Prologue - Isla ng mga Unggoy

465 30 5
                                    

                    Sa mundo ng pantasya, lahat ay posible. Doon, ang imposible ay posible; ang pangarap ay natutupad; ang inaakalang hindi mangyayari ay nangyayari; ang hindi kapani-paniwalang kuwento ay nagiging totoo.  Ang bida ay nagiging hero.


                   The Legend of IKING, 2018


                   ********

                    Pumapalaot ang tatlong mangingisda sa dagat nang biglang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon.  Dinuyan ng alon ang kanilang bangka sa iba't-ibang direksiyon hanggang sa mawalan na sila ng kontrol sa kanilang sinasakyan.  Napakalakas ng hampas ng tubig na halos wala na silang makita o matanaw.

                    Ang paglalayag nila sa malawak na karagatan ay walang kasiguraduhan ang patutunguhan, hanggang sa sumadsad ang kanilang bangka sa lupa. Napadpad sila sa dalampasigan ng isang isla. Ligtas na sila!

                   Pagbaba ng tatlong mangingisda sa kanilang bangka, mabilis na nagbago ang panahon.  Huminto ang ulan.  Humina ang hangin.  Dahan-dahang naging payapa ang dagat. Nahawi ang makapal at maitim na ulap.  Lumabas ang araw.  Lumiwanag ang paligid.

                   Napanganga ang tatlong mangingisda.  Lumaki ang kanilang mga mata nang kumislap ang paligid nila.  Hindi sila makapaniwala na ang kayamanang hinahangad ng iba ay nakapaligid at inaapakan lang nila.

                   Nakakalat ang mga mamahaling batong kristal (precious at semi-precious) at mga ginto na biglang nabuhay ang ganda at kinang nang lumiwanag ang paligid. Bumulaga ang yaman at ganda ng isla.

                   Nabuhay ang dugo ng tatlong mangingisda.  Nangibabaw ang ganid na isip nila. Nakapaligid sa kanila ang kayamanan na hindi na nila paghihirapan pa.  Mamumulot na lang sila.

                   Ganun nga ang kanilang ginawa.  Namulot sila nang namulot hanggang kaya. Naghuhumiyaw pa sila sa sobrang saya.  Sigaw nila, sila ang nakadiskubre sa isla!

                   Mali sila ng kanilang akala.

                   Nabigla ang tatlong mangingisda nang lumabas mula sa mga puno ang napakaraming unggoy at nagtipon-tipon sa tabing dagat na parang mga sundalo.  Limang daan.  Isang libo.  Mahigit isang libo.  Ang tantiya nilang bilang.  Isang unggoy ang umabante at humarap sa kanila.

                   Kapansin-pansin ang pagkakaiba ng unggoy na ito kumpara sa karamihan.  Siya ang pinakamatangkad.  Iba ang kulay ng kanyang balahibo at balat.  Mamula-mula ang kanyang balat.  Ang kanyang balahibo ay mahaba, magulo at kulay ginto, na pinakintab ng sinag ng araw.  Ang kanyang mga mata ay mapula na parang nagbabaga.. May isa pa siyang katangian na talaga namang ikinagulat ng tatlong mangingisda.  Siya ay nagsasalita na parang tumutula!

                  'Ang unggoy ay sa Unggoy. Ang tao ay sa Tao.

                   Ang islang ito ay sa amin at hindi sa inyo.

                   Kami ay mga Unggoy at kayo ay Tao.

                  Tahimik kaming namumuhay dito.

                   Kaya kung ako sa inyo, umalis na kayo!'

                   Pagkatapos niyang magsalita, nahati ang napakaraming unggoy hanggang sa magkaroon ng daan ang mga mangingisda papunta sa kanilang bangka.

                  Sa takot, kumaripas ng takbo ang tatlong tao papunta sa kanilang bangka.  Wala silang nadala kahit anumang bagay mula sa isla.

                  Sila ang unang taong nakatungtong sa Isla ng mga Unggoy.

                   Ang Isla ng mga Unggoy ay isang isla kung saan ang mga unggoy doon ay nagsasalita at namumuhay katulad ng tao.  Hindi ito isla para sa kanila,  kundi kanilang mundo.

                  Walang sinuman o anuman ang makapagsasabi o makapagtuturo kung saan ang eksaktong lokasyon ng islang ito.  Pero dahil sa nangyari,  galit na ang Pinunong Engkanto ng Isla,

                 'Panahon!  Ang panahon ang may kasalanan ng lahat ng ito!  Bakit ba dinadala niya ang tao sa mundo natin?  Gusto ba talaga niya ng gulo?!'  

  

The Legend of IKING | Fantasy - AdventureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon