.

Lumapit sa kanya si Jason na parang walang narinig. Tumabi ito sa kinauupuan niya. "Okay na ba tayo?"

Muntik na siyang matawa. Alangan namang pagkatapos ng nangyari sa kanila kagabi ay sasagot siyang hindi pa sila okay. Ano pala 'yung nangyari sa kanila, libog lang?

Marahan siyang tumango. Nagliwanag ang mukha ni Jason at bigla siyang niyakap.

"Maraming salamat..." Mas lalo pang hinigpitan nito ang pagkakayakap sa kanya. "Promise, hinding-hindi na kita sasaktan pang muli."

Noon tumunog ang cellphone ni Anton.

"Teka, may tumatawag. Sasagutin ko lang..." Kumawala siya sa pagkakayakap ng nobyo.

Numero lang ang nakarehistro sa telepono. Sino kaya ito?

Magsasalita pa lang sana siya pero naunahan na siya ng nasa kabilang linya. "Ikaw na ang susunod kay Yuri!"

"Sino 'to?" tanong niya sa tumawag. "Hello?" Narinig niyang naputol na ang linya. "Hello!"

"Sino 'yan?" tanong ni Jason.

"Ewan ko. Siraulo yata," sagot niya. "Walang magawa." Nagkibit lang siya ng balikat. Ang mga ganitong bagay ay hindi sineseryoso.

Pero binanggit ng tumawag ang isang pangalang pamilyar sa kanya. Si Yuri. Siya na raw ang susunod kay Yuri?

Bakit? Anong nangyari kay Yuri?

Biglang kinabahan si Anton. Isang tao lang ang naisip niyang posibleng makasagot sa tanong niya. Walang iba kundi ang taong nakatira rin sa parehong gusali kung saan nakatira si Yuri.

Si Carlo.

Agad niyang idinayal ang numero ng dating boyfriend. Narinig niyang nag-ring ang telepono nito. Isa. Dalawa. Tatlong ring. Apat...

Bago matapos ang ikalimang pag-ring ng telepono ay narinig na niya ang boses ni Carlo. "Anton..."

Bakit matamlay yata ang boses nito? "Carlo, nasaan ka? Nasa apartment ka ba? Pakitingnan mo naman kung nandoon si Yuri, please."

"Nandito ako sa ospital. Isinugod ko si Yuri.  Binaril siya ni Shelley."

"Si Shelley...  Si Shelley 'yung tumawag!"

"Ano? Tinawagan ka ni Shelley?" Bigla ang pagbangon ng kaba sa dibdib ni Carlo. "Anong sabi niya sa'yo?"

"Sabi niya,  ako na raw ang susunod kay Yuri.  Kaya nga kita tinawagan. Inisip kong baka may nangyaring hindi maganda kay Yuri. Alam mo kahit naman gago ang taong iyon,  hindi ko naman ipagdadasal ang kapahamakan niya."

"Agaw-buhay siya ngayon. Nasa operating room pa rin," pagbabalita ni Carlo.

"Sana maligtasan niya 'yan.  At sana'y pagbayaran ni Shelley sa batas ang ginawa niya."

"Mag-iingat ka, Anton. Baka may binabalak ding masama sa'yo si Shelley. Kilala ko ang takbo ng utak ng baklang 'yon. Gagawin niya kahit ano, makuha lang niya ang gusto niya. Basta,  mag-iingat ka."

"Salamat, Carlo. Balitaan mo na lang ako mamaya ng tungkol sa kalagayan ni Yuri."

"Anong sabi ni Carlo?" tanong ni Jason pagkababa niya ng cellphone.

"Si Shelley,  iyong baklang ipinalit sa akin ni Carlo,  tumawag. Nagbabanta. Binaril niya si Yuri,  ang kaibigan niyang inutusan niya para kaibiganin ako. Ngayon,  ako naman ang pinagbabantaan ng Shelley na 'yon."

"Gusto mo bang ipa-blotter?  Sasamahan kita sa presinto."

Umiling si Anton. "Huwag na. Mag-iingat na lang ako. Kaya ko naman sigurong ipagtanggol ang sarili ko sa kanya."

NASA bahay niya si Shelley at hindi ito mapakali. Kanina pa siya paikot-ikot sa loob ng kanyang silid habang nakasuot ng pink na roba at humihithit ng sigarilyo. Nagkalat na nga sa sahig ng kuwarto ang mga upos at abo. Halatang aburido ang bakla at natutuliro. Hindi siya mapakali at halata ang tensyon sa kanyang mukha.

"Buwisit ka, Yuri! Ang tanga-tanga mo!" Ibinato niya ang sigarilyo sa sahig at mariin itong tinapakan. "Hindi naman kita babarilin, eh. Kung sana pumayag ka lang sa gusto ko."

Dinukot ni Shelley ang kaha ng sigarilyo at lighter sa bulsa ng roba at muling nagsindi ng isa. Hinithit niya iyon na parang wala nang bukas pa. Tapos ay madilim ang mukhang ibinuga ang usok. Humarap siya sa tokador na pantay-tao ang taas at pinagmasdan ang kanyang kabuuan sa repleksyon sa salamin. Mamaya pa ay unti-unti siyang humagulgol sa labis na pighati at kalungkutan. Kalungkutang dala ng hindi natuloy niyang balak kay Yuri? O kalungkutang dala ng kabiguan niya sa buhay?

Tuloy-tuloy sa pagluha si Shelley, pero makalipas lang ang ilang minuto ay muli itong tumitig sa sariling repleksyon sa salamin. Pagkatapos ay unti-unti siyang ngumiti. Ngiti na naging mahinang hagikgik, hanggang sa maging isang malakas na tawa na nauwi sa isang malutong na halakhak. Salitan ang ginawa niyang pag-iyak at paghalakhak na tila ba nawala na sa kanyang katinuan. Sa huli, humahagulgol siyang napaluhod hanggang sa tuluyang mapasalampak na sa sahig.

KINAGABIHAN ay dumalaw sina Anton at Jason sa ospital kung saan nakaratay si Yuri. Naabutan nilang nasa loob ng ICU si Carlo at binabantayan ang walang malay pa ring pasyente.

"Kumusta ang pasyente mo?" bating tanong ni Anton sa lalaki. 

"Eto, nahagip ng bala ang lungs niya kaya ilang oras din siyang nasa operating room. Pero successful naman ang operasyon, sabi ng doktor. Mabuti na lang daw at naisugod agad siya rito sa ospital. Hopefully, magkamalay na siya mamaya."

"Hindi ko alam na close kayo ni Yuri," panunukso ni Anton. Si Jason naman ay nakikinig lang.

"Hindi, ah! Ako lang kasi ang nandoon noong nabaril siya. Kahit sino naman siguro, gagawin din ang ginawa ko. Tutulong sa abot ng makakaya."

"Alam na ba ng pamilya niya na nandito siya sa ospital?" tanong ni Jason.

"Malay ko ba kung may pamilya 'yan. Ang alam ko lang, barkada siya ni Shelley. Maliban doon, wala na akong iba pang alam sa kanya," pahayag pa ni Carlo.

"Sa phone niya! Siguradong may contact number doon ang mga magulang niya o mga kapatid kaya," bulalas ni Anton.

"Pupunta ako sa apartment niya kapag nagkamalay na siya. O kaya naman, siya na mismo ang tanungin natin kung sino ang puwedeng kontakin. Papakahirap pa tayo, makakausap naman siguro siya paggising niya."

"Si Shelley, nahuli na ba siya?" muling tanong ni Anton.

"May mga pulis na nagpunta rito kanina. Kinuhaan na nila ako ng statement. Sinabi ko na rin sa kanila ang kumpletong address ni Shelley. Sana, mahuli na agad ang hayup na baklang 'yon. Kilala ko si Shelley, hindi iyon titigil hanggang hindi nagagawa at nakukuha ang mga gusto niya," deklara ni Carlo. "Kaya mag-iingat ka, Anton," paalala niya. "Kung ganyang tinawagan ka niya at pinagbantaan, malamang na pinaplano na niya kung ano ang gagawin sa'yo."

Beinte-uno KuwarentaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon