Chapter 3

748 32 7
                                    

Chapter 3

Eksaktong nagbababa ang jeep sa gilid ng gate 3 ng Claveles International College o CIC. Sa parte na iyon ng CIC ay mas maraming kainan na nag-o-offer ng breakfast meals. May kamahalan nga lang pero masarap naman dahil minsan, inilibre na 'ko ro'n nina Caly.

Pagkababa ko ng jeep ay tumabi ako at inayos muna ang black skirt ng uniform ko at hinila iyon pababa hanggang tuhod ko. Pinagpag ko rin ang kulay blue kong blouse na parte ng uniform. May kasama pa itong coat, pero tuwing Wednesday lang 'yon required suotin.

"Partner!"

Agad akong napalingon at tinago ang kaba nang makita si Alek na nakangisi habang palapit sa 'kin. Naka-uniform din siya, light blue na polo at black slacks. May sigarilyo sa gitna ng dalawa niyang daliri, upos na iyon kaya niya siguro pinitik patapon sa gilid ng kanal.

"Good morning..." mahina kong bati. "Ahm, huwag kang nagtatapon sa kanal..."

Huminto si Alek nang nasa harap ko na siya kaya't bahagya niya 'kong niyuko. Nang inangat ko ang tingin sa kanya ay parang nagtataka ang mga mata niya.

"K-Kasi magbabara ang kanal kapag may tinatapon diyan," mabilis kong paliwanag, nahihiya. Hindi ko naman gustong manaway ng ganito kaaga, pero kasi mali lang talaga na magtapon sa kung saan-saan.

Mas napangisi si Alek habang nakatitig sa 'kin. "I'm sorry. Hindi ko na uulitin. Nasa isip ko lang, mas safe na itapon sa tubig-kanal ang sigarilyo para hindi makakasunog 'yung naiwan pang baga."

Napakurap ako. May punto rin naman. "P-Pasensya na rin...."

He chuckled. "Well, I didn't expect this would be our first topic this morning. Pero, halika na. Gusto kong kumain sa Yarcia Cafe."

Pinigil kong magusot ang ilong ko dahil amoy sigarilyo pa siya. Mabilis na lang akong tumango sa sinabi niya. Sabay kaming naglakad sa sidewalk kung saan kami pa lang dalawa ang estudyante na naglalakad.

Pagdating namin sa Yarcia Cafe, kabubukas pa lang at kami agad ang unang customers.

"Nandito ka na naman, Alek," sabi ng may-ari ng cafe na si Sir Onan. Nakilala ko ito dahil kina Caly at Magnus.

"Pabili akong lugaw! Dalawang bowl!" agad na order ni Alek pagkalapit sa counter, may excitement pa sa tono. Pagkatapos ay binalingan niya 'ko. "Ikaw, partner? Anong order mo?"

Napakurap ako. Akala ko ay tig-isa na kami doon sa dalawang bowl.

"Ah, lugaw din sana." Iyon ang pinakamura ngunit pinakamasarap sa menu ng cafe na 'to.

"Dagdagan nating tokwa at dila ng baboy," sabi pa ni Alek na parang hindi naman hinihingi ang permiso ko, nagsasabi lang. Tumango na lang din ako.

"How about your drink?" tanong niya ulit.

"Tubig."

"And two bottled water, Onan!"

Nang bumaling ako sa may-ari ay nakatingin ito sa 'kin. "I've seen you here before..."

"O-Opo..."

"Bestfriend siya ni Calysta De Haro," imporma ni Alek habang nakatingin sa menu. Mukhang may gusto pa siyang idagdag na order.

"Bakit si Alek ang kasama mo, kung ganoon?" Ang tono ni Sir Onan ay katulad sa iba naming professors na takang-takang ka-partner ko sa thesis si Alek.

"Thesis partner ko si Harana. Nakasalaylay ang pag-graduate namin sa isa't isa," si Alek ang sumagot. May tinuro siya sa menu. "Gusto ko rin ng hard-boiled egg. Tig-isa kami ni Hara."

DHS #1: Burning SlowlyWhere stories live. Discover now