Chapter 6: At Makilala ang Isa't-isa

660 68 9
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


Malakas ang buhos ng ulan. Nakasilong sina Manolo at Kenji sa ilalim ng puno, nakaupo sa buhangin, nakatiklop ang mga katawang kapuwa nanginginig na nilalabanan ang ginaw. Ipinantatakip nila sa kanilang ulo ang pangitaas nilang mga uniporme, habang sa harapan nila'y nakapatong sa bato ang kanilang mga metal na canteen. Nakabukas ang takip ng mga ito, sumasalok ng tubig ulan na kanilang iinumin.

Tumagal nang halos isang oras ang pananalagi nila sa kanilang puwesto, at sa loob ng maikling panahon na iyo'y hindi sila nagsipaggalaw, hindi nakuhang tumayo at kahit sa pag-ihi'y hinayaan na lamang makaraos sa kanilang mga pantalon. Nagsipagtayuan sila sa unang senyales ng paghupa at nagsibabaan tungo ng aplaya. Nagliliwanag na muli ang kalangitan at ang oras sa tantiya ni Kenji ay pa-alas-singko na ng hapon. May masarap na simoy ng hangin, at amoy ng basang buhangin at ang mga ito'y nagbigay na kapreskuhan sa kanilang mga katawan. Dinala ni Kenji si Manolo para magbanlaw sa dagat at ipinatuyo nilang mga basang uniporme sa araw.

"I will make fire," sabi ni Kenji.

Nang madinig iyon ay may naalala ni Manolo at kinapa ang kanyang bulsa. At mula roon ay inilabas niyang maliit na plastik kung saan nasa loob ang kulay pilak na Zippo lighter.

"Here!" kanyang inaabot ang lighter sa kasama.

Gulat lang si Kenji. Nagaalangan na kunin ang bagay na wala siyang ideya. Noon lamang nang buksan ni Manolo ang takip ng Zippo at kanyang pinihit ng daliri ang flint wheel at iyon ay sumindi'y, natanto ng Hapon kung ano iyon. Sa mga lumang pelikula'y nakita na niya kung paano gumagamit ang mga taga-Europea ng lighter para sindihan ang kanilang sigarilyo, at naunawaan niya kung anong silbi noon. Naaliw siya na hindi nabasa ang Zippo sa loob ng plastik. Kinuha ni Kenji ang lighter at kanya mismong sinubukan.

"American-made!" masayang sabi ni Manolo.

Naghukay sila ng butas sa buhangin at pinuno iyon ng tuyong sanga at mga dahon. At nang husto na ay sinindihan iyon ni Kenji ng lighter, hinipan nang pauntau-untay haggang sa lumakas ang siga. Naupo sila sa tabi ng apoy para magpainit ng katawan. Ngayo'y palubog na ang araw at nagkulay ginto ang dagat.

"Sunset here is beautiful," ani ni Kenji.

Tumango si Manolo, bagama't hindi niya nakikita sa kasalukuyan. Nguni't alam niyang sinasabi ng kasama. Nasa kanya ng memorya ang ginintuang takip-silim ng lupang tinubuan.

"Yes. Beautiful," aniya, halos pabulong.

Hawak ni Kenji ang mahabang kahoy na kanyang tinatabas para gawing sibat na kanilang magagamit. Pinatutulis niyang dulo nito.

"Where did you grow up, Joe?" tanong ni Manolo.

Napatingin si Kenji. Ilang pa rin siya na tawaging Joe, pero, pakiramdam niya'y masasanay din siya.

"I grew up in small town. My father is a school teacher," sabi ni Kenji.

"Really, Joe? In America or China?"

Ang Huling PagsukoWhere stories live. Discover now