4 | sa nabutas kong puso

4 0 0
                                    

Sa ilalim ng mga titig ng mga mapanghusgang mata
Ako'y natutunaw s ainit, napapagod sa pag-iwas sa bala
Kapag ako'y lumalawig sa damdaming sinisiil
Paano na kapag sa mga ito'y wala nang pumipigil?
Malulunod kaya ang daigdig sa aking galit at poot
Magsisilbi bang tanglaw sa dilim ang maskarang suot?
Kahit pa kakarampot lang ang inibigay sa akin
Dapat pa rin ba akong magsikap at magpaalipin
Pumailalim sa mahigpit na kamay ng mundo
Dapat pa bang ipaglaban ang mga bagay na nais ko?
Ako'y nananangis sa sulok ng aking isipang madilim
Para sa nabutas kong puso—dumating na ang takipsilim

Sa pagitan ng ipinuslit na pangarap at tinagong lihim
Tama pa bang ibuka ang bibig at sabihin ang naisin?
O ako ba'y magdurusa sa kada salitang bibitawan
Ako ba'y iiwang mag-isa sa bangkay kong tatawanan?
Dahil naranasan ko na ang hinagpis ng buhay
Nalasap ko na ang pait na tila nagbibigay kulay
Sa walang kinang na pagdaloy ng oras na kinakalaban
Kaya pilit kong hinahabol ang ala-alang aking iiwanan
Tanawin mo ang mga litratong pinipinta ng aking bibig
Mga inukit na bituin at mga nilatayang bisig
Kapag ba wala nang daloy ang dayang na aking bilin
Ang nabutas kong puso—kaya mo bang kunin?

At dito lamang sa pangako ng paraiso ako naroon
Pilit inilalahad ang kamay, isinasaad ang layon
Pero lumingon yata ang langit at ako'y 'di na makaahon
Nalunod nang walang nakakasaksi sa paglubog sa lason
Kikitilin mo ba ang hiningang sa iyo'y naninikluhon
Paano po lalanguyin ang malalim at galit na pag-alon
Ng pinagtaksliang kaluluwang iniwan ng walang paalam
Paano mo hihilumin ang sariling pinuna nang walang alam?
Kung ito lang ang buhay, marahil ito'y walang saysay
Kung ito lang ang daang tatahakin, marahil ako'y sasakay
Sa tren papuntang langit sa unang pagkakataong ibibigay
AAnhin ang nabutas kong puso kung daing lang ang taglay?

Kaibigan ko na ang dahas at magulang ko ang hapdi
Sa paghahanap ko ng lunas ay natagpuan ko ang sanhi
Sa aking bumulusok na tadhana at dangal na ibinasura
Ako nga ba'y maghihilom pa o ang absuwelto'y tapos na
Maibabalik ba ang panahong puro saya lang ang ala-ala?
Kung hindi ay hihintayin ko na lang ang aking parusa
Ito ang mga pagsubok at bigat na dadalhin hanggang puntod
Na hindi mabubura kahit hugasan at itapon sa alulod
Nito ko lang napagtantong balat ko'y wala nang dugo
Dahil lahat ay dumaloy na sa sugat na isinugo
Ng langit na nakatingin lang sa may bandang malayo
Habang ako'y aawit ng elehiya para sa nabutas kong puso

paalam, pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon