1: Four Strangers

33 5 0
                                    

RICO AGUSTIN

APAT NA PARES na mga mata ang sumalubong sa akin nang buksan ko ang malaking pinto ng library na gawa sa salamin. Sinabayan pa ng malamig na hanging ibinubuga ng aircon, mas lalong tumindi ang kabog na kanina pa nararamdaman ng aking dibdib.

"You're late." Si Mr. Vorope ang nagsalita. "Gusto mo yatang bumalik ulit dito next Sunday?"

Payuko akong naglakad patungo sa kinaroroonan ng mga kasama ko at tinabihan ang babaeng abala sa pagsusulat sa kaniyang kuwaderno. 

"Okay." Sinulyapan ni Sir Vorope ang suot nitong gintong relo bago siya tumayo upang kunin ang aming atensyon. "Nandito kayo ngayon dahil bawat isa sa inyo ay lumabag sa mga nakasulat sa student handbook." Isa-isa niya kaming tinignan na para bang bawat isa samin ay nakagawa ng isang malagim na krimen.

Habang okupado sa paglilitanya si Sir Vorope ay pinasadahan ko ng tingin ang mga kasama ko sa loob ng library. Sa likod nakaupo si Anthony Sevelle, isang Mass Communication student na sikat sa campus dahil sa pagiging guwapo. Madami ang mga lihim na umiibig sa kaniya kasi nga tila nasa kaniya na ang lahat. Last year lang ay nanalo siya bilang Campus King noong foundation day ng Kolehiyo de Sahagun. Hindi na bago dahil nakakabit na sa pangalang Anthony Seville ang salitang "school heartthrob."

Napadalawang-sulyap naman ako sa aking katabi. Kasi kung hindi ako nagkakamali ay siya si Gabriela Caridad, ang kasalukuyang Editor-in-Chief ng aming school paper. Matalino siya, bukod sa magaling sa academics ay marami din siyang extra-curricular activities kaya nakapagtataka kung bakit siya nandito sa detention ngayon. Kung si Anthony lang naman ay inaasahan ko na 'yan pero si Gabriela? Ano kayang kasalanan ang ginawa niya?

Sa tabi ni Gabriela nakaupo ang isa pang babae. Maganda siya, taglay niya ang mga katangian ng babaeng may karapatang magtaray. Nakasuot siya ng pulang skinny jeans at puting blouse bilang pang-itaas. Artistahin ang dating, sosyalin, yayamanin.

"Suspension..." Nabaling pabalik ang atensyon ko kay Sir Vorope nang marinig ko ang mga katagang iyon. "Or worse ay expulsion ang ipapataw sa inyo once na lumabag pa kayo sa school rules and regulations. Pero bilang first offense pa lang naman ang mga ipinataw sa inyo ay sa akin muna kayo dadaan." Anito sabay ngisi.

Marami ang nagsasabing terror si Sir Vorope. Sabagay ganoon din naman ang first impression ko sa kaniya  dahil sa hitsura niyang bugnutin. Maliit lang siya, nasa 5 feet 3 inches siguro. Malaki ang tiyan at mas lumaki pa ang mga mata dahil sa suot nitong eyeglasses. Unti-unti na ring inuubos ng panahon ang mga buhok nito sa ulo. Kita na rin ang mga kulubot sa kaniyang mukha dahil siguro sa linggu-linggo nitong pagharap sa mga pasaway na estudyanteng nauuwi sa detention.

Maya-maya ay biglang nagtaas ng kamay si Gabriela. "Sir may tanong ako."

"Yes Ms. Caridad?"

"Ano pong ginawa ko, bakit ako nandito?" Hindi ko alam kung seryoso siya o sarkastiko ang tanong niya pero sa pagkaka-alam ko ay bawat isa sa amin ay mayroong detention slip at nakasulat na doon kung ano ang kasalanan namin.

"Perhaps you should ask that to yourself Ms. Caridad." Ito ang sarkastikong pahayag. Napatingin ako kay Gabriela para sa isasagot niya.

"With all due respect sir." Nakatayo na si Gabriela mula sa kaniyang kinauupuan. "Walang masama sa isinulat ko. It was part of the editorial page, opinyon 'yun and to be honest totoo naman ang mga isinulat ko."

Ang tinutukoy siguro ni Gabriela ay ang kare-release lang na school paper kung saan tinira nito sa kaniyang column ang paaralan dahil sa pagpapatuloy ng no-permit, no exam policy. Matagal nang vocal si Gabriela sa mga ipinaglalaban ng mga estudyante at hanga ako sa pagiging matapang nito. Kaya nga lagi akong kumukuha ng bagong isyu ng kanilang dyaryo.

"Gabriela, you're a smart girl. But in life, learn not to bite the hand that feeds you."

Natahimik si Gabriela sa mga sinabi ni Sir Vorope. Kasabay nito ay ang biglang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Halos sabay-sabay pa kaming napatingin sa bintana ng library. Ang balita ko'y may paparating na super typhoon mamayang gabi kaya nagdadalawang-isip ako kaninang umaga kung tutuloy pa ba ako sa detention o hindi. Kapag kasi lumiban ka sa detention ay dudoble ito at sa halip na isang beses ay dalawang beses kang papasok rito.

"Kung wala na kayong tanong, let's start bago pa tayo abutin ng baha." Nagsimulang maglakad patungo sa mga shelves ng libro si Sir Vorope. 

Nahahati ng tatlong bahagi ang library. Sa pinanggalingan namin ay ang reading area, sa kabila nito ay ang computer room at sa lugar kung saan naman kami patungo ay ang tahanan na ng libu-libong libro ng aming kolehiyo.

Dumeretso kami sa isang long table na punung-puno ng mga libro. Sa tantiya ko ay nasa tatlong daan ito. 

"I'll give you two tasks. Una, kailangan niyong makatapos ng 200 hundred books at the end of this session. Ano ang kailangan niyong gawin?" Kumuha si Sir Vorope ng sirang libro mula sa lamesa. "Kailangan niyong ayusin ang mga sirang libro and replace old covers with new ones." Itinuro nito ang mga gamit sa kabilang table. "Plastic covers, tapes and other paraphernalia are on that table."

Magsasalita na sana si Sir Vorope nang biglang sumingit si Anthony. "Pero sir, hindi ba kaya may librarian kasi 'yan ang trabaho niya? Mag-ayos ng libro?"

Humalukipkip si Sir Vorope at saka hinarap si Anthony. "Mr. Sevelle, ang kailangan lang din gawin ng mga estudyante ay ang mag-aral, ang mga guro naman ay magturo. Pero dahil pinaki-alaman mo ang trabaho ng teacher mo, why not pakialaman mo na rin ang trabaho ng librarian?" 

Napakamot na lang sa ulo si Anthony sa naging sagot ni Sir Vorope.

"Your second task." Pagpapatuloy nito. "Sa isang papel, write down your own assessment sa kasalanang ginawa niyo, kung bakit nandirito kayo ngayon sa detention at kung ano ang gagawin niyo para mababwi ito. That's all."

"In three hours? Paano namin matatapos 'yan in just three hours?" Si Gabriela naman ang nagsalita.

"That's not my problem anymore. Apat kayo, try the magic of teamwork."

"Paano kung hindi namin matapos?" Pahabol na tanong ni Gabriela.

"Then see you again next week." Todo ngiti si Sir Vorospe na para bang nang-iinsulto. "You may start." Nagsimula na itong maglakad palayo nang bigla siyang may maalala. "Nga pala, I need your phones."

"What?" Sa unang pagkakataon ay narinig ko na rin ang bosses ng isa pa naming kasamang babae.

"This is a detention afterall." Ani Sir Vorospe sa tonong nang-iinis. Ngayon alam ko na kung bakit siya tinawag na terror.

Isa-isa niyang kinuha ang cellphone ng bawat isa. Nang lumapit siya sa akin ay nahihiya pa akong magsabi ng totoo. "Wala po akong cellphone."

"Is that so?" Saglit niya akong pinagmasdan bago naniwalang wala talaga akong telepono. "Okay, see you in three hours." 

Naiwan kaming apat sa harap ng bundok ng libro na nangangailangan ng kalinga. Tahimik ang bawat isa habang nakikinig sa malakas na buhos ng ulan, nag-iisip kung papaano sisimulan ang isang trabaho kasama ang apat na estranghero.

Detention LibraryWhere stories live. Discover now