Kabanata 1: Sa Mundo ng Kasalukuyan

36.2K 1.4K 3.8K
                                    

[Kabanata 1]

TUMATAKBO nang mabilis ang isang lalaki papalayo habang makailang ulit siyang lumilingon sa likod kung saan naririnig niya ang mga bulong na hindi niya maunawaan. Kasabay ng mga bulong ng hangin ay napansin niya na tila palaki nang palaki ang kabilugan ng buwan na tila hinahabol din siya nito.

Hinihingal na siya sa pagod habang unti-unting nararamdaman ang malamig na hangin na tila hinihila siya sa mundo ng mga patay. Nababalot ng dilim ang paligid maliban sa liwanag ng buwan na nasa kaniyang likuran.

Naririnig na rin niya ang mga boses, tawa, hagulgol, at sigaw ng mga taong hindi na niya kayang pakisamahan. Tinakpan niya ang kaniyang tainga dahilan upang hindi na siya makatakbo nang maayos.

"Ako'y naniniwala na ikaw'y magiging mahusay na manunulat balang araw."

"Kay raming parangal! Kay husay na bata!"

"Ikaw ay lilikha rin ng kasaysayan sa mundong ito. Isa kang Dela Torre, huwag mong kalilimutan iyon."

"Ikaw ay biyaya ng buwan! Wala akong ibang hinahangad kundi ang ikabubuti mo, anak."

"Kilala mo na ang tunay na may sala, hindi ba? Bakit hindi mo siya isuplong? Nais mo rin bang pagtakpan ito gaya ng gawain ng mga tulad niyong may kaya?!"

"Ikaw ang may sala ng lahat!"

"Kung hindi ka dumating. Marahil hindi ko nararanasan ito. Hindi ko mararanasang maisantabi nang dahil sa 'yo. Mapalad ka ngunit hindi ka marunong magpahalaga!"

Napasigaw ang lalaki dahilan upang magising siya mula sa matinding bangungot. Gulat siyang napaupo sa kama. Ramdam niya ang malalamig na butil ng pawis na namumuo sa kaniyang noo. Napahawak siya sa tapat ng kaniyang puso dahil sa bilis ng tibok nito. Mabilis siyang mapagod at madalas naninikip ang kaniyang dibdib.

Ayon sa pagsusuri ng kaniyang ama na isang doktor, mahina ang kaniyang puso. Hindi na ito nagpaliwanag pa. Nababatid niya na namana niya ang karamdaman na iyon sa kaniyang ina na may sakit sa puso.

Napatingin siya sa lampara na nakapatong sa maliit na mesa. Maingat siyang bumangon at naglakad papalapit doon para magsalin ng tubig mula sa pitsel na nasa tabi ng lampara. Nang makainom na siya nang tubig ay sandali niyang ipinikit ang mga mata upang pakalmahin ang sarili. Madalas siyang nananaginip nang masama. Mula nang magkasakit siya at patuloy na manghina ang kaniyang katawan ay palagi niyang napapanaginipan ang bangungot kung saan hinahabol siya ng buwan at mga boses na hindi tinatangay siya sa kawalan.

Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan saka muling iminulat ang mga mata. Kinuha niya ang lampara at lumabas sa silid. Nagtungo siya sa silid-aklatan na itinuturing niyang kanlungan mula sa mundong puno ng kasakiman at kasamaan.

Walang ibang gumagamit ng silid-aklatan kundi siya. Ang kaniyang ama ay may sariling opisina at madalas itong nasa iba't ibang pagpupulong sa Maynila. Ang kaniyang madrasta ay madalas ding wala dahil laman ito ng iba't ibang pagdiriwang. Sa tuwing nasa bahay ito, lagi itong nasa hardin o asotea habang naglalaro ng tong-its kasama ang mga kaibigan.

Ang kaniyang ina ang siyang tanging nasa tabi niya, subalit ang labis na pag-aasikaso at pag-aalala nito ay madalas wala na sa lugar. Kulang na lang ay latagan niya ng sutla ang lahat ng lalakaran ng kaniyang anak.

Napatitig ang binata sa mga papel na nagkalat sa mesa. May ilang nakalukot na papel din sa sahig. Hindi niya pa natatapos isulat ang tula na nais niyang ipaskil muli sa bayan bago siya bumyahe patungo sa Europa.

Ang totoo, tahimik niyang sisimulan doon ang bago niyang layunin. Hindi pa rin siya titigil hangga't hindi naisasakatuparan ang kaniyang mga adhikain. Sumang-ayon siya sa kagustuhan ng kaniyang ama na mamalagi muna sa Europa habang hinihintay na humupa ang usap-usapan tungkol sa pagkakasangkot niya sa pag-aalsa.

DuyogWhere stories live. Discover now