Kabanata 10

3.4K 185 50
                                    

Kabanata 10: End?



NAPATIGAGAL si Eugene nang lumuhod si Divina at yumuko sa harap ni Ulyses na waring nagmamakaawang paniwalaan ng lalaki na hindi ito ang gumawa ng krimen. Napapitlag din si Eugene nang sa unang pagkakataon mula nang magkakomprontahan ay naramdaman niyang kumilos si Anya. Sinundan niya ito ng tingin at suminghap nang lumapit ito kay Divina at yumakap. Sunod ay kinuha nito ang papel at marahang iniabot sa kanya. Bakas ang takot sa mga mata nito habang tinatanggap niya ang papel kasama ang ballpen na hindi niya alam kung saan nito nakuha.

"Eugene, sorry. Sorry sa inyong lahat. Pati kila Mika, Neo, Yhinn na wala dito ngayon. Kasalanan ko yata kung bakit gumulo ang lahat," mangiyak-ngiyak na sambit nito. "Kung hindi ko sana natapunan ng alcohol ang listahan, siguro hindi na aabot sa ganito. Hindi ko din sigurado kung tama ako, pero malakas ang kutob ko." Kumunot ang noo ni Eugene sa sinasabi ng dalaga.

"Pwede bang diretsuhin mo na kami, Anya?!" sigaw ni Zaira.

Humikbi si Anya at dahan-dahang tumango. "Divina Gracia... ang buong pangalan ni Ma'am Grace."

Napasinghap ang lahat sa narinig. Si Zaira ay tumango-tango na parang may naalala. "T-tama." Nag-alpasan ang luha sa mga mata nito.

Si Eugene naman ay kinalma ang sarili kahit na gusto na niyang tumakbo at hanapin si Grace na ngayon ay kasama si Yhinn. Pero ayaw na niyang magpadalos-dalos. Ayaw na niyang mambintang dahil baka magkamali na naman siya. Pinasadahan niya ng tingin ang papel na hawak at mariing nag-isip. Ilang saglit pa'y napamura siya nang makumpirma mula mismo sa mga pangalan sa papel na hindi si Divina sa harap nila ang salarin kundi ang Divina na mas kilala ng lahat bilang Grace.

Gamit ang nanginginig na kamay ay binulugan niya at inilista sa gilid ang huling letra sa apelyido ng unang biktima. Sunod ay ang ikalawang huling letra sa apelyido ni Ivy, ikatlong huling letra kay Vince... at ang mga sumunod pa.

Ong - G

del Fierre - R

Almeniana - A

Cruz - C

Vidall - I

Nanghihina man ang tuhod at nag-aalala sa kalagayan ni Yhinn ay pilit ni Eugene na ibinaling ang atensyon kay Anya. "Apelyido mo?" pinilit niyang sabihin.

"Valdez."

Agad niyang isinulat iyon sa papel pero kumunot ang noo niya nang hindi iyon tumugma sa pattern para mabuo ang salitang Gracia. Napahilamos siya sa mukha at marahas na napasabunot sa sobrang panggigigil sa sarili. Hanggang sa isang gunita ang naalala niya dahilan para kabahan siya nang husto.

"Miss Amelia Charlene Aguire?" ani Divina sa kararating lang na babae.

Nakita niya ang pagngiwi nito pero sa huli ay ngumiti rin. "Yes, Ma'am. Pero Yhinn na lang po."

Tuluyan na siyang napaupo sa sahig. Amelia Charlene Aguire, ang ikaanim na letra mula sa huli ng apelyido roon... A.

* * *

MABIGAT ang pakiramdam ni Yhinn nang magising siya. Sinapo niya ang ulo dahil nahihilo siya saka kumurap-kurap para makapag-adjust ang mga mata sa kadilimang bumabalot sa kwartong kinaroroonan niya pero walang nangyari.

"G-Grace?" nanghihinang bulong niya habang nakatingin sa kisame. Unti-unting nilukob ng takot ang sistema niya nang walang sumagot. Nag-aalala siya para sa sarili pero mas nag-aalala siya para sa kaibigan. Ni hindi niya maalala ang nangyari sa kanya. Ang alam lang niya'y sinamahan niya si Grace para makapagpahinga ito, pagkatapos no'n ay wala na siyang maalala.

Ab InitioHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin