Wattpad Original
There are 3 more free parts

Chapter Six

613K 11K 254
                                    

Nang mabasa ni Shiela ang laman ng diyaryo, nanghina siya. Parang may kung anong dumaklot sa kanyang puso at piniga ito. Napaupo siya bigla at tumulo ang kanyang mga luha.

"Mama bakit?" nagtatakang tanong ni Markus. May pag-aalalang mababanaag sa mukha ng paslit. Tumigil nga ito sa paglalaro ng toy car at lumapit kay Shiela. Yumakap pa.

Nang makita ang ginawa ng kakambal, tumigil na rin sa paglalaro si Marius at tumingin sa ina at kapatid. Hindi na siya nagtanong pa, pero parang naghihintay ng kasagutan ng ina sa tanong ni Markus.

Pinahiran ni Shiela ang mukha at hinalikan sa ulo si Markus. Sinenyasan niya si Marius na lumapit na rin sa kanya. Kaagad namang tumalima ang bata at nakiyakap na rin sa ina at kapatid.

"Okay lang si mama," pabulong na sabi ni Shiela sa kambal. Hinalikan niya ang mga ito sa ulo at niyakap nang mahigpit. Napaaray ang dalawa.

Ang totoo, hindi siya okay. She feels guilty, sad, and worried all at the same time. Ayon kasi sa diyaryong binigay ng kaibigan niyang si Mona, natalo sa nakaraang eleksiyon ang kanyang ama. Nagpetisyon ito dahil sa pandaraya diumano ng kabilang partido, pero natalo pa rin sa kaso. Dahil doon, inatake raw ito sa puso at biglang sinugod sa ospital.

Kung pupwede nga lang, gusto niyang sumaglit sana sa kanila sa Santo Domingo, isang bayan sa Benguet. Gusto niyang matiyak ang kalagayan ng papang niya. Malaki ang kontribusyon niya sa pagkakaganoon ng ama. Nang dahil sa kanya, nawalan ito ng political career, isang karera na iningat-ingatan nito sa loob ng halos dalawang dekada.

Nakagisnan na niyang mayor sa bayan nila ang kanyang papang. Tinitingala ito ng lahat dahil bukod sa pagiging tapat nito sa tungkulin, larawan ng isang huwarang mag-anak ang kanilang pamilya. Walang eskandalong maikakabit sa pangalang Mariano. Ang Ate Gina niya na nagtapos ng kursong edukasyon ay naging isang magaling na guro. Higit sa lahat, nagpakasal ito nang maayos. Sumunod sa tradisyon ng mag-anak na humarap sa dambana nang malinis at puro. Kaya palagi na lang ay ginagawang halimbawa ng mga taga-Santo Domingo ang kanilang pamilya. Pero isang araw, sa huling kampanya ng mga tumatakbong mayor sa kanilang bayan, naganap ang siyang nagpabagsak sa papang niya.

Masydaong mainit ang panahon. Kasing init ng suporta ng mga taga-Santo Domingo sa kandidatura ng kanyang ama. Umaasa ang lahat na kagaya ng mga nagdaang taon ay mahihirang na naman itong alkalde ng kanilang bayan. Bilang tradisyon ng pamilya, sumama silang mag-iina sa huling araw ng kampanya. Kagaya ng nakagawian, kasama silang tatlo sa pamimigay ng flyers at pagkain sa mga dumalong taga-suporta ng kanyang ama. Dala na rin marahil ng pagod at init ng panahon, bigla siyang nahilo. Bago pa man matapos ang talumpati ng papang niya, nagdilim ang kanyang paningin. Ang kahulihulihan niyang narinig ay ang sigaw ng mga tao.

"Ay, hinimatay si Shiela!"

Nang siya'y magising, nasa loob na siya ng isang makeshift clinic ng Red Cross sa tabi ng stage. Umiiyak ang mamang niya sa kanyang tabi, pati na rin ang Ate Gina niya. Sa hindi kalayuan ay nandoon ang kanyang ama. Madilim na madilim ang anyo. Kuyom ang mga palad at halatang nagtitimpi lang ng galit. Nang makita siyang nagkamalay na, lumapit ito agad sa kanya.

"Sino ang ama ng dinadala mo?" galit nitong sita sa kanya, pero malumanay pa rin ang boses.

Nang hindi siya sumagot, inakala nito na si Alfred, ang dati niyang nobyo, ang may kagagawan ng lahat. Lumabas ito sa tent. Nang bumalik ito'y hawak-hawak na niya sa kuwelyo ang dati niyang kasintahan. Tinulak niya ito sa kanyang paanan at dinuru-duro.

"Ano'ng ginawa mo sa anak ko?"

"H-Ho? B-Bakit p-po?" natatakot na tanong ni Alfred saka ito sumulyap sa kanya na noo'y umiiyak na rin at kinakabahan nang todo.

PERFECT STRANGER (WATTYS 2016 winner)Where stories live. Discover now