PROLOGUE

14.5K 502 112
                                    

I feel other people's pain. Literally.

Natatandaan ko pa iyong unang beses kong napagtanto na merong kakaiba sa akin. Anim na taong gulang ako noong magkaroon ng alagang aso. Mahilig siyang maglilikot at magtatakbo kung saan-saan kaya hindi sinasadyang nasagasaan siya ng motorsiklo ng tito ko. Mabuti na lamang at nakita siya agad bago tuluyang nadaanan ng gulong, kaya bali sa paa lang ang tinamo niya.

Nang makita ko ang sitwasyon niya ay naramdaman ko na parang hinila ang binti ko, at kasunod nito ay ang matinding sakit, na para bang pinuputol ang paa ko. Panay ang iyak ko noon kay mama, habang pilit kong ipinapaliwanag sa kanya ang mga nararamdaman ko.

Gusto kong maintindihan niya na may maling nangyayari sa katawan ko, na nararamdaman ko ang anumang nakikita ko mula sa ibang tao.

Pero hindi ako pinansin ni mama. Sabi niya nag-iimbento lang daw ako. Sabi niya masyado lang daw akong imaginative.

Magkakaiba ang mga reaksyon ko sa mga bagay-bagay. Nakikita ko ang mga letra bilang mga kulay, at ang mga numero bilang personalidad ng mga tao. Kapag nakikita ko ang letrang 'S', pula ang nakikita ko. Kapag nababasa ko ang numerong '2', ang agad na pumapasok sa isip ko ay isang malungkot at nanghihinang matandang babae.

Almost everything is tolerable, except for the fact that I can feel what other people can feel physically..

Kapag nakikita ko sila, nararamdaman ko rin ang nararamdaman nila. Kapag inaatake ng rayuma ang lolo ko, nararamdaman ko rin ang sakit ng tuhod niya. Noong nagkaroon ng ulcer si mama, hindi rin ako halos makagalaw at makakain dahil sa sakit na nararamdaman ko.

Dahil sa hirap na nararanasan ko, at dahil na rin sa mga sinasabi ni mama, sinarili ko na lang lahat. Alam kong hindi ako normal, kaya hindi magiging madali para sa akin ang makisalamuha sa ibang tao.

I withdrew myself away from everyone. Hindi ako nakikipagkaibigan, at umiiwas akong mapalapit sa mga tao sa paligid ko. Dahil sa ganoong pag-uugali ko, I was perceived as an easy target for bullying. Dahil doon kaya ilang beses rin akong nagpalipat-lipat ng pinapasukang eskwelahan magmula elementary hanggang high school.

Noong college, kahit papaano ay hindi na ako nabully. Yun nga lang, naging outcast naman ako. Wala akong mga kaibigan, at kinakausap lang ako ng mga tao kapag may kailangan sila sa akin. Pero mabuti na rin iyon, para naman hindi masyadong natitrigger itong kondisyon ko.

Malungkot, pero wala naman akong magagawa eh.

Napabuntong-hininga na lamang ako habang tinitingnan ang repleksyon ko sa salamin. Naaawa na rin ako sa sarili ko. Feeling ko sobrang pathetic ko.

Napailing na lamang ako, bago kinuha ang bag ko at lumabas ng kwarto. Agad akong dumiretso sa kusina para sana mag-almusal, pero nang makita kong kumakain sina mama at papa ay parang nabubusog na rin ako. Nararamdaman ko rin kasi ang pagdaan ng pagkain sa mga lalamunan nila, kaya kahit wala naman akong kinain ay para na ring may laman ang tiyan ko.

Tahimik akong lumabas ng bahay at sumakay sa bisikleta ko para pumunta ng school at mag-enroll. Pwede namang mag-enroll online, pero dahil irregular student ako, may mga dapat akong ayusin nang personal sa faculty namin at pati na rin sa registrar. Wala akong choice kundi ang pumunta sa school.

Pagdating ko sa office ng registrar ay nagkukumpulan ang mga estudyante sa labas ng pinto ng conference room na nasa tabi lamang. Medyo nakakapagtaka lang na nagsisiksikan sila doon, kasi hindi naman iyon ang pila para sa enrollment. Lahat sila ay nagpupumilit na makasilip sa maliit na siwang sa pinto.

Ang OA naman ng mga taong 'to.

 Napailing na lamang ako at dumiretso sa kabilang pinto para asikasuhin ang pag-enroll ko, nang bigla na lamang may lumabas na lalaki mula roon. Mukhang nagmamadali siya kaya hindi sinasadyang nagbanggaan kaming dalawa.

Nang magtama ang mga katawan namin, nawalan ako ng balanse kaya bumagsak ako sa sahig. Hindi naman malakas ang pagkakatama ng likod ko sa sahig, pero nakaramdam pa rin ako ng kakaibang sakit sa katawan ko. Pakiramdam ko ay para akong sinapak. Bigla na lamang sumakit ang kaliwang braso at likod ko, na para bang nabugbog ako. Mahapdi rin ang likod ng mga binti ko, na para bang may mga latay sa balat ko. Napatingin ako sa kanya nang may pagtataka sa mga mata.

Kung ang lahat ng nararamdaman ko noong mga oras na iyon ay ang mismong nararamdaman ng lalaking ito, paano niya nagagawang maglakad at makatayo sa ganoong kondisyon?

Hindi ako makagalaw mula sa kinabagsakan ko. Nanatiling nakapako ang mga mata ko sa mukha niya na walang ekspresyon. Malamig ang mga mata niya na matalim kung tumitig, perpekto ang hugis ng ilong niya, at maputla ang manipis niyang labi. Maputi ang balat niya, na para bang hindi siya nasisinagan ng araw, at ang itim niyang buhok ay bagsak at bahagyang natatakpan ang mga mata niya.

Iniabot niya ang kamay niya sa akin para tulungan akong tumayo.

 "Okay ka lang?" tanong niya.

Nang hawakan ko ang kamay niya, bigla akong nakaramdam ng kirot sa puso ko. Halo-halong emosyon ang sumalanta sa sistema ko nang sabay-sabay. Lungkot, galit, takot.

Gusto kong umiyak. Gusto kong magwala, iuntog ang sarili ko sa pader, at magtatakbo sa kung saan. Lahat ng mga pakiramdam na iyon ay parang malalakas na mga alon ng dagat na humampas sa akin.

Hindi ko mapigilang magtaka dahil hindi nagtatama ang ekspresyon ng mukha niya sa kung ano ang nararamdaman niya ngayon. Malamig lamang siyang nakatingin sa akin, at halatang disinterested siya sa nangyayari. Sa tingin ko ay napilitan lang ata siyang tulungan akong makatayo dahil maraming tao ang nakakakita sa amin noong mga oras na iyon.

Tumitig ako nang direkta sa mga mata niya. "Okay lang ako. Ikaw, okay ka lang?" tanong ko sa kanya. Iba ang ibig kong ipakahulugan sa tanong na iyon.

Tumango lamang siya. Sabagay. Imposible namang maintindihan niya ang ibig kong sabihin sa tanong na iyon.

Pagkatapos noon ay tinalikuran niya na lamang ako na parang walang nangyari. Pero kahit papalayo na siya ay ramdam ko pa rin ang init ng kamay niya na naramdaman ko sa balat ko.

The feelings I reflected from him are still lingering. Hindi ko alam kung sino siya, kung bakit ganoon ang mga nararamdaman niya, at kung paano niya natatago ang mga emosyon sa likod ng blangko at malamig na ekspresyon na iyon.

Habang pinapanood ko siyang maglakad papalayo sa akin, nakaramdam ako ng kung anong mainit sa loob ng puso ko, at unti-unting namuo ang luha mula sa mga mata ko. Halos hindi ko na namalayan ang pag-agos nito mula sa mga mata ko.

Noong mga oras na iyon, gusto kong itanong sa lalaking iyon kung ano ang problema niya, kung ano ang nangyayari sa kanya.

But I'll save those questions next time, kapag nagkita kami ulit.

Kung magkikita kami ulit.

Touching You, Touching Me [✔]Onde as histórias ganham vida. Descobre agora