Chapter 1

1.7K 75 7
                                    

Mas gusto kong galit ka. Sinanay kitang magalit. Sinanay kitang lumaban. Pero, iba ang nakikita ko sa mga mata mo – hindi poot kundi sakit. At hindi ko natatagalan ang nakikita kang nasasaktan, Anak...

"Magdasal ka, Ma, na hindi si Freda na nanay n'ung Lauren itong bagong kaibigang sinasabi n'yo. Isama mo na rin sa dasal n'yo na totoo ang mga sinabi n'yo sa akin dahil tatanggapin ko kung hindi nga ako anak ni Daddy kahit gaano man kasakit. Pero, sa oras na malaman kong nagsisinungaling kayo at ginagawa n'yo ang lahat ng ito dahil nagpapagamit kayo sa dalawang putang-inang 'yun ay hinding-hindi ko kayo mapapatawad. Magdasal ka na rin na hindi tayo darating sa puntong 'yun dahil kapag 'yun nangyari, Ma, hindi kita kahit kailan kikilalanin pang ina at mawawalan ka nang tuluyan ng anak..."

At noon ko napagtanto na hindi mo kahit kailan nakikita ang pagmamahal na ibinibigay ko sa'yo...

Maaga akong naulila. At hindi katulad mo ay lumaki ako sa isang masayang pamilya. Nag-iisa akong anak nina Esmeralda Cristobal at Anastacio Valderrama. Ang aking ama ay may maliit na sakahan at ang aking ina ay isang public school teacher.

Sampung taon gulang ako n'ung pareho silang namatay sa isang aksidente kaya naman ay kinupkop ako ng aking Tiyay na sa kasamaang palad ay ipinaglihi kay Satanas. 'Yung pagbubunganga kong nirereklamo mo ay ni wala sa kalingkingan ng sinapit ko.

"Ito lang? Talagang ito lang ang kinita mo buong maghapon?!"

"Tiyay, umulan po kasi nang malakas kaya po matumal—"

"Naku, naku kang bata ka! Kahit kailan talaga ay bawat sasabihin ko ay meron kang sagot! Bakit, kapag umuulan ba ay hindi na kumakain ang mga tao, ha?!

Bakit pinabayaan mong mabasa 'yang mga turon na 'yan?! At bakit 'yan na lang ang natira, eh, akala ko ba matumal?!"

"Kasi po...kasi po...kumuha po si Elmer pati po 'yung mga kaibigan n'ya at hindi po sila nagbayad—"

"Gagawin mo pang rason 'yung pinsan mo! Paano magkakasya itong cuarenta pesos mong kita sa pang-araw-araw natin?!"

"Pasensya na po..."

"Na naman?! Pasensya na naman?!"

"Tiyay—"

"Tumahimik ka!"

Tumango ako bago yumuko.

"Puro ka na lang pasensya na! Maglaba ka na dahil wala nang isusuot na uniporme ang pinsan mo! At 'yang natirang turon, 'yan na ang hapunan mo!"

"Tiyay..."

"Ano na naman?!"

"Sa...sa susunod na pasukan po ba...ay makakapag-aral na po ako? Ang sabi n'yo po kasi noon—"

"Alam ko kung anong sinabi ko! At h'wag kang umasta na para bang may ipinatabi ka sa aking pera dahil ni isang sentimo ay walang iniwan ang mga magulang mo!"

"Ang...ang sabi po ng kasamahan ni Inay sa paaralan, may insurance raw po—"

Isang malakas na nasampal ang natamo ko dahil sa sinabi kong 'yun.

"Mas magaling ka pa sa akin?! Sino 'yang makating-dilang 'yan na naglalagay ng kung anu-ano d'yan sa utak mo, ha? Sino?!"

"Aray ko po, Tiyay...'yung buhok ko po—"

"Dapat sa'yo talaga sinasabunutan, eh, para matauhan ka! Puro ka reklamo! Hindi ka na lang magpasalamat na may natutuluyan kang bahay at nakakakain ka araw-araw!"

"Pwede naman po akong umalis po rito at bumalik na lang po sa bahay namin sa bukid—aray ko po..."

"Hindi ko gusto ang tabas ng dila mong bata ka! Sa tingin mo ba ay masaya ako na nandito ka sa poder ko, ha?!"

She Will Be LovedWhere stories live. Discover now