Prologo

51.7K 1.7K 1.6K
                                    

November 2018

TUMIGIL ang tricycle sa tapat ng isang lumang bahay sa Pacheco Street, Tondo, Manila. Alas-siyete na ng gabi, maraming mga naglalakad sa labas. May mga kalalakihang naglalaro ng basketball sa gitnang kalsada. Tumitigil lang sila kapag may dadaang sasakyan. May mga nag-iinuman sa tapat ng tindahan ng ihaw-ihaw. Ang makapal na usok ay nakakahikayat sa mga tao dahilan upang pumila roon ang ilang kabataan.

Sandaling pinagmasdan ni Sabrina ang lumang bahay na may dalawang palapag. Kapansin-pansin na ilang beses na itong inayos. May mga sinampay na damit na nakasabit sa bintana. May mga pasong goma at bulaklak na hindi pa tumutubo. Anim ang pinto ng bahay, kasalukuyan itong paupahan at dormitoryo. Tatlong pinto sa baba at tatlong pinto sa ikalawang palapag.

Tiningnan ni Sabrina ang hawak na papel. Nakasaad doon na sa unang pinto sa ikalawang palapag nakatira ang may-ari ng itim na tuxedo na pinaayos sa patahian na pinagtatrabahuan niya. Anim na buwan na mula nang maipatayo ni Mrs. Santos ang isang branch ng kaniyang patahian sa Maynila. Maraming parokyano ang tindahan at kilala rin sila sa husay sa pag-aayos ng mga lumang damit.

Nang makalabas sa ospital si Sabrina, nanirahan na siya sa Maynila at nagpatuloy sa pagtatrabaho sa patahian ni Mrs. Santos. Naipagpatuloy na rin niya ang pag-aaral, kumukuha siya ng kursong Elementary Education habang ang nakatatanda niyang kapatid ay nasa ibang bansa.

Umakyat si Sabrina sa hagdan na nasa gilid. Nahirapan siyang makadaan dahil maraming kahon at sirang paso ang nasa labas. Nagkalat din ang iba't ibang gamit tulad ng gulong ng bisikleta, sirang hawla, naputol na upuan, at mga lumang mesa na gawa sa kahoy.

Kumatok si Sabrina sa pinto ngunit walang tumugon. Napansin niya na nakauwang ang pinto. Sumilip siya roon. "Tao po?" Tawag niya ng tatlong beses ngunit walang sumagot. Sinubukan niya ulit kumatok ngunit naitulak niya nang marahan ang pinto dahilan upang marahan itong bumukas.

"Nandito na po ang damit niyo," patuloy ni Sabrina saka humakbang papalapit upang silipin kung may tao sa loob. Madilim ang loob ng bahay. Sinalubong din siya ng amoy na tila binuksan niya ang isang lumang aparador. Maraming mga gamit, may mga manika, malalaking kandila, at kung anu-anong dekorasyon sa dingding.

Humakbang paatras si Sabrina saka kinuha ang kaniyang smartphone. Tinawagan niya si Mrs. Santos. Sa pangatlong ring ay sumagot ito, "Tita, wala atang tao rito sa bahay ni..." kinuha ni Sabrina ang papel at binasa ang pangalan ng may-ari ng damit. "Mildred Lopez."

"Iwan mo na lang sa labas... Ay! Baka umulan. Wala bang puwedeng pag-iwanan diyan?"

Muling sumilip si Sabrina sa loob, "Bukas po 'yong bahay. Feeling ko nandito siya. Baka tulog lang."

"Katukin mo ulit. Kapag wala pa ring sumagot, iwan mo na lang sa loob."

"Okay. Okay, tita!" Ibinaba na ni Sabrina ang tawag saka muling binulsa ang smartphone.

"Tao po? Papasok na po ako ha, iiwan ko lang dito," mas nilakasan niya ang kaniyang boses ngunit wala pa ring sumagot.

Marahang humakbang papasok si Sabrina, patingkayad pa ang kaniyang lakad papasok. Suot niya ang white blouse at skirt na kanilang uniporme. Maingat niyang inilapag ang dalang damit lumang sofa na puno ng mga malalaking kurtina na hindi pa natutupi nang maayos.

Kinuha niya ang phone saka kinuhanan ng litrato ang damit sa sofa. Sa isip niya, mas mabuti na iyon kaysa hanapin sa kaniya ng customer ang pinaayos nitong damit. Dahil sa flash ng camera ay gulat na napalingon si Sabrina sa likod kung saan nakita niya ang paggalaw ng ibon na nasa loob ng hawla.

Kumukurap-kurap ang mapupungay na mata ng loro at tumatagilid ang ulo nito habang nakatingin sa kaniya. Nakasabit ang hawla sa bintana na nakabukas. Napangiti si Sabrina saka naglakad papalapit sa loro, "Hi!" Bati niya ngunit hindi nagsalita ang loro. "Hello?" ulit ni Sabrina sa pag-asang mapapasalita niya ito ngunit nanatiling nakatingin sa kaniya ang ibon.

"Pakisabi sa amo mo na nilagay ko na roon ang pinaayos niyang damit," wika ni Sabrina sabay turo sa sofa, tumingin naman ang loro sa direksyon ng sofa na para bang sinigurado niya na naroon nga ang damit. "Sige, aalis na 'ko." Paalam ni Sabrina.

Palabas na sana siya ng pinto ngunit napatigil siya nang marinig ang musika sag awing kaliwa. Nakita niya ang isang maliit na music box kung saan nagmumula ang musika. Napatulala siya nang makilala ang awiting iyon na isa sa mga paborito niya noon, ang Someday My Prince Will Come.

Animo'y dinadala siya ng musika sa kaniyang pagkabata. Kung saan buhay pa ang kanilang ina at buo pa ang kanilang pamilya. Sa sobrang tagal ay hindi na niya matukoy kung totoo ba ang masasayang pagsasama nila noon o bahagi lang ito ng kaniyang mga panaginip.

Natauhan si Sabrina nang matapos na ang musika. Napahinga siya nang malalim. Wala pang isang minuto ang itinagal ng musika at pakiramdam niya ay naibsan kahit papaano ang kaniyang pagod mula sa pag-aaral sa umaga at pagtatrabaho sa hapon hanggang gabi.

Napansin ni Sabrina ang maliit na piraso ng papel na nasa tabi ng music box. May nakasindi ring lumang lampara sa mesa kung saan nagkalat din ang iba pang mga gamit tulad ng mga lumang libro, compass, at globo.

Humakbang papalapit si Sabrina upang tingnan ang papel sa pag-aakalang nag-iwan doon ng note ang may-ari. Naninilaw na ang papel na may bakas ng natuyong dugo. Animo'y niluma na ito ng panahon.

Nagtaka si Sabrina sa pagkakasulat ng baybayin. Marunong siya magbasa niyon dahil sa kapatid niya na mahilig sa Kasaysayan at mga makalumang bagay. Buong sikap na binasa ni Sabrina ang nakasulat.

Sa pagsapit ng duyog ako'y babalik,

Aking babaliktarin ang daigdig.

Mabagal niyang binasa ito hanggang sa mapaisip siya. Muli niyang binasa ang nakasulat, "Duyog?" ngayon niya lang narinig ang salitang iyon. Bukod doon, wala siyang ideya kung anong talinghaga ang bumabalot sa kaniyang binasa. Pakiramdam niya ay isang tula iyon ngunit napunit ito at iyon na lamang ang natira.

Napalingon si Sabrina sa bintana nang marinig ang sunod-sunod na pagkulog at pagkidlat. Nawala ang ingay ng mga naglalaro ng basketball sa labas. Narinig niya ang mga boses at usapan sa ibaba. Naglakad si Sabrina patungo sa tapat ng bintana kung saan nakita niya ang pagkakatapat ng araw, buwan, at mundo.

Ang pagpula ng buwan ay nagpatigil sa mga tao. Halos nakatingala ang lahat. May mga kumuha ng litrato at video sa nangyayaring lunar eclipse. Hindi malaman ni Sabrina kung bakit parang inaakit siya nito. Umiihip ang marahan na hangin na mas lalong nagpapalamig sa gabi. Sinasayaw nito ang mahaba niyang buhok na abot hanggang sa kaniyang balakang.

Naalala niya ang malaking pagbabago sa kaniyang buhay matapos ang aksidente na muntik nang kumitil sa buhay nilang magkapatid. Nang magising siya mula sa mahabang pagkakaidlip, natuklasan niya na may kakayahan na siyang makita ang mga bagay at pangitain na hindi karaniwan.

Nang matapos ang kakaibang anyo ng buwan ay muling bumalik ang mga tao sa kani-kanilang mga ginagawa. Nagpatuloy sa paglalaro ang mga lalaki, mas lalong dumami ang naglalakad sa kalsada habang panay ang busina ng mga motorsiklo na dumadaan.

Tumalikod na si Sabrina at akmang maglalakad na palabas ngunit naistatwa siya sa kinatatayuan nang makita ang isang binata na nakadapa sa sahig. Napalingon siya sa kaliwa't kanan, wala naman siyang narinig na pumasok kanina. Bukod doon, wala rin siyang naabutang tao sa loob ng bahay.

"Okay lang po ba kayo?" Halos walang kurap na nakatingin si Sabrina sa binata. Nakasuot ito ng puting polo na may mahabang manggas, itim na tsaleko, at itim na pantalon. Laking-gulat niya nang makita ang bakas ng dugo sa bandang dibdib ng binata na tila tinamaan ito ng bala o nasaksak nang malalim sa puso.

Tuluyan na siyang hindi nakaalis sa kinatatayuan nang gumalaw ang binata saka dahan-dahan nitong iminulat ang mga mata. At nang magtama ang kanilang paningin, pakiramdam niya ay sandaling tumigil ang pag-ikot ng mundo sa pagdating ng binatang hindi niya inaasahan.





*****************

#Duyog

Ang ilang mga kaganapan at tanong sa Salamisim at Hiraya ay matatagpuan niyo sa nobelang ito na siyang huling serye sa Trilogy. Maraming salamat sa pagsubaybay, Sunshines!

Featured Song: "Someday My Prince Will Come"

DuyogWhere stories live. Discover now